KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

11

Click here to load reader

description

kulturang popular

Transcript of KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

Page 1: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

SMC RESEARCH JOURNAL

1

ANTAS SA KASANAYAN SA PAGSULAT NG MGA MAG-

AARAL NG FILIPINO 1 SA TERSYARYA NG ST.

MICHAEL’S COLLEGE: BATAYAN SA PROGRAMANG

PANG-INTERBENSYON

Levi Maquinta Coronel

1.0 Panimula

Para sa isang manunulat, kinakailangang siya ay mahusay sa

pag-oorganisa sa mga detalye ng nais na susulatin dahil sa kanyang

mga isinusulat masasalamin ang kanyang kakayahan, kasanayan at

kahusayan sa pagpapahayag ng damdamin. Ito ang nagbibigay ng

malaking pangangailangang ang mag-aaral ay matutong sumulat sa

paraang malinaw, makabuluhan, kawili-wili, realistiko at nababatay sa

katotohanan.

Ito ngayon ang pangunahing layunin ng pananaliksik na ito, ang

patuloy na matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng mga mag-

aaral sa bagong henerasyon. Dahil hanggang ngayon at magpakailanman

ay laging pinaniniwalaan na ang makabuluhang pakikipagtalastasan ay

daan ng pagkakaunawaan at pagkakaisa. Sa pamamagitan ng pagsulat

nananatiling buhay ang kasaysayang pinag-ugatan ng bansa. Paano ba

malilimot ang mga nagawa ni Dr. Jose Rizal, na sa kanyang kakayahan sa

pagsulat nagkaroon ng daan ang kalayaan na naging daan sa pagsulong

at pag-unlad.

Sa pagbabatid sa tunay na kahalagahan ng pagsusulat sa buhay

ng bawat tao, at sa pagnanais na malinang at mabigyang daan ang

pagpapaunlad nang husto sa kasanayang kailangan, na pangunahing

motibasyon ng mananaliksik ay binuo itong pag-aaral. Sinuri ang antas

ng kasanayan ng mga mag-aaral sa pagsulat ng komposisyon ngayong

sila ay nasa tersyarya na upang sa munting paraan ay makatulong na

malinang ang kakayahan ng bawat mag-aaral na makapagpahayag sa

malikhaing paraan at makapagkomunikasyon sa lahat ng larangan.

Batayang Teoretikal. Batayan sa pag-aaral na ito ang teorya

ni Francisco (1996), na naglalahad sa herarkiya ng sining ng wika, ang

pagsulat ng komposisyon o sulatin ay maituturing na pinakamataas at

pinakatampok na kasanayang nararapat linangin sa mga mag-aaral. Sa

teoryang ito ipinamalas ang kahalagahan ng paglinang nang husto sa

kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral. Kaya batay sa teorya, susuriin

sa pag-aaral ang lubos na kaalaman ng mga respondente sa kayarian

ng wika, sa mga sangkap sa pagsulat, sa paggamit ng mga angkop na

salita at pangungusap. Lubos ding bigyan ng pansin ang kasanayan sa

pagsasama-sama ng mga kaisipang bubuuin at ang pagpapahayag nang

malawak na pananaw sa paksang susulatin o tatalakayin. Inilalahad din

na pinakatampok ang naturang kasanayan dahil ito ang magpapahiwatig

ng antas na kasanayan, kakayahan at kabisaan ng pagpapahayag na

Page 2: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

SMC RESEARCH JOURNAL

2

natamo ng isang mag-aaral.

Ayon kay Lachica (1998), ang kaalaman sa lenggwahe at ang

mga katangian nito ay ang pangunahing pangangailangan upang higit

na mapabuti ang pagpapahayag. Ang pagsusulat ng isang komposisyon

ay nangangailangan ng masining na paraan ng paglalahad ng iniisip,

niloloob, nadarama, nakikita o nagguni-guni.

Tinuran ni Fernandez (2000) na ang pagsulat ay isang proseso at

dahilan sa ito’y proseso, kailangan itong ituro at pag-aralan. Ito’y upang

maituro ang wastong paraan ng pagsulat ayon sa kanyang dapat na

maging sunud-sunod na hakbang. Ang pagsusulat ay walang katapusan,

paulit-ulit na proseso sa layuning makalikha at makagawa nang maayos

na sulatin. Maituturing itong isang napakahalagang salik o factor ng

pagkatuto ng gawaing pagsulat na siyang magpapatunay sa naisagawa ng

tao sa lipunan na kanyang kinabibilangan.

Nangangahulugan ito na kung ang isang mag-aaral ay may potensyal

sa pagsulat, nararapat lamang na pukawin ang natatagong talino upang

magamit at maipalabas ang kakayahan at mabigyan ng pagkakataong

malinang nang husto ang kasanayan. Para naman sa may kasalatan sa

sining na ito ay may paraang mahihikayat na makalikha ng magagandang

ideya sa pamamagitan ng wastong pagsasanay at pamamatnubay ng

masigasig na guro.

Ang teorya naman ni Bernstein (Bialystok, 1990) tungkol sa

tinatawag niyang elaborated at restricted codes ay nagsasaad na ang isang

indibidwal ay maaring magkaroon ng elaborated o restricted code depende

sa kanyang kapaligiran na nilakhan o kinagisnan. Ang elaborated code

ay nauukol sa kakayahang linggwistikal ng tao na makapagpahayag

nang maayos at mabuti dahil ang kanyang kapaligiran o bakgrawn, lalo

na sa kanyang paglaki, ay isang kapaligirang maayos, may maraming

pagkakataon para matuto nang lubos ng isang wikang ginagamit niya,

at may oportunidad sa isang magandang edukasyon lalo na sa maaga o

pampundasyong edukasyon. Samantala, ang restricted code ay tumutukoy

sa salat o kulang na kakayahang linggwistikal na nadedebelop sa isang

indibidwal dala ng mga kakulangan o kawalan ng mga oportunidad na

mapaunlad ito dahil sa kahirapang pangkabuhayan o kaya ay kakulangan

ng edukasyon.

2.0 Metodolohiya

Ang mag-aaral na kumuha ng Filipino 1 sa tersyarya ng St.

Michael’s College sa taong panuruang 2008-2009 ang mga respondente

sa pag-aaral na ito. Sa tinukoy na panuruan, binuo ng sampung seksyon

ang mga estudyanteng kumuha ng Filipino 1. Tatlo nito ang binuo ng

mga estudyante sa CON (College of Nursing), dalawang seksyon ang mula

sa CED (College of Education), apat ang sa CBT (College of Business and

Technology), isa ang mula sa CAS (College of Arts and Sciences), isa mula

sa CEIT (College of Engineering ang Information Technology), at isa ang

mula sa COC (College of Criminology). May 451 na mga estudyante ang

pangkalahatang nakatala na kumuha ng Filipino 1 sa taong panuruang

Page 3: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

SMC RESEARCH JOURNAL

3

2008-2009 sa St. Michael’s College.

Ginamit ang Sloven’s Formula sa pagkuha ng bilang ng sampol

sa mga estudyanteng nagrepresenta sa pangkalahatang nakatala sa mga

naka-enrol sa Filipino 1 sa tersyarya ng St. Michael’s College. Isinagawa

naman ang random sampling procedure sa pamamagitan ng paggamit ng

Fishbowl Technique.

Ang Sloven’s Formula ay inilalahad sa ibaba:

n= N 1+ N(e)2

Kung saan ang

n = sampol na bilang N = bilang ng populasyon e = palugit ng pagkakamali

Ang pagbibigay ng puntos sa komposisyon ay ibinatay sa rubric na

inilahad ni Jacob et.al. (1981). Isang panel na binuo ng apat na miyembro

kasali ang mananaliksik ang nagwasto sa mga komposisyon.

Ang mga komposisyon ay iwinasto at ang karampatang puntos

ay ibinigay ayon sa pinagbatayang talahanayan ng rubric ni Jacob et.al

(1981). Ang limang mahahalagang komponent ay makikita sa ibaba. SEE

RUBRICS

Ang deskriptib istatistik gaya ng frequency counts, percentages at mean ay ginamit para sa paglalarawan sa antas ng kasanayan ng mga

respondente. T-test naman ang ginamit sa pagtukoy sa kaibahan ng

kasanayan ng pagsulat para sa dalawang pangkat ng mga respondente.

Ginamit ang Anova sa pagtukoy sa kaibahan ng kasanayang pagsulat sa

tatlong pangkat. Ang Pearson Product-Moment Correlation ay ginamit para

matukoy ang kaugnayan ng kasanayan sa pagsulat ng mga estudyante sa

bawat di makapag-iisang baryabol. Upang matukoy ang epekto ng bawat

makapag-iisang baryabol sa kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral ay

ginamit ang Multiple Regression Analysis.

3.0 Paglalahad, Pagsusuri at Pagpapakahulugan

Pantay ang bilang ng mga lalaki at babaeng naging respondente

sa pag-aaral. May 106 na mga lalaki at 106 naman ang mga babae.

Sumasaklaw ang edad ng mga respondente sa 15-24 at karamihan ay

nasa edad 16-18. Nanggaling sa pribado at pampublikong paaralan ang

mga respondente. Umabot sa 59.9% ang galing sa pribadong paaralan

at 40.1% ang sa pampublikong paaralan. Lahat ng mga respondente ay

nagtala ng mga mababasang materyal na matatagpuan sa bahay. Ang

32.75% ay may mga magasin, 25.0% ang may mga pahayagan, 24.80%

ang may komiks at 17.5% ang nagdagdag na mayroon ding mga aklat na

mababasa sa kanilang bahay. Tungkol sa oras na inilalaan sa panonood

ng telebisyon, 42. 9% sa mga mag-aaral ang naglaan ng tatlong oras at

mahigit sa panonood ng telebisyon. Ang 41.5% ay naglaan ng 1 hanggang

2 oras at 15.6% ang nanood ng hindi lalampas sa isang oras. Tungkol sa

Page 4: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

SMC RESEARCH JOURNAL

4

edukasyon ng kanilang mga magulang, natuklasan na karamihan sa mga

ama ng mga respondente ay may mataas na pinag-aralan dahil umabot

sa 78.8% ang mga amang nakapag-aral sa kolehiyo, nakagradweyt sa

kolehiyo at postgradweyt. Natagpuan ding mataas ang pinag-aralan ng

mga ina ng respondente dahil umabot sa 74.06% ang nakapag-aral sa

kolehiyo at post gradweyt.

Natagpuan sa pag-aaral ang mahalagang kaugnayan ng kasarian

sa kasanayan sa pagbuo ng komposisyon. Natuklasan na ang mga babae

ay mas partikular sa pagsasaalang-alang sa nilalaman, organisasyon

at bokabularyo sa kanilang pagsulat ng komposisyon. Natuklasan ding

mahalaga ang pagkakaroon ng mababasang materyal sa bahay para

sa pagbuo ng nilalaman, pag-oorganisa, pagkakaroon ng maunlad na

bokabularyo at pagsunod sa mekaniks. Ang edukasyon ng ama ay

natagpuang mahalaga para sa ikahuhusay ng mag-aaral sa pagbuo

ng nilalaman at sa paggamit ng wika. Samantalang ang edukasyon ng

ina naman ang natagpuang mahalaga sa ikauunlad ng nilalaman sa

pagsulat ng komposisyon sa Filipino. Ang edad, napagtapusang paaralan

sa sekondarya at oras na inilalaan sa panonood ng telebisyon ay walang

mahalagang kaugnayan sa kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral. Sa

pagbuo ng nilalaman, pag-oorganisa at bokabularyo para sa pagsulat ng

komposisyon gamit ang wikang Filipino, karamihan sa mga mag-aaral ay

may katamtaman hanggang mahusay na kasanayan. Subalit karamihan

naman ay may mahina patungong katamtaman lamang na kasanayan

sa paggamit ng wika at mekaniks. Sa kabuuan ay natuklasang ang mga

mag-aaral ay may napakahinang kasanayan sa pagbuo ng nakasulat na

komposisyon gamit ang wikang Filipino.

Ginamit ang multiple regression upang matukoy ang mga salik na

may mahahalagang kaugnayan sa kasanayan sa pagsulat ng Filipinong

komposisyon ng mga respondente.

Inilahad sa resulta na walang mahalagang kaugnayan ang edad

sa kasanayan ng respondente sa pagbuo ng nilalaman, organisasyon,

bokabularyo, paggamit ng wika at mekaniks. Naunang inilahad sa propayl

na umiikot sa 15-24 ang edad ng mga mag-aaral na naging respondente

ng pag-aaral. Ibig sabihin ay magkaiba ang edad ng mga mag-aaral na

kumuha ng Filipino 1 sa teryarya ng St. Michael’s College. Sa pagsusuri

natuklasan na ang edad ng respondente ay hindi garantiya ng kahusayan

sa pagbuo ng nilalaman, organisasyon, bokabularyo, paggamit ng wika

at mekaniks. Kahit ano pa man ang edad ng respondente, ito ay walang

mahalagang kaugnayan sa antas ng kanyang pagbuo ng komposisyon sa

pasulat na paraan.

Nakitang may mahalagang kaugnayan ang kasarian sa kahusayan

ng mga respondente sa pagbuo ng nilalaman, organisasyon, at bokabularyo.

Wala namang mahalagang kaugnayan sa paggamit ng wika at mekaniks.

Malinaw na inilahad sa cross tabulation ang nakuhang antas ng mga

lalaki at babae sa tatlong komponent na nakitang may mahalagang

kaugnayan.

Sa nakitang resulta, umabot sa 69 (65.09%) na mga babae

ang nasa antas na katamtaman hanggang napakahusay sa pagbuo ng

Page 5: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

SMC RESEARCH JOURNAL

5

nilalaman samantalang ang mga lalaki ay nasa 52 (49.06%) lamang. Sa

antas napakahina naman hanggang patungong katamtaman nasa 54

(50.94%) ang bilang ng mga lalaki na mas mataas pa rin sa bilang ng mga

babae na nasa 37 (34.91%) lamang. Mas nakararami ang mga babae na

may katamtaman hanggang napakahusay na antas kaysa mga lalaki. Mas

kakaunti naman sa mga babae ang may napakahina hanggang patungong

katamtaman kaysa mga lalaki. Inilahad na mas mataas ang antas ng

kahusayan ng mga babae kaysa mga lalaki sa pagbuo ng nilalaman. Sa

organisasyon naman, 75 (70.75%) sa mga babae ang may katamtaman

hanggang napakahusay na kasanayan samantalang ang mga lalaki ay

may 53 (50.0%) ang may antas katamtaman hanggang napakahusay.

Sa napakahina hanggang patungong katamtaman, 31 (29.25%) sa mga

babae ang nabibilang dito samantalang ang mga lalaki ay 53(50.0%). Sa

bokabularyo, 74(69.81%) sa mga babae ang may katamtaman hanggang

napakahusay na antas sa kasanayan habang sa mga lalaki ay 56(52.83%)

lamang. Sa napakahina hanggang patungong katamtaman 32 (30.19%) sa

mga babae ang natukoy na may ganitong kasanayan subalit nakahihigit

ang mga lalaki na may 50(47.17%). Sa kabuuan nakitang may mahalagang

kaugnayan ang kasarian sa kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral.

Ang nakitang resulta sa pag-aaral na ito ay nakita rin sa pag-aaral na

ginawa ni Chen (2002). Ito ay dahil kanyang natuklasan na mas maraming

pagkakamali sa mga gawaing pasulat ang mga lalaking respondente kaysa

mga babaeng respondente. Nakita naman nina Pascual, et. al (2005) sa

kanilang pag-aaral sa karaniwang kamaliang nasa komposisyon ng mga

estudyante ang pagkakaiba sa kasanayang pasulat ng mga babae at mga

lalaki. Magkaiba ang ipinamalas na kakayahan ng mga respondenteng

lalaki at babae sa pagsulat ng komposisyon.

Inilalahad sa resulta na ang napagtapusang paaralan sa sekondarya

ay walang mahalagang kaugnayan sa kasanayan ng mga respondente

sa pagbuo ng komposisyon sa pasulat na paraan. Kaya ang hipotesis ay

tanggap ayon sa ipinakitang resulta sa talahanayan 3.4. Ang natuklasan

ay katulad rin sa natuklasan sa pag-aaral ni Ortiz, (2004), na nagsabing

walang kaugnayan ang napagtapusang paaralan sa kasanayan sa pagsulat

ng mga mag-aaral sa kanilang kahusayan sa pagbuo ng komposisyon.

Ipinapakita sa talahanayan 3.6 na mahalaga ang pagkakaroon

ng mababasang materyal sa pagbuo ng nilalaman, pag-oorganisa, sa

pagkakaroon ng maunlad na bokabularyo at sa pagsasaalang-alang sa

mekaniks sa isang komposisyon. Hindi naman ito mahalaga sa paggamit

ng wika. Inilahad ni Mendoza (2007) na si Toze ang nagsabi na ang

pagbasa ay nagbibigay ng impormasyon na nagiging daan ng kabatiran

at karunungan. Idinagdag pa ni Mendoza (2007) na inilarawan ni Smith

ang dalawang uri ng impormasyong higit na kailangan sa pagbabasa,

ang biswal na impormasyon na makukuha sa mga limbag na pahina at

ang hindi biswal na impormasyong sumasaklaw sa pagkaunawa sa wika.

Kakayahan sa pagbasa ang kaalaman sa kahulugan ng salita. Habang

nasasanay ang tao sa pagbasa, ang kanyang naiintindihan o nalalaman

ay nasasalig sa kanyang kakayahan. Ito ngayon ay sinuportahan sa

natuklasan nitong pag-aaral dahil sa kabuuan natagpuang mahalaga ang

Page 6: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

SMC RESEARCH JOURNAL

6

pagkakaroon ng mababasang materyal sa bahay upang mai-aangat ang

antas ng kahusayan ng mag-aaral sa pagsulat. Higit na matugunan ang

pangangailangang mapaunlad ang kahusayan sa pagsulat kung may mga

mababasang materyal sa bahay.

Sa inilalahad sa talahanayan 3.6, mapapansin na ang oras na

inilalaan sa panonood ng telebisyon ay walang mahalagang kaugnayan sa

kasanayan sa pagsulat ng komposisyon sa Filipino ng mga respondente.

Malinaw na ipinakita na ang katagalang inilaan sa panonood ng telebisyon

ay hindi nakaapekto sa kasanayan sa pagsulat. Ang binuong hipotesis ay

tanggap ayon sa inilahad na resulta sa talahanayan. Mahihinuha batay

sa resulta ang uri ng mga palabas sa telebisyon na pinanonood ng mga

respondente. Malinaw na inilahad na ang mga programang pinag-uukulan

ng panahon ay hindi nakatutulong sa pag-unlad ng kasanayan sa pagbuo

ng komposisyon.

Ang edukasyon ng ama ay nakitang may mahalagang kaugnayan

sa kasanayan sa pagsulat ng respondente. Makikita sa talahanayan ang

inilahad na kaugnayan ng edukasyon ng ama sa pagbuo ng nilalaman,

bokabularyo at paggamit ng wika. Ang kaalaman ng ama ay nakatutulong

upang mapaunlad ng mag-aaral ang sariling kaalaman na mahalaga upang

makabuo nang maunlad na nilalaman, bokabularyo at magamit nang

wasto ang wika sa pagsulat. Ang pakikisalamuha at pakikipagdiskusyon sa

amang may pinag-aralan ay may kahalagahan sa kahusayan ng pagsulat

ng mag-aaral. Sa pag-aaral din na ginawa ni Ortiz (2004), kanyang nasuri

na ang mga respondenteng nagpakita ng kahusayan sa pagsulat ay may

mga magulang na propesyonal.

Ang edukasyon ng ina ay nakitang may mahalagang kaugnayan

sa kasanayan sa pagsulat ng mag-aaral lalung-lalo na sa pagbuo ng

nilalaman. Ang organisasyon, bokabularyo, paggamit ng wika at mekaniks

ay walang mahalagang kaugnayan sa edukasyon ng ina. Ito ay naglalahad

na ang kaalaman ng ina ay nakatutulong upang mapalawak ng mag-aaral

ang sariling kaalaman sa lahat ng aspeto ng buhay. Ang mga magulang

ang sinasabing unang magbibigay ng edukasyon sa mga anak at patuloy

ang pagkatuto ng anak ayon sa mga itinuturo ng mga magulang sa araw-

araw na interaksyon. Nakalalamang ang mga mag-aaral na may mga

inang mataas ang pinag-aralan dahil ang kaalamang maaaring maituro

ng ina ay makatutulong upang mapalawak ang kaalaman at mapahusay

ang kasanayan sa pagbuo ng komposisyon.

4.0 Konklusyon at Rekomendasyon

Dahil sa mga natuklasan, nabuo ang mga sumunod na konklusyon:

ang kasanayan sa pag-oorganisa, bokabularyo at pagbuo ng nilalaman

ay may mahalagang kaugnayan sa kasarian ng isang manunulat;

nakatutulong ang pagkakaroon ng mababasang materyal sa bahay sa

pag-angat sa kasanayan ng mga mag-aaral sa pagbuo ng nilalaman, pag-

oorganisa, pagpapaunlad ng bokabularyo at pagsunod sa mekaniks; ang

edukasyon ng ama ay mahalaga sa pagtamo ng kasanayan ng mga mag-

aaral sa pagbuo ng nilalaman at sa paggamit ng wika, samantalang ang

Page 7: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

SMC RESEARCH JOURNAL

7

edukasyon ng ina ay mahalaga lamang para sa pagpapaunlad ng nilalaman

sa pagsulat ng komposisyon sa Filipino; hindi nakakaapekto at walang

mahalagang kaugnayan ang edad, napagtapusang paaralan sa sekondarya

at oras na inilalaan sa panonood ng telabisyon sa kasanayan sa pagsulat

ng mga mag-aaral ng komposisyon sa Filipino; may katamtaman hanggang

mahusay na kasanayan sa bokabularyo, pagbuo ng nilalaman, at pag-

oorganisa ang mga mag-aaral subalit mahina patungong katamtaman

lamang ang kanilang kasanayan sa paggamit ng wika at mekaniks; at

sa kabuuan, ang kasanayan sa pagsulat ng mga mag-aaral na kumuha

ng Filipino 1 sa unang semestre ng taong panuruang 2008-2009 ay

napakahina.

Mula sa mga inilahad na natuklasan at konklusyon sa pag-

aaral, ang mga sumusunod ay inirerekomenda: ang pagpapatupad sa

programang pang-interbensyon na maglilinang sa kahusayan sa pagsulat

ng mga mag-aaral lalung-lalo na sa mga mag-aaral na nasa unang antas

pa lamang sa tersyarya. Para sa ikatatagumpay ng programa kailangang

suriin ng mga guro sa Filipino 1 ang silabus at bigyang diin ang apat

na makrong kasanayan. Ito ay isa sa mga paraang mag-aangat sa

antas sa kasanayan sa pagsulat ng komposisyon. Sa bahaging pasulat

ng apat na makrong kasanayan, kailangan ang pagbibigay ng diin

sa pagpapagawa ng mga sulating pansanay na lilinang nang husto sa

kahusayan sa pagbuo ng komposisyon na may pagsasaalang-alang sa

limang komponent; ang nilalaman, organisasyon, bokabularyo, paggamit

ng wika, at mekaniks; ang pokus sa pagbibigay daan upang malinang

ang kasanayan ay ang pagbibigay ng pagkakataon upang magamit at

mahasa ang isang kasanayan, kaya sa klase, kailangan ang pagbibigay

ng mga gawaing pasulat na hahamon sa kahusayan ng mga mag-aaral.

Ito rin ang target ng binuong programang pang-interbensyon, ang

mabigyan ang mga mag-aaral ng pagkakataon na mahasa o mapaunlad

ang kasanayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng benyu upang mabigyan

ng tamang pagkakataon ang pagsasanay nang husto; napatunayang ang

mga mababasang materyal sa bahay ay nakatutulong sa paglinang sa

kahusayan ng mga mag-aaral sa pagsulat, kaya inirekomendang, bigyan

ng oryentasyon ang mga magulang sa kahalagahan ng pagkakaroon nito

sa bahay at ang epekto nito sa perpormans ng mga mag-aaral; ang isang

mahalagang dapat ipaunawa sa mga mag-aaral ay ang kahalagahan ng

pagkakaroon ng maunlad na kasanayan sa pagsulat, kaya ibinigay bilang

suhestyon na bigyang diin ng mga guro ang pagbibigay inspirasyon sa

mga mag-aaral upang maisapuso ang kahalagahan nito at ang pagbibigay

ng mga gawaing makagaganyak sa mga mag-aaral na maipadama ang

niloloob, ninanais at nilalayon, at magamit ang Filipino bilang daan sa

masining na pakikipagkomunikasyon.

5.0 Programang Pang-Interbensyon

Dahil napatunayan sa pagsasaliksik na mahina ang mga mag-

aaral sa paggamit ng wika at sa mekaniks, ang pagwawasto sa mga

komposisyon ay nakatuon sa kung paano ginamit ng mag-aaral ang wika

Page 8: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

SMC RESEARCH JOURNAL

8

at pagsunod sa mga tuntunin para sa mekaniks. Ang mga itinakdang

gawain ay tutulong upang malinang nang husto ang kahusayan ng mga

mag-aaral. Subalit hindi rin maisawalang bahala ang pagpapaunlad sa

kahusayan ng mga mag-aaral sa pagbuo ng nilalaman, sa pagpapaunlad

ng organisasyon at bokabularyo. Natagpuang katamtaman ang kanilang

kasanayan sa mga bahaging ito kaya ang mga gawaing pinagtutuunan

ng pansin ay pampaunlad upang mabigyan ng pagkakataon ang mga

mag-aaral na maiaangat pa ang antas ng kasanayan sa mga nabanggit na

bahagi.

Sa kabuuan natagpuang napakahina ang kasanayan ng mga mag-

aaral. Ibig sabihin ay hindi nalinang ang kasanayang dapat ay taglay na

sana upang magawa nang mahusay ang mga gawain sa tersyarya. Ang

Filipino 1 ay nakapokus sa paglinang sa apat na makrong kasanayan; 1)

ang pakikinig, 2) ang pagsasalita 3) ang pagbabasa, at 4) ang pagsulat.

Dapat intindihin na kung mayroon mang dapat balikan ang guro ay

talagang hindi rin maisantabi ang paglinang sa mga kasanayang dapat

taglayin ng mga mag-aaral na nasa unang antas na sa tersyarya. Kaya

ang mga gawain sa programang pang-interbensyon na iminumungkahi

ay magbibigay daan upang mabalikan ang paglinang sa mga kasanayang

hindi masyadong napagtuunan ng pansin ayon sa inilahad na resulta ng

pag-aaral.

Deskripsyon ng Programang Pang-Interbensyon:

Ang programang pang-interbensyon na gagawin ay tinatawag na

peer tutoring. Ito ay isasagawa ng mga guro na nagtuturo ng Filipino 1 at

mga mag-aaral na kumukuha ng Filipino 1. Gagawin ito sa loob ng isang

semestre. Sisimulan ang programang ito ng isang diagnostic assessment na

isasagawa ng guro. Sisimulan ang diagnostic assessment sa pagpapasulat

ng mga mag-aaral ng isang komposisyon. Gamit ang rubric ni Jacob (1981),

susuriin ng guro ang ginawang komposisyon ng mag-aaral upang matukoy

ang kasanayan nito sa pagsulat ng komposisyon. Titiyakin ng guro ang

mag-aaral bilang peer tutee o peer tutor ayon sa kanyang kasanayan.

Ang tutee ay ang mag-aaral na may mahinang kasanayan sa pagsulat ng

komposisyon. Ang tutor naman ay ang mag-aaral na may mahusay na

kasanayan sa pagsulat ng komposisyon. Magbibigay ang guro ng gawain/

task para sa peer tutee at peer tutor para sa ikalilinang ng: kasanayan ng

pagsulat nitong mga mag-aaral.

Ang pagsasagawa ng peer tutoring ay gagawin sa mga oras na

napagkasunduan ng peer tutor at peer tutee at inaprubahan ng guro.

Ang mga oras na ito ay ang parehong bakanteng oras ng peer tutee at

peer tutor. Gagawin ito sa loob ng paaralan. Maaaring isagawa ang peer

tutoring sa Dean’s Conference Room, Academic Advising Room o sa Silid-

Aklatan. Ito ay ayon sa aaprubahang venyu .

Mga Layunin:

Para sa mga Mag-aaral:

Pagkatapos ng implementasyon nitong programang pang-

interbensyon, ang mga mag-aaral na kumukuha ng Filipino 1 ay

Page 9: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

SMC RESEARCH JOURNAL

9

inaasahang:

1. makabuo ng komposisyong may maunlad na nilalaman,

organisasyon, bokabularyo, paggamit ng wika at

mekaniks.

2. maiangat ang kasanayan sa pagsulat ng komposisyon.

3. matukoy ang kahalagahan ng pagsulat bilang daan sa mahusay

at malikhaing pakikipagtalastasan.

Para sa mga Guro: Sa pag-iimplementa ng programang pang-interbensyon, ang mga

guro ay inaasahang:

1. makabigay ng diagnostic assessment sa mga mag-aaral sa Filipino 1 upang matukoy ang kasanayan ng bawat mag-aaral.

2. makapagsagawa ng mga pagsasanay na lilinang sa kasanayan

ng mga mag-aaral sa pagbuo ng komposisyon.

3. masuri nang mahusay ang awtput ng bawat mag-aaral.

4.maitaguyod ang kooperatibong pagkatuto sa pamamagitan ng

masinsinang pagsasagawa sa programang pang-iterbensyon ng

pagsulat ng komposisyon.

6.0 Bibliyograpi

Mga Aklat

Francisco, Melissa C. (2000). Sining ng Pagsulat ng Sulatin. Manila: Sta.

Teresa Publications.

Jocson, Magdalena O., (2005) Filipino 2 Pagbasa at Pagsulat Tungo sa

Pananaliksik. Manila: Lorimar Publishing Company Inc.

Lachica, Veneranda S. (1998). Padalubhasang Pagbasa at Pagsulat.

Manila: Mk Imprint.

Lorenzo, Carmelita S. (1981). Filipino sa Bagong Panahon. Manila:

National Bookstore Inc.

Mag-atas, Rosario (1998). Mabisang Pagpapahayag. Makati: Grandwater

Publications and Research Corporation.

Mendoza, Zenaida M., (2007). Pagbasa at Pagsulat sa Iba’t ibang

Disiplina sa Antas Tersarya. Pilipinas: Rex Bookstore Inc.

Mga Tesis

Alcubilla, Corazon C. (1973). The Socio-Economic and Cultural Background

of Grade Six Pupils in Six Selected Elementary Schools of Iligan City in

Relation to their Academic Achievements.

Almarez, Fatimah S. (2002). Writing Proficiency of Third Year CASS

Students in Mindanao State University-Iligan Institute of Technology,

Iligan City. 2001-2002.

Estrera, Nieves D. (1991). Isang Pahambing na Pag-aaral ng mga

Karaniwang Kamalian sa Pagsulat ng una at Ikatlong Kathang Pormal

sa Pilipino at English ng mga Mag-aaral sa Distrito ng Polo-Tudela

Sangay ng Cebu.

Page 10: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel

SMC RESEARCH JOURNAL

10

Ortiz, Teodora M. (2004). Writing Proficiency of WMSU-ESU BEED IV

Students SY 2003-2004.

Pangcoga, Hedjara P. (1992). Ang Suliranin ng mga Estudyanteng Maranaw

na Mag-aaral sa mga Kolehiyo ng Siyudad ng Iligan sa Paggamit ng

Filipino Bilang Pangalawang Wika.

Pascual, Jacky Wayne C. (2005). Karaniwang Kamaliang Nasa Komposisyon

ng mga Estudyante sa Unang Seksyon sa Ikatlong Taon, Panggabing

Sesyon, sa ICNHS 2004-2005.”

Tapangan, Linda S. (1983). Some Socio-Cultural and Demographic Factors

Associated with Common Errors in Written English Among Freshmen

College Students in Cagayan de Oro College, Cagayan de Oro City.

1982-1983.

Yerro, Eva T. (1987) Factors Affecting the English Proficiency of College

Freshmen in the Government Colleges of Region VI. Dissertation.

Xavier University.

Journal

Reyes, Zenaida Q. (2004). Pagbuo ng Rubric. Educators Journal. (Volume

24, No. 1 June, 2004)

Internet

Berkas, N. & Pattison C. Creating or Selecting Intervention Programs.

Retrieved August 17, 2008. from http://www.bsu.edu/english/

basicwriting/develop.htm#2

Chen, J.F. Gender Differences in Taiwan Business Writing Errors. Retrieved

August 27, 2008 from http://iteslj.org/Articles/Chen-GenderDifs/

Jacobs, H. L., Hartfiel, V. F., Hughey, J. B., & Wormuth, D. R. (1981) .

Testing ESL Composition: A Practical Approach. Boston, MA: Newbury

House., Retrieved April 2, 2008. from http://eli.tamu.edu/resources/

ext-crit-lot.html

Gordon, E. E. Peer Tutoring – A Teacher’s Resource Guide. Retrieved

August 5, 2008. from http://books.google.com.ph/

Page 11: KasanayansaPagsulat-LeviCoronel