Thesis
-
Upload
ronirakenrol -
Category
Documents
-
view
938 -
download
34
Transcript of Thesis
Pagninilay Hinggil sa Relasyon ng Conscience at Konsensya: Isang Panimulang Pag-aaral
Isang Tesis sa Di-GradwadoIhinanda para sa
Departamento ng PilosopiyaKolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Unibersidad ng PilipinaDiliman, Lungsod ng Quezon
Bahagyang Pagtupad sa mga Kailangan Para sa Degree na
Bachelor of Arts Major in Philosophy
Ni
Marie Gerone R. Ba-ang2008-57232
Marso 2012
APPROVAL SHEET
The undergraduate thesis hereto attached entitled ―Pagninilay Hinggil sa
Relasyon ng Conscience at Konsensya ― prepared and submitted by Marie
Gerone Ba-ang in partial fulfillment of the requirements for the degree of
Bachelor of Arts Major in Philosophy is hereby recommended for acceptance and
approval.
_______________________________
Ma. Theresa T. Payongayong, Ph. DThesis Adviser
_______________________________
Jerwin F. AgpaoaPanel Member
In partial fulfillment of the requirements for the degree of Bachelor of Arts Major
in Philosophy, the undergraduate thesis attached hereto is accepted and approved.
_____________________________
Jeannette L. Yasol-Naval, Ph. D
Chairperson
Department of Philosophy
College of Social Sciences and Philosophy
University of the Philippines- Diliman
Diliman, Quezon City
Pagpapasalamat
Lubos ang pagpapasalamat ng may-akda sa kanyang thesis adviser na si Ma.
Theresa T. Payongayong, Ph. D. para sa kanyang paggabay sa pagbubuo ng thesis
na ito. Kailanman ay hindi ko naranasan na kinulong at pinilit ng aking thesis
adviser na gawin ang isang bagay na ayaw kong gawin; sa halip ay tinulungan
niya akong tunguhin ang direksyon na naaayon sa pagkumpleto ng papel na ito.
Malayo na ang narating ng papel na ito mula sa inisyal na ideya, bagkus, sa huli’t
huli ay narating din nito ang pinakarurok. Dahil dito, buong-puso kong
ipinagpapasalamat ang kanyang pasensya, ang kanyang mga input, at lahat ng
kanyang ginawa upang magkahugis ang papel na ito. Nagpapasalamat din ako kay
G. Jerwin Agpaoa, ang tumayong kritiko ng presentasyon ng tesis na ito. Bilang
unang propesor ko sa Pilosopiya, nakita niya kung paano ako umusbong mula sa
pagiging makulit na bubwit hanggang sa kung ano na ako ngayon—salamat po sa
mga kritisismo para sa lalo pang pagpapabuti ng papel na ito—salamat po sir. Kay
Mara, tayong dalawa ang natira, tayong dalawa ang nagpatuloy. Salamat sa
pakikinig, at higit sa lahat, salamat sa pagkakaibigan (kung hindi dahil sa’yo,
hindi ko magagawa ang mga assignment ko sa Philo 12. Naaalala mo pa ba ang
mga lunch date natin dati?)
Nagpapasalamat din ako sa mga kaibigan ko sa UP Asterisk. Sa buong panahong
iginugol ko sa Unibersidad, kayo ang lagi kong kasama sa mga panahon ng
kainan, sa mga sining series, sa mga pagtambay, lalo na sa mga panahon na tayo
ay nagi-“intellectual masturbation” hinggil sa mga bagay-bagay sa mundo.
Naging tahanan ko ang, kubo 13 noon na ngayon ay, kubo 5; at kayo ang
pamilyang kumupkop sa akin. Hindi perpekto ang ating pagkakaibigan pero
ngayon, buong-buo ang aking puso ng pagpapasalamat para sa inyong lahat.
Acads pa rin ang pinakamagaling na komite!
Kina Mabel, Mara, Paula, Shayne, Mia, Geno, Cath, Hope, Apa, Tim, Karl—ang
da best na blockmates sa buong mundo. Ang mga block lunch natin noong mga
freshie pa tayo ang naging simula ng ating pagkakaibigan. Salamat sa inyo, nasa
Philo pa rin ako.
Kay Patrick na ang huling taon ko sa kolehiyo ay ginawang masaya at punung-
puno ng alaala. Salamat sa mga kritisismo, sa pagpipilit sa akin na magpatuloy—
sa’yo ko hinugot ang lakas na kailangan ko—hindi ako sumuko dahil hindi ka rin
sumuko. Salamat sa pakikibahagi sa mga pasanin ko, sa pagiging karamay ko sa
lahat ng hirap at stress. Higit sa lahat, salamat sa mga araw na magkasama tayo, at
salamat sa mga darating pang mga araw.
(Also, thanks for putting up with my crazies and for making everything seem so
light all the time.)
At panghuli, nagpapasalamat ako sa aking pamilya para sa lahat ng tulong at
suporta na kanilang walang-tumpik na binigay sa akin, pinansyal man o
emosyonal. Salamat kina mami at dadi dahil kung hindi kayo nagmamahalan,
wala ako. Kayo ang taga-gising sa akin sa mga umagang hindi ko na kaya at ayaw
ko nang bumangon; lagi kayong nagrereply at binibigay niyo sa akin lahat ng
kailangan ko; at higit sa lahat, lagi niyong pinapalakas ang kalooban ko dahil
mahina ako lalo na dahil malayo ako sa inyo. Love you ma, dad! Salamat kina tita
Charm, tito Ben, tita Monet, tita Sally, tito Ferds, tito Ding, at tita Loni na
kumupkop sa akin at nag-alaga habang malayo ako sa aking pamilya, lalo na
noong Ondoy (salamat po talaga tita Loni!); sa pagmamahal at pagturing sa akin
na parang anak niyo na rin; at sa pagtitiwala at paniniwala na kaya kong abutin
ang lahat ng aking mga pangarap—maraming salamat sa lahat ng tulong at
pagmamahal. Salamat kina Gerald, Gio, Daday, ate Camille, ate Kay, kuya Juno,
ate Lian, kuya Mikko, ate Bea, kuya Yuri, Keo, Egee, kuya Ralph, at Theo; kina
Maris, Paco, at Duding; ang aking mga kalaro, kakulitan, kasama sa buhay—
maswerte akong kayo ang aking mga kapatid at mga pinsan. At pinakahigit sa
lahat, buong pusong pasasalamat para kina Nanay na “gem” ang turing sa akin at
walang palya sa paniniwalang magiging sikat ako balang araw; at kina Tatay,
Lolo, at Lola, na kahit hindi na nila nakita ang diploma kong nakasabit sa pader
ng mga diploma, alam kong masaya at pinagmamalaki pa rin nila ako.
Kung hindi dahil sa inyong lahat, hindi ako ako at hindi ko matatapos ang papel
na ito.
(Jamal, may espasyo rin para sa ‘yo sa thesis na ito. Kahit hindi mo ito mababasa, ide-dedicate ko ang papel
na ito sa ‘yo dahil lagi mo akong pinapasaya. Ikaw pa rin ang pinaka-cute na pitbull sa buong mundo.)
Talaan ng Nilalaman
Introduksyon……………………………………………………………..1
Pagsusuri ng mga Kaugnay na Literatura……………………………...4
I. Ang Conscience…………………………………………………………..8
Sarbey sa Kasaysayan ng Conscience…………………………..9
Kasalukuyang Kahulugan ng Conscience……………………...17
Conscience at Moral Judgment…………………………………20
Paglalagom……………………………………………………….21
II. Ang Konsensya…………………………………………………………..24
Pagsasalin………………………………………………………...24
Kasaysayan ng Paggamit ng “Konsensya”…………………….26
Kasalukuyang Gamit at Kahulugan ng Konsensya
(Ilang Halimbawa)………………………………………35
Konsepto ng Moralidad sa Pilipinas……………………………39
Paglalagom……………………………………………………….42
III. Diskurso Hinggil sa Conscience at Konsensya………………………..45
Paglalagom at Konklusyon……………………………………...50
Mga Sanggunian
Introduksyon
Tulad ng maraming salita sa mundo na palaging ginagamit, isa ang Konsensya sa
mga salitang hindi tiyak kung ano ang ibig sabihin. Sa isang banda, mayroong
ideya ng Konsensya na siyang tila ba gumagabay sa mga dapat o hindi dapat
gawin; tila isang tinig na naririnig na nagsasabing “gawin mo ‘yan” o “wag mong
gawin ‘yon”. Sa ganitong mga pagkakataon, ginagamit ang Konsensya bilang
salitang tumutukoy sa tinig na ito na wari ba ay bumubulong, tulad ng sa
katagang: “binubulungan ng konsensya”. Sa kabilang banda, may iba pang gamit
ang salitang Konsensya kung saan nagkakaroon ito ng higit na kaibang
kahulugan: nagiging guilt ito o pagsisisi.
Ano nga ba ang Konsensya? Isa ba itong “tinig sa kalooban” o pagpapahiwatig ba
ito ng guilt? At, bukod sa pagiging salin, ano ang pinagkaiba o pagkakatulad nito
sa Ingles na Conscience?
Naisipan itong pag-aralan at talakayin ng may-akda upang masubukang bigyang-
linaw at magkaroon ng panibagong lapat o perspektib sa pagtingin sa Konsensya
hindi lamang bilang konsepto kundi pati bilang salita.
Sisimulan ang pag-aaral na ito sa pamamagitan ng pagpapakahulugan muna sa
Conscience. Mayroong pangangailangan na ito muna ang bigyang-linaw at pag-
usapan sapagkat dito naka-halaw ang salitang Konsensya. Maraming pantas na
ang nagsabing sinasalamin ng wika ang paraan ng pagtingin ng tao sa kanyang
mundo. Sa ganitong dahilan, nakita ng may-akda ang pangangailangang ipakita
muna ang Conscience, saka ang Konsensya. Kailangang makita kung paano
ginagamit sa Kanluran ang Conscience at sa kung paanong paraan naman
ginagamit sa Pilipinas ang Konsensya; dahil sa ganitong paraan lamang makikita
ang pagkakaiba o pagkakatulad ng dalawang salita. Pagkatapos bigyang-
kahulugan ang Conscience at Konsensya, ipapakita naman ang kasaysayan ng
paggamit ng salita, hanggang sa kasalukuyang paggamit sa mga ito. Mula sa mga
ito mahihinuha ang pagkakaiba o pagkakatulad ng paggamit sa mga salitang
Conscience at Konsensya. Ilan sa mga tanong na dapat sagutin sa huling bahagi
ng pag-aaral ay a.) ano ang pag-unlad at galaw sa kasaysayan ng Conscience at
Konsensya at paano nito naapektuhan ang kasalukuyang kahulugan ng salita
(halimbawa, paano naging “malinis/marumi” ang paglalarawan sa konsensya ng
isang tao)? b.) ano ang relasyon ng Konsensya sa Conscience? c.) bakit kaya sa
karaniwang paggamit ng salita, karamihan sa pakahulugan ng Konsensya ay
tumutukoy sa guilt, at kung gayon ba, ang Konsensya ay nangangahulugang guilt
at hindi tulad ng Conscience?
Gumamit ng linguistic at textual analysis ang may-akda upang masuri ang
kasaysayan at kahulugan ng Conscience at Konsensya; at nakamit ito sa
pamamagitan ng pagsasaliksik at pagbabasa ng mga existing na materyal hinggil
sa Conscience at Konsensya. Mula roon, gumawa ng sariling pag-unawa ang
may-akda, gamit ang linguistic at textual analysis, upang maiangkop ang mga
bahagyang pagkakaiba o nuance ng dalawang salita, at upang makapaglahad ng
isang bagong pag-aaral hinggil sa relasyon ng dalawa.
Pagkatapos ng pag-aaral na ito, inaasahang mabigyang-linaw na ng may-akda ang
pagkakaiba o pagkakatulad ng Konsensya sa katumbas nitong Conscience; at
kung gayon ay makapag-bigay din ng isang alternatibong pagtingin at pag-intindi
sa Konsensya bilang parehong Conscience at guilt.
Mayroong halaga o significance ang pag-aaral na ito sapagkat kaunti lamang ang
mga pag-aaral na may kinalaman sa Konsensya, lalo na bilang salita (hindi
konsepto). Sa pag-aaral na ito, susubukang bigyang-kabuluhan ang konsensya
bilang salita na, bagamat dayuhan ang etimolohiya, ay nakalubog sa pagkatao ng
Pilipino. At kung sakali, ito ang magiging kontribusyon ng may-akda sa pag-aaral
ng mga salita sa kabuuan, lalo ng mga galaw ng mga salitang salin sa Pilipinas,
pati na rin para sa higit pang pagpapaunlad sa Pilosopiyang Pilipino.
Pagsusuri ng mga Kaugnay na Literatura
Sa kabuuan ng pagsusulat ng papel na ito, masasabing madali at mahirap ang
pagsasaliksik ng mga materyal upang mabuo ang pag-aaral. Madali sapagkat sa
bahaging nagtatalakay ng Conscience ay marami-rami naman ang materyal na
nakuha; mahirap sapagkat pagdating sa pagtatalakay ng Konsensya ay limitado
ang mga babasahin, at madalas, o karamihan sa mga naisulat ng may-akda sa
bahaging iyon at sa malaking bahagi ng papel, ay mula sa sariling sintesis at pag-
unawa ng may-akda. Dagdag pa rito, sa isang banda, maaaring naging madali ang
paghahanap ng materyal na babasahin, kahit kaunti lamang, ngunit sa isang banda
rin, hindi naman taglay ng karamihan sa mga materyal na binasa ang iilang datos
na kailangan upang bigyang-laman ang papel; dahilan kaya karamihan ng naisulat
sa papel na ito ay mula sa sarili ng may-akda.
Sa “Conscience: An Interdisciplinary View” at sa “Conduct and Conscience, The
Socialization of Internalized Control over Behavior” mababasa ang
komprehensibong tala ng galaw ng salitang Conscience sa kasaysayan ng
kanluraning mundo. Dito makikita ang iba’t ibang gamit at kahulugan ng
Conscience depende sa kontekstong kinabibilangan nito. Halimbawa, dito
nalaman ng may-akda ang galaw at pag-iba ng salitang Conscience mula sa
panahon ng mga Griyego hanggang sa modernong panahon. Sa “Conscience: An
Interdisciplinary View”, tinalakay kung paano nag-evolve ang salitang
conscience, mula sa syneidesis ng mga Griyego, synderesis at conscientia ng
gitnang panahong Medieval, hanggang sa kasalukuyang anyo nito bilang
conscience; habang sa “Conduct and Conscience...” naman makikita kung ano
ang ibig sabihin ng bawat galaw sa panahon ng conscience—mula sa pagiging
rasyunal na bahagi, hanggang sa pagiging kaloob ng diyos, hanggang sa pagiging
“moral compass” ng tao. Sa bahaging kasaysayan pa rin, sinasabi sa “Conscience
in World Religions” kung ano ang tingin ni Cicero sa syneidesis: para sa kanya ito
ang bahagi ng tao na may kinalaman sa moral judgment. At nakasaad sa
“Conscience and Conscientious Objections” na para kay Seneca, ang syneidesis
ay evaluative awareness ng tao, o kanyang kamalayang panghusga. Sa website na
http://www.rsrevision.com/Alevel/ethics/a2conscience/index.htm mababasa ang
pagtanaw nina St. Augustine at St. Thomas hinggil sa conscientia—na isa itong
bahaging likas sa tao at pinagkaloob ng diyos upang magsilbing gabay sa tao
upang mabuhay siya nang wasto. Pagdating sa konteksto ng modernong panahon,
sinasalaysay sa website na
http://www.stanford.edu/~allenw/webpapers/KantOnConscience.pdf ang iba’t
ibang pananaw nina Kant, at Mill; para kay Kant, ang conscience ay resulta ng
pagkilala ng tao sa kanyang mga duty at kung gayon ay kailangan niya itong
sundin, sapagkat ang marapat na pagkilos ng tao ay naaayon sa kanyang pagsunod
sa kanyang mga duty, samantalang para naman kay Mill ang conscience ay resulta
ng moral education ng isang tao. Sa pagbibigay-kahulugan sa conscience sa
kontemporaryong konteksto, sumangguni ang may-akda sa website na
http://www.orthodoxphotos.com/readings/conscience/psychological.shtml kung
saan nakasaad ang kasalukuyang kahulugan ng conscience sa larangan ng
sikolohiya, antropolohiya, at sosyoloji. Substansyal ang mga impormasyong
nakuha sa mga ito at malaki ang naitulong sa paghuhubog ng kahulugan at
kabuuang larawan ng Conscience na naaayon sa nais tunguhin ng papel na ito.
Subalit, mapapansin na ang laman lamang ng mga nasabing aklat at website ay
isang deskriptib na pag-aaral sa Conscience kung saan isinasalaysay lamang ang
kasaysayan ng salita at kung paano ito naging kung ano ito sa kasalukuyan;
hanggang sa lebel lamang ng pagtatalakay sa anyo ng salita sa galaw nito sa iba’t
ibang konteksto sa kasaysayan ang isinasaad sa mga nabanggit na sanggunian.
Pagdating sa pagtataya ng kasaysayan at kahulugan ng Konsensya, maraming
tagpi-tagping kabanata ng iba’t ibang aklat ang pinaghalawan ng may-akda
sapagkat wala pang komprehensibong pag-aaral tungkol dito, hindi tulad ng
Conscience. Mula sa “Elements of Filipino Ethics” at “The Structure of Filipino
Morality” nakuha ng may-akda ang kahulugan ng Konsesya, at mula rin dito ang
kahulugan at kabuluhan ng moralidad sa Pilipinas na ginamit ng may-akda sa
papel na ito. Sa “Elements of Filipino Ethics” sinalaysay ni Mercado kung ano
ang penomenolohiya ng konsensya: na sa Pilipinas, ang konsensya ay salitang
ginagamit upang magpahiwatig ng guilt, at na hindi tulad ng conscience, ang
konsensya ay hindi bahaging nakahiwalay sa tao kundi, bahagi ito ng lahat ng
aspeto ng buhay ng tao. Sa “The Structure of Filipino Morality” naman nakasaad
kung ano ang mga batayan ng pagtataya ng tama o mali, o moralidad sa lipunang
Pilipino; at ito ay ang norm ng lipunan, o kung anuman ang itinatakda ng lipunan.
Kinikilala ng may-akdang si Demetrio na ang kultura ay hindi statiko kung gayon,
ang batayan ng moralidad ay dinamiko rin at umaayon sa kung anuman ang
itinatakda ng ispesipikong konteksto. Sa bahaging kasaysayan, pinagtahi-tahi ng
may-akda ang mga nakalap na impormasyon: mula sa “History of the Filipino
People”, “Kalintow, the Code that never Was”, “Barangay: Sixteenth Century
Philippine Culture and Society” at “Religion and Morals of the Early Filipinos at
the Coming of the Spaniards” pinulot at pinagsama-sama ng may-akda ang mga
impormasyon upang makabuo ng isang sistematikong sarbey sa kasaysayan ng
konsensya at moralidad sa Pilipinas bago pa man dumating ang mga Kastila.
Mula naman sa Confessonario o “Manual Tagalog Para Auxilio de los
Religiosos” at sa “Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the
Novel until 1940” ang larawang ipininta ng may-akda tungkol sa kasaysayan ng
moralidad at konsepto ng konsensya sa Pilipinas—mula dito nahinuha na ang
konsepto ng isang Konsensya ay maaaring ipinakilala ng mga Kastila sa mga
Pilipino sapagkat kasama ng kanilang pagbibinyag sa mga Pilipino bilang
Katoliko ang pagkakaroon ng konsensya, na noong panahong iyon ay nakatago sa
maskara ng “urbanidad” at “relihiyoso”. Dala naman ng mga Amerikano ang
isang uri ng urbanidad at moralidad na may pagpapahalaga sa kalinisan ng
katawan bilang katumbas ng kalinis ng kalooban, at mula sa "The Sacred and the
Sanitary: The Colonial Medicalization of the Filipino Body" malalaman na ang
proyekto ng mga Amerikano na paglilinis ng Pilipino at Pilipinas ay katumbas sa
indokrinasyon sa Katolisismo at ng pagpupunta sa Confessonario. Kung susuriin,
wala sa mga aklat na ito ang iisang kabuuang kasaysayan at kahulugan ng
konsensya, kundi ang papel na ito ay resulta ng mga impormasyong mahahanap
sa mga aklat na nabanggit.
Ang huling bahagi ng papel ay may bahid ng kanluraning teorya ng iterability ni
Derrida na matatagpuan sa aklat na "Ltd., Inc. abc....," kung saan ipinapaliwanag
ang dahilan kung bakit napahihintulutan ang pag-iiba ng kahulugan ng
Conscience at Konsensya.
Sa kabuuan, ang papel na ito ay naiiba at hindi tulad ng mga nauna nang hinggil
sa Conscience at Konsensya. Ang mga akdang ginamit upang buuin ang pag-aaral
na ito ay ipinakita lamang ang kahulugan ng parehong salita: ang mga
internasyunal na akda ay nagsilbing pinagkunan ng mga kahulugan, ng
kasaysayan, at gamit ng salitang Conscience, samantalang ang mga akdang galing
sa Pilipinas naman ay pinagkunan ng may-akda ng kasaysayan, gamit, at mga
kahulugan ng salitang Konsensya. Sa papel na ito, sinubukang ipakita ng may-
akda ang relasyon ng dalawang salita. Inigpawan nito ang mga existing nang pag-
aaral hinggil sa Conscience at Konsensya sapagkat hindi lamang nito ipinapakita
ang kasaysayan, mga kahulugan, at gamit ng parehong salita; ipinakita nito ang
relasyon ng dalawang salita: ang mga pagkakaiba at pagkakatulad na buhat ng
pagsasalin at ng magkaibang konteksto at kasaysayan ng dalawang salita. Bukod
dito, tinitingnan ding maigi ng pag-aaral na ito ang ginagampanan ng wika sa
pagsasalamin ng diwa at nais ipakahulugan ng isang kultura, lalo na sa
paggagamit ng salitang Conscience at Konsensya.
I. Ang Conscience
Walang tiyak na makapagtutukoy kung ano ang conscience at kung saan ito
matatagpuan. Sa pinakapayak, ang alam ng karamihan ay: ang conscience ay
isang bahagi ng pagkatao na siyang tila ba nagdidikta o gumagabay sa isang tao sa
kanyang pagkilos, lalo na sa pagpili kung alin sa kanyang mga gagawin ang tama
o mali. Mayroon itong moral na pahiwatig kung saan ang pangunahing silbi nito
sa tao ay ang gabayan siyang gumawa ng mga desisyong naaayon sa pamantayan
[ng lipunan] ng mga dapat o hindi dapat, tama o mali.
Maraming pag-aaral na ang tumalakay sa paksa ng conscience. Halimbawa,
dalawa sa pangunahing katanungang sinusubukang sagutin at ipaliwanag ng
sikolohiya ay kung a) ang conscience ba ay natural na naroon sa tao—na mayroon
na ba nito pagkapanganak pa lamang—o epekto ba ito ng mga impluwensiya ng
kalikasan at napag-aaralan at natututunan? b) ang conscience ba ay resulta ng
paraan kung paano gumagana ang ating pag-iisip at ng emosyon, o may sarili ba
itong katangian at proseso?1 Dagdag pa rito, ayon sa sikolohiya, ang conscience
ang nagbubunsod ng mga emosyon ng pagkalungkot kapag ang isang tao ay
nakagawa ng pagkakamali o ng mga bagay na taliwas sa personal na paniniwala
ng tao, pati ng sa mga batayang itinalaga ng lipunan.2 Sa sosyoloji naman,
mayroong tinatawag na social conscience na nangangahulugang mayroong [likas
na] kusa ang tao na maging responsable hinggil sa kawalang-katarungan at mga
problemang panlipunan. Sapagkat likas sa tao ang pagiging social being,
kinikilala niya na hindi lamang siya ang mahalaga at dapat pahalagahan; laging
may “other” siyang iniintindi upang maging mas madali at mas payapa ang
pamumuhay. Bahagi ito ng pagkakaroon ng mga social na relasyon ng tao. Ang
ganitong nosyon ng conscience ang ginagamit upang ipaliwanag ang
nasyonalismo o pati ang nosyon ng kapatiran;3 samakatuwid, isa rin itong aspeto
ng pagbubuo ng sariling conscience ng isang tao.
Sa bahaging ito ng pag-aaral, tatalakayin ng may-akda ang conscience. Lalagumin
ang kasaysayan, kahulugan, at kabuluhan ng conscience upang mas higit itong
mabigyang-linaw at upang mas lalo pang mapatingkad ang kahalagahan ng
pagtatalakay nito.
1 Salin mula sa Psychological Side of Conscience http://www.orthodoxphotos.com/readings/conscience/psychological.shtml. Last visited Jan.17, 20122 May, L. (1983). "On Conscience". American Philosophical Quarterly 20: p57–67.3 George Kateb. Hannah Arendt: politics, conscience, evil. Martin Robertson, Oxford. 1984.
Sarbey sa Kasaysayan ng Conscience
Malayo na ang nilakbay ng salitang conscience. Mula sa mga unang pantas na
Griyego hanggang sa mga kontemporaryong pantas, sa buong lawas ng
kasaysayan at pag-unlad ng pag-iisip at diskurso ng tao, mayroong pagbabago at
pag-unlad ang nosyon [at paggamit sa salita] na conscience.
Ginamit ng mga Griyego ang salitang συνειδησις4 (syneidesis) upang ipahayag
ang isang ‘accompanying knowledge’ na tumutukoy sa pagkilala sa sariling pag-
iisip. Sa isang banda, ito ay “conscious self-awareness” kung saan kinikilala ng
isang tao na mayroon siyang pag-iisip at sa pag-iisip na ito niya nahihinuha ang
mga bagay na angkop o hindi angkop para sa kanya. Para kay Cicero, ang
syneidesis ay bahagi ng tao na may kinalaman sa moral judgement—tinuring
itong rasyunal, o may kinalaman sa pag-iisip—at kaya nalalaman ng tao kung alin
ang tama o mali.5 Sa madaling salita, ang conscience ay bahagi ng tao kung saan
ginagamit niya ang kanyang pag-iisip sa pag-unawa ng kawastuhan o kamalian ng
isang kilos. Para naman kay Seneca, ang syneidesis ay isang kamalayang-
panghusga, o evaluative awareness, ng tao sa kanyang mga kilos.6 Mahalagang
idagdag din dito ang pagtanaw ni Marcus Aurelius hinggil sa [conscience]; para
sa kanya ang conscience ay ang kakayahan ng tao na mabuhay nang rasyunal at
naaayon sa mga prinsipyo ng tunay na kaayusan at likas na katangian ng pag-
4 Conscience: An Interdsciplinary View, Edited by Gerhard Zecha and Paul Weingartner, D. Reidel Publishing Company, Holland, 1986. preface 5 Hoose, Jayne. Conscience in World Religions, Leominster [England]: Gracewing ; Notre Dame, IN : University of Notre Dame Press, 1999. p100-1026 Schinkel, Anders. Conscience and Conscientious Objections, Amsterdam : Pallas, 2007. p157
iisip.7 Sa madaling salita, nakita ng mga Griyegong pantas ang syneidesis bilang
katuwang na kaalaman ng tao; katuwang sapagkat bukod pa sa karaniwang pag-
uunawa ang ginagampanan nito: ang pag-unawa sa kawastuhan o hindi ng bawat
kilos na gagawin ng tao.
Paglipas ng panahon, nagkaroon ng bagong salitang gamit para tumukoy sa
syneidesis: conscientia.8 Hango ang salitang conscientia sa dalawa pang salitang
Latin na “con” na nangangahulugang ‘kasama’ at “scio” na ang ibig sabihin
naman ay ‘pag-alam o kaaalaman’. Kapag pinagsama, ang literal na kahulugan ng
dalawang salita ay maaaring: “pag-alam nang magkasama, o to know together;”
“kaalaman kasama ang ibang tao, o knowledge we share with others;” o maaari
rin namang “ang kaalaman na binabahagi o kabahagi ng tao sa ibang tao, o
knowledge that we share to others.” Sa ganitong kahulugan din umiinog ang ibig
sabihin ng conscientia. Taliwas sa karaniwang nosyon na ang conscientia ay
personal at indibidwal na bahagi at katangian ng pag-iisip ng isang tao, ang tunay
na dahilan nito para sa Latin ay karaniwan, o common, at kolektibong kaalaman
ng tao.
Inilarawan ni St. Augustine ang Golden Rule bilang nakasulat na conscience at
natural na batas. Sa ganitong paraan, masasabing tinig ng diyos ang conscience
7 Marcus Aurelius. Meditations. Gregory Hays (trans). Weidenfeld and & Nicholson. London. 2003 pp. 70 and 75.8 Kapansin-pansin ang pagbabagong-salita sapagkat ginawa ito sa panahong ang pangunahing wika na ng mundo ay Latin.
sapagkat isinulat ito ng diyos sa puso ng tao.9 Marahil dito maiuugat ang
pagtingin sa conscience bilang “tinig mula sa kalooban” sapagkat, ayon na rin kay
St. Augustine, sa pamamagitan nito, nagagabayan ang tamang pamumuhay ng tao.
Dagdag pa rito, bilang batas na nakasulat sa puso, nakikilala ng tao ang
conscience na boses na nagsasabing gawin ang tama at iwasan ang mali.
Kumbaga, bukod sa pagiging “tinig sa kalooban”, nagigiya ng conscience ang tao
sa paggawa at pagkilos nang tama, at sa ganitong paraan, maituturing na ‘moral
compass’ ang conscience. Ngunit, naniniwala rin siya na hindi ito sapat na ito na
ang pinaka-ultimong gabay ng tao sa kanyang pagkilos. Ayon kay St. Augustine,
hindi isang infallible, o perpektong, moral code ang conscience kung kaya dapat
ay kinikilala pa rin ng tao ang kapangyarihan ng simbahan at ng Scripture;10
sapagkat ang conscience ay isang patuloy na umuunlad na moral judgment ng tao;
at dahil hindi perpekto ang tao, marapat lamang na sumangguni pa rin siya sa
diyos. Iba naman ang pananaw ni St. Thomas sa conscience—hindi siya
naniniwalang walang “binding force”ang conscience ng tao, hindi tulad ng
ipinapahiwatig ni St. Augustine. Upang patunayan ito, ipinagbukod muna niya
ang ‘synderesis’ sa ‘conscientia’. Ang synderesis ay tumutukoy sa isang natural
na kaalaman hinggil sa pangkalahatang prinsipyo ng pagkilos samantalang ang
conscientia naman ay aplikasyon ng kaalamang ito. Sa madaling salita, may
kakayahang alamin ng praktikal na kaalaman, o practical reason, kung ano ang
mga moral na prinsipyong dapat sinusundan ng tao. Dagdag pa rito, naniniwala si
St. Thomas na maaaring magkamali ang tao sa kanyang paggamit ng kanyang
9 Ibid, 1986. preface10 Conscience. http://www.rsrevision.com/Alevel/ethics/a2conscience/index.htm. Last visited Jan. 17, 2011
conscientia—na maaaring, sa isang banda ang tingin ng tao sa kanyang ginagawa
ay tama ngunit sa katunayan ay higit pala itong nakasasama11—sapagkat ang
moral na halaga ng bawat kilos ng tao ay nakabatay sa pagsunod ng tao sa
kanyang conscientia, hindi na bale kung ang ikinilos niya ay tunay na tama.12
Ayon pa kay St. Thomas, ang pagkilos nang hindi naaayon sa conscientia ay
maituturing na masamang gawain, ngunit, ang pagkakamali ng paggamit sa
conscientia ay masama lamang kung, kahit na may kaalaman sa kamalian ng
isang kilos, pinagpapatuloy pa ring gawin ang isang kilos. Sa panahong medieval,
bagamat may kaunting pagkakaiba ng pananaw ang dalawa sa pinakatanyag na
pantas ng panahong ito, nanaig ang ideya na ang conscience ay isang bahagi ng
tao na ipinagkaloob ng diyos, at dahil dito, nararapat lamang na ang bawat kilos
ng tao ay nakatuon sa pagkakamit ng tunay na good na mula sa diyos, na siya ring
tutulong sa pag-unlad ng tao, sa halip ng pagkamit ng good na busod ng pleasure
ng katawan. Sinabi rin ni St. Thomas na mahinang kusa, o weak will, ang
nagbubuhat sa tao upang piliin ang mga bagay at kilos na nagreresulta ng pleasure
kaysa sa pagpili ng mga bagay at kilos na nangangailangan ng moral restraint. Sa
The Imitation of Christ13 ni Thomas Kempis, sinabi niya na ang kagalingan ng
isang mabuting tao ay ang paggamit niya sa kanyang conscience.14 Dagdag pa
niya, kapag ang tao ay may tahimik na conscience, lagi siyang magkakaroon ng
kasiyahan; sapagkat ang tahimik na conscience ay malayo ang mararating, at
11 Halimbawa: Maaaring sa tingin ng isang kaibigan, tama lang na siya ang gumawa ng tesis ng kanyang kaibigan dahil hirap ang kaibigang ito sa kanyang tesis. Ngunit sa katunayan, sa halip na makabuti, ang magiging resulta nito ay ang pagsisinungaling ng kaibigang nagpagawa ng tesis, at ng kanyang pag-aasa na lamang ng gawaig dapat niyng ginagawa sa iba. 12 http://www.rsrevision.com/Alevel/ethics/a2conscience/index.htm13 Thomas A Kempis. "The Imitation of Christ". Leo Sherley-Price (trans) Penguin Books. London. 1965 Bk II, ch. 6 On The Joys of a Good Conscience. p. 74.14 “The glory of a good man is the witness of a good conscience.”
nananatiling kalmado at masaya kahit sa gitna ng problema, samatalang ang
masamang conscience ay laging hindi mapalagay at may kinatatakutan.15
Pagdating sa modernong panahon, higit na pinalalim ang diskusyon ng mga
pantas hinggil sa conscience. Ayon kay Joseph Butler, na minsan ang turing sa
conscience ay ‘reason’ o ‘moral faculty’, ang conscience ay isang rasyunal at
tahimik na pagninilay ng mga bagay na dapat gawin ng tao. Kumbaga, para kay
Butler, ang conscience ay isang proseso ng pagninilay, kung saan kinakailangan
ang kaalaman (knowledge) at udyok (motivation) para sa pagkilos nang tama.16 Si
John Stuart Mill ang unang tumukoy sa conscience bilang isang
masakit/masama/hindi magandang pakiramdam na may kinalaman sa kung paano
tinuruan ng tungkol sa tama at mali ang isang tao. Sa madaling salita, mayroong
tila ba ugnayan ang moral education at ang damdamin ng tao.17 Hindi tulad ni
Mill, si Immanuel Kant ay hindi naniniwala na ang conscience ay resulta ng moral
knowledge na buhat sa moral education ng tao sapagkat tinuturing niyang
magkaiba ang conscience at moral judgment. Ang moral judgment ang tanging
pinagmumulan ng moral knowledge na umaandar sa proseso ng pagsusuri sa sarili
at ng kaugnay na udyok [na tinutukoy ni Mill] na siya namang conscience.
Mahahati sa dalawa ang teorya ni Kant hinggil sa conscience: una, ang conscience
ay isang proseso ng pagsusuri sa sarili at pagpapalagay ng sarili, at pangalawa,
15 "Preserve a quiet conscience and you will always have joy. A quiet conscience can endure much, and remains joyful in all trouble, but an evil conscience is always fearful and uneasy."16 Wood, Allen. Kant on Conscience, http://www.stanford.edu/~allenw/webpapers/KantOnConscience.pdf. p 217 Mill, John Stuart, Utilitarianism, ed. George Sher. 2ndedition. Indianapolis: Hackett, 2001. p 28-29
ang conscience ay isang uri ng damdamin na mahalagang bahagi ng pagiging
isang moral agent.18 Sinasabi rin ni Kant na ang conscience ay batas na nasa ating
kalooban, o tinatawag niyang “the law within us”. Dagdag pa niya, ang mga taong
morally mature na ay karaniwang nakakaranas ng pagkapanatag ng loob matapos
sundin ang conscience sa kanilang pagkilos; ngunit, magiging virtuous lamang
ang mga kilos ng tao kung ang pangunahin nitong udyok ay duty at hindi
kapanatagan ng loob lamang.19 Sa madaling sabi, inihahalintulad ni Kant ang
conscience sa categorical imperative kung saan ang isang tao ay kumikilos nang
dahil sa obligasyon o duty. Sinususugan ni Jean-Jacques Rousseau ang ganitong
pagtingin ni Kant sa conscience. Dagdag pa niya, ang conscience ay ang
damdamin na humihimok sa tao na magkaroon ng pagkakaisa ang kanyang isip at
mga [simbuyo ng] damdamin, at ng tao sa kanyang mga kapwa sa lipunan.
Ngunit, para kay John Locke, may kabalintunaan ang mga kasabihang tulad ng
“sundan mo ang iyong conscience:” sapagkat, tanong niya, sinususugan ba nito
ang isang subjectivist o objectivist na pagtingin sa conscience bilang gabay sa
pagpipili ng mga tamang kilos, o isa ba itong likas na pagpapahayag ng mga
prinsipyo na walang hanggan at hindi nagbabago sa isang tao? Para kay Locke,
kung ang conscience ay pruweba ng mga natural na prinsipyo ng tao, ang mga
hindi pagsang-ayon ay maaaring natural din sa tao sapagkat may iilang
magkakatulad ng conscience ngunit hindi naman sumasang-ayon sa mga
18 Wood, Allen. Kant on Conscience, http://www.stanford.edu/~allenw/webpapers/KantOnConscience.pdf. p 319 Kant I. "The Doctrine of Virtue" in Metaphyics and Morals. Cambridge University Press. Cambridge. 1991. pp. 183 and 233–234.
ginagawa ng ibang tao.20 Dagdag naman ni Thomas Hobbes, ang mga ideya at
kuru-kuro na nabubuo batay sa conscience, kahit gaano ka-buo o ka-tunay, ay
hindi dapat tinatanggap, bagkus, tinatanggap bilang isang pahayag na maaaring
magkamali at hindi kinakailangang tanggapin bilang absolute na kaalaman o
katotohanan.21
Nakita ng ika-20 siglo ang higit pang pag-usbong ng salitang conscience. Mula sa
pagtingin nito bilang rasyunal na bahagi ng pagkatao na gumagabay sa tamang
pagkilos ng tao, hanggang sa pagtunggali nito bilang isang natural na bahagi ng
pag-iisip ng tao na hindi dapat basta-basta sinusunod dahil hindi naman ito
nagpapahayag ng katotohanan, nagbigay ng halos katulad bagkus ay kaibang
depinisyon ang mga pantas ng kontemporanyong panahon, at mahahati ito sa
tatlong tema. Una, binigyang-kahulugan ang conscience bilang isang natural na
kamalayan ng mga tamang ugali na maaaring nagmumula sa mga damdamin
(ayon kina Max Scheler at Nikolai Hartman), o sa isang transcendental na
nakatataas (tulad ng sabi nina Viktor Cathrein at Viktor Frankl). Ibig sabihin,
hindi nililikha ng conscience ang mga tamang ugali kundi ito ang nagbibigay-
kahulugan sa mga ito. Taliwas sa pagtinging ito ang pangalawang tema ng
pagtingin sa conscience kung saan para sa mga existential na pantas, ang tao ay
may likas na kamalayan sa kanyang conscience. Para kay Karl Jaspers, ang
conscience ay ang ‘tinig ko na kumakausap sa akin ding sarili’.22 May katulad na
20 Locke, John. An Essay Concerning Human Understanding. Dover Publications. New York. 1959 pp 71-7221 Hobbes, Thomas. Leviathan (Molesworth W ed) J Bohn. London, 1837 Pt 2. Ch 29 p. 311.22 “Im Gewissen spricht eine Stimme zu mir, die ich selbst bin.”
saloobin si Martin Heidegger nang sabihin niyang ang conscience ay ‘ang sarili na
kinakausap ang kanyang sarili’.23 At pangatlo, isa sa mga pinakatanyag na teorya
ngayon na nagpapaliwanag tungkol sa conscience ay nakahalaw sa psycho-
analysis ni Sigmund Freud. Ang mga tamang ugali at mga socio-cultural na
batayan ng lipunan na nakikita sa [pagiging awtoridad ng] ama, at ng kagustuhang
maging tulad ng ama, sa gitna ng takot at pagmamahal sa kanya, ang
pinagmumulan ng isang “ideal” sa unconscious. Tinatawag ni Freud ang ideal na
ito bilang Superego na siyang nagdidikta sa ego kung ano ang dapat at tamang
gawin.24 Kumbaga, para kay Freud, ang conscience ay katumbas ng Superego.
Sa ganito kalawak ngunit masalimuot na tradisyon ng pag-aaral ng conscience,
patuloy pa ring pinagtutuunan ng pansin ng mga eksperto sa iba’t ibang disiplina
ang panibagong pagtingin sa conscience upang makabuo rin ng panibagong pag-
unawa sa konsepto, nilalaman, at kabuluhan ng conscience sa buhay ng tao.
Kasalukuyang Kahulugan ng Conscience
Ang salitang conscience ay mas nakadikit na sa mga konseptong nagpapahiwatig
ng mga mabuting ugali na may kinalaman sa kalinisan (halimbawa sa katagang:
“My conscience is clean”), sexual na gawain, pagpupunyagi upang makamit ang
mga adhikain sa buhay, at iba pang personal at indibidwalistikong kilos ng tao.
Kung sa mas nauna pang panahon ang conscience ay tinuturing na “shared
knowledge” o “shared consciousness” ng mga dapat at tamang pagkilos ng tao, sa
23 “Das dasein ruft im Gewissen sich selbst.”24 Conscience: An Interdsciplinary View, Edited by Gerhard Zecha and Paul Weingartner, D. Reidel Publishing Company, Holland, 1986. preface
kasalukuyan ay nasa indibidwal ang tutok nito: kung paano nabubuhay ang tao sa
lipunan, kasama ang ibang tao, kung saan kahit magkakaiba ang mga dikta ng
conscience ay posible pa rin ang pamumuhay nang magkasama at kahit papaano
ay matiwasay. Nangangahulugan ito na kalaunan, umusbong ang panibagong
paggamit sa conscience na labas sa mga moral na pahiwatig.
Sa pinakapayak, ang conscience ay maaari ring ituring kasama ang values kung
saan ang conscience ay nagiging kakayahan ng sarili na alamin kung ano ang
makabubuti o makasasama sa kanyang buhay, batay na rin sa kanyang mga
naging karanasan. Kapag inihalintulad sa moral law, ang conscience ay
nangangahulugang taga-ramdam, o sensor, ng moral imperative, na ayon kay
Kant ay ang pagkilos nang naaayon sa obligasyon: kailangan na ito ay
intrinsically valid, mabuti sa sarili, at kinakailangang unibersal, sinusunod ng
lahat sa lahat ng pagkakataon at konteksto, lalo na kung ito ay magiging unibersal
na batas.25 At panghuli, kapag ang conscience ay itinabi sa kahulugan ng pagkilos
ng tao, ito ay nagiging gabay ng tao upang kumilos siya nang makatao.
Sa Conduct and Conscience26 ni Justin Aronfreed, mayroon siyag tinutukoy na
apat na dahilan ng paglawak ng kahulugan ng conscience labas sa moral nitong
konotasyon. Una, cultural relativism: sa pag-aaral ng mga social anthropologist,
ipinakita nila na iba-iba ang diwa o esensya ng mga dominanteng values, o
mabuting ugali, sa iba’t ibang kultura. Masasabi na sa iba’t ibang kultura,
25 Categorical Imperative26 Aronfreed, Justin. Conduct and Conscience, The Socialization of Internalized Control over Behavior. Academic Press, New York, 1968. pp 2-4
mayroon ding sari-sariling pagtingin sa ginagampanan ng conscience sa buhay ng
tao. Sa isang kultura, maaaring ang conscience ay kaloob ng diyos, o kaya naman
ay emosyon. Pangalawa, may epekto rin sa paglawak ng paggamit at kahulugan
ng conscience ang mga teoryang socio-psychological na nagsasabing ang
conscience ay nabubuo ng isang bata mula sa kayang mga panimulang
interaksyon at relasyon sa kanyang paligid at sa mga taong malapit sa kanya.
Pangatlo, ang teorya tungkol sa Superego ni Sigmund Freud ay nag-ambag din sa
paglawak ng kahulugan ng conscience. Binubuo ng tatlong bahagi ang tao: ang Id,
Ego, at Superego. Ang Id ang gumagabay sa Ego upang sundin at gawin gawin
nito ang lahat ng gusto nitong gawin; at pinamamahalaan ito ng pleasure
principle. Ang Ego naman ang actualization ng sarili at pagkatao. At ang
Superego ang nagdidikta sa Ego kung ano ang dapat nitong gawin. Sa ganitong
iskema, nasabi ni Freud na ang conscience ay ang Superego sapagkat
pinamamahalaan ito ng guilt principle. Hindi mahihiwalay ang damdamin ng guilt
sa conscience sapagkat ito ang batayang emosyon na nagsasabi kung ang epekto
ng isang kilos ay tama o mali. At pang-apat, tinitingnan ang conscience na may
kinalaman sa mga teorya ng social learning. Ayon dito, ang conscience ay
binubuo ng mga value system na nagsisilbing tagapamagitan sa social na
interaksyon ng mga tao.
Sa pag-usbong ng behavioral at social sciences, nagkaroon ng bagong pagtanaw
sa conscience bilang naturalistic, at may higit na diin sa mga aspetong
motivational. Sa ganitong konteksto, tiningnan ng Moral Philosophy ang
moralidad bilang nakatuon lamang sa mga relasyon ng tao, partikular sa
ikabubuti, o welfare, ng ibang tao. Sa madaling salita, ang isang moral judgment
ay nabubuo lamang kapag tinitingnan ang epekto ng isang kilos sa ibang tao.27
Magkaganito man, hindi pa rin tiyak at wala pa ring absolute na kahulugan ang
conscience; wala ring unibersal na pagsasang-ayon hinggil sa ginagampanan nito
sa paggawa ng mga moral na desisyon ng tao. Bagkus, mayroong tatlong
naghaharing paglapat ang tumatalakay sa kasalukuyang kabuluhan nito: sa
relihiyon, secular, at maging pilosopikal.
Sa madaling sabi, ang salitang conscience ay karaniwang ginagamit bilang
pagtukoy sa isang tila “moral guidance” na mayroon ang isang tao na siyang
nagtataglay ng kanyang mga values at sumasalamin sa kanyang mga paniniwala.
Conscience at Moral Judgement
Matagal nang dinidiin ng mga teorya ng moral judgment na ang reasoning at pag-
iisip ang mas mahalaga kaysa emosyon, lalo na sa usapin ng paggamit ng
conscience.
Nakita ng mga Griyego ang moral judgment bilang resulta ng isang rasyunal na
gawain. Sinusugan naman ito ng mga pantas na sina Bentham at Mill sa kanilang
pagsabi na mayroong intellect sa moral judgment. Ngunit sa paglipas ng panahon,
mas nagkaroon ng higit na pagdiin sa conscience bilang isang affective, o 27 Ibid pp 4-5
nakabatay sa emosyon, at hindi cognitive na aspeto. Para sa mga
kontemporaryong pantas na sina Ayer, Perry, at Stevenson, ang pusod ng
moralidad ay affective. Mayroong mga pag-aaral na nagsasabing ang mga
damdamin, tulad ng pagkamuhi at guilt, ay mas higit na nakaiimpluwensiya sa
paggawa ng moral judgement ng mga tao. Ipinapakita sa resulta ng mga nasabing
pag-aaral na ang moral judgment ng tao ay maaaring resulta ng mga intuitive at
affective na proseso, at hindi kinakailangan ng pwersahang reasoning.28
Mahihinuha na ang relasyon ng conscience sa pagbubuo ng moral judgment ay
malaki sapagkat dito nahuhugot ang pinakabatayang nosyon ng moralidad ng
isang tao. Sinasabing ang kakayahan ng tao na alamin at paghiwalayin ang tama
sa mali ay nasa conscience ng tao; kumbaga, tulad ng sa Superego ni Freud, ang
conscience ang nagsasabi sa tao kung ano o alin ang kanyang dapat gawin. Ito ang
pinakasimplistikong kahulugan at kabuluhan ng conscience: na sa huli’t huli, ito
ang gabay ng tao sa kanyang pagdedesisyon ng kanyang mga kilos.
Paglalagom
Sa buong lawas ng kasaysayan ng kanluraning pag-iisip, naging mahalagang
bahagi ng pag-uunawa sa tao—sa kanyang mga kilos, sa kawastuhan o kamalian
nito, at sa kanyang pagbubuo ng mga desisyon—ang nosyon ng conscience. Mula
sa mga Griyego na kinilala ang pagiging rasyunal na bahagi nito ng tao, sa
28 With a clean conscience: cleanliness reduces the severity of moral judgments. Schnall S, BentonJ, Harvey S. University of Plymouth, School of Psychology, 2008 Dec. 19
panahong medieval na itinali ang depinisyon ng conscience sa nosyon ng diyos na
nakaaalam sa lahat ng [tamang] bagay at sa tao na nilikha ng diyos upang
gumawa ng mabuti at umayon sa tama, hanggang sa kontemporaryong panahon
kung saan ang conscience ay biglang naging kaakibat na ng sikolohiya,
sosyolohiya, at antropolohiya upang higit na maipaliwanag ang kilos ng tao, hindi
lamang sa internal na aspetong tumutukoy sa paraan ng pag-iisip ng tao, kundi
pati sa relasyon ng tao sa kanyang paligid, lalo na sa iba pang taong nakakasama
niya.
Sa conscience nakatuon ang mga pantas upang mapaliwanag ang nature, o pati
ang pinanggagalingan ng ideya ng tao ng moralidad. Tila bukal ng moral na
kaalaman ng tao ang kanyang conscience, at sa ganitong palagay, nakatutok ang
mga sikolohista, sosyolohista, antropolohista, pati pantas, dito.
Ngunit, mahihinuha na ang conscience ay napaka-kanluraning ideya. May iilang
agam-agam ang may-akda upang ipaliwanag ito. Una, maaaring ibaling sa
dahilang mas malakas ang idyolohikal na gahum29 ng kanluran kung kaya ang
karaniwang nosyon ng conscience ay kanluranin; maliit o halos walang materyal
na matatagpuan mula sa silangan ang tumutukoy at nagpapaliwanag sa isang
konsepto ng conscience; maaari rin kasing may ibang salitang ginagamit para rito.
29 Cultural hegemony (mula sa ideya ni Gramsci). Ibig sabihin: “a culturally diverse society can be dominated (ruled) by one social class, by manipulating the societal culture (beliefs, explanations, perceptions, values) so that its ruling-class worldview is imposed as the societal norm, which then is perceived as a universally valid ideology and status quobeneficial to all of society, whilst benefiting only the ruling class. (Alan Bullock and Stephen Trombley, eds. The New Fontana Dictionary of Modern Thought, Third Edition. (1999) pp. 387–388.)
Pangalawa, at karugtong ng una, maaari rin namang ipaliwanag ng oryentalismo30
kung bakit tila kanluranin lamang ang nosyon ng salitang conscience. Sa mata ng
isang oryentalistang mananakop, ang orient ay isang hindi sibilisadong setting
kung saan walang kaayusan ang lipunan, walang alam ang mga tao, at napaka-
primitibo ng lahat ng aspeto ng pamumuhay. Sa kanyang messianic complex,
iisipin ng mananakop na siya ang tagapagligtas sa orient kaya susubukan niyang
turuan ang mga tao, iindoktrinahin, at unti-unting kokontrolin ang idyolohiya ng
mga tao hanggang sa mag-anyong “natural” ang mga idyolohiya na isinubo ng
mananakop sa kanyang mga sinakop. Ang resulta: isang grupo ng mga taong
sinakop na sinaksakan ng banyagang idyolohiya at patuloy na nabubuhay sa
ideyal na itinalaga ng oryentalistang mananakop. Pangatlo, hindi naman
isasawalang-bahala ng may-akda na maaaring mayroong nosyon ng conscience
ang hindi kanlurang mundo dahil maaari namang mayroong ibang salitang
ginagamit ang ibang lugar na tumutukoy sa isang mala-conscience na aspeto ng
tao.
Sa susunod na kabanata ng pag-aaral na ito, ipapakita ng may-akda na ang nosyon
[at paggamit sa salita] ng conscience ay hindi natural sa kamalayan ng Pilipino
bagkus ay naging bahagi na ng buhay ng Pilipino bilang resulta ng pag-aangkop
sa mga idyolohiya at impluwensiya ng mga mananakop na Kastila at Amerikano.
At kung gayon, may kaibang kahulugan ang nosyon at paggamit sa conscience.
30 Orientalism (mula sa ideya ni Edward Said)
II. Ang Konsensya
Mula sa pagtatalakay ng conscience, susunod na tutunguhin ng papel na ito ang
pagtatalakay naman sa konsensya, ang salitang salin nito sa Filipino. Mahalagang
pag-usapan, sa mga ganitong uri ng pilosopikal na papel, ang, una, pinagmulan ng
isang salita—sa papel na ito, halimbawa, sinimulang pag-usapan ang hinggil sa
conscience sapagkat dito nagsimula ang ideya ng konsensya—saka palalalimin
ang diskusyon patungo sa pagtatalakay ng salita sa konteksto nito sa bagong
espasyo. Tulad ng ginawa ng may-akda sa papel na ito, sa bahaging ito,
tatalakayin naman ang konsensya: ang conscience sa bagong espasyo.
Pagsasalin
Maraming pantas na ang nagsabi na sinasalamin ng wika ang [paraan ng] pag-
iisip ng tao at ang kanyang pagtingin at opinyon sa mundo. Sa kanyang paggamit
ng salita, nailalarawan at nabibigyan niya ng kabuluhan ang mga bagay at pati
mga ideya sa kanyang mundong ginagalawan. Sa ganitong paraan, ang wika ay
gumagampan bilang isang mekanismo na repleksibo sa mundo. Repleksibo
sapagkat sinusubukan nitong ipakita ang isang larawan o isang mala-repleksyon
ng mundo sa pamamagitan ng mga salita, pati ng non-verbal na pag-uusap. Sa
isang banda, sa pamamagitan ng wika ay naipapaliwanag din ang buong mundo at
mga bagay dito. Tulad ng sabi ni Wittgenstein, hangga’t kaya pang pag-usapan,
hangga’t kayang ipaliwanag, ay nariyan at malinaw.31
31 Salin at sariling pagkakaintindi ng may akda sa "what can we say at all can be said clearly"
Ngunit, oras na isalin ang isang salita mula sa orihinal nitong anyo at wika
patungo sa isang anyo at wikang banyaga, minsan ay nagkakaroon ng pagkakaiba
sa paggamit at kung gayon, pati ang kahulugan ng salita.
Ayon kay Hilary Putnam, ang lahat ng tao, anuman ang lahi at saan man
nagmumula, ay mayroong mga karaniwan at pangkalahatang konseptong
kinikilala at naiintindihan; ang pagkakaiba sa mga ito ay kung paano tinitingnan o
kung paano ito piniperceive.32 Kung gayon, ang nosyon ng isang “konsepto” ay
mayroong tila generic o pangkalahatang katangian, at ang paraan upang tingnan
ito ay umaayon depende sa ispesipikong pagbasa ng isang kultura o ng isang tao.
Ngayon, maaaring tanungin: nanatili ba ang diwa ng isang salita pagkatapos itong
maisalin? At kung gayon, maaaring kwestyunin kung mayroon nga bang
maituturing na eksaktong katumbas sa pagsasalin. Ngunit sa ganitong problema
ng pagsasalin, mayroon din namang sagot: na ang pagsasalin [ng salita] ay dapat
tapat sa wikang pinanggalingan nito at hindi nakasasagabal sa pag-unawa ng tao.
Sang-ayon ito sa teorya ng self-regulation of communication33 ni Enrique
Bernárdez kung saan aayusin at iaangkop ng taga-salin ang impormasyon, ang
salita o pahayag na isasalin, ayon sa pangangailangan ng tao na tatanggap at
iintindi ng impormasyon. Mula dito magkakaroon ng proseso ng self-regulation
kung saan mararating naman ang isang equilibrium: ang punto kung saan ang
32 [isinalin mula sa:] Putnam, Hilary. Mind, language and Reality, Cambridge: Cambridge University Press. 197533 Bernárdez, Enrique (1995) Teoría y Espistemología del Texto, Madrid: Cátedra.
impormasyon ay higit na maiintindihan ng tao, habang nananatili ang
pinakamalapit na esensya ng salitang isinalin.
Sa kaso ng conscience at konsensya makikitang may ibang naidulot ang
pagsasalin. Sa halip na panatilihin ang esensya ng salitang conscience, nagkaroon
ng ibang dimensyon ang salitang konsensya. Bukod sa pagiging pantukoy nito sa
isang moral consciousness na gumagabay sa tao, ang salitang konsensya ay
nagagamit na ring pantukoy sa isang emosyon: guilt. Nagiging posible ito
sapagkat sa wikang Pilipino, oras na madagdagan ang isang salita, salin man o
hindi, lalo na kung pangngalan, ng panlapi, nagiging pandiwa ito, nagiging
aksyon. Sa gayon, mula sa pagiging isang pantukoy ng isang bagay, ang
konsensya, tulad ng ibang salita, ay nagkaroon ng ibang hugis at naaalpasan nito
ang diwa ng salitang pinaghalawan nito, na sa kasong ito ay conscience.34
Kasaysayan ng Paggamit ng Konsensya
Madaling sabihin na ang konsepto ng konsensya ay hindi likas sa Pilipino.
Mapapansin na sa wika pa lamang ay wala tayong sariling salita para rito, bagkus
ay inangkop lamang ang ‘konsensya’ sa ‘conciencia’ ng Kastila. Unang nakilala
ng mga Pilipino diumano ang nosyon ng konsensya kasabay ng pagtuturo ng mga
Kastila ng Kristyanismo. Ayon kay Dame Edmunde Delbeke, isang
misyonaryong madre na pumunta sa Pilipinas upang pag-aralan ang epekto ng
34 Mula sa isang lektyur ni Propesor Felipe Jocano sa klaseng STS noong Pebrero 16, 2012 sa CS Auditorium. Ang lektyur ay tungkol sa wika at tao.
Kristyanismo sa mga Pilipino,35 pagdating ng mga Kastila, napansin nilang
walang konsepto ng konsensya ang mga Pilipino. Para sa mga Pilipino noon, ang
tama o mali ay masusukat lamang sa pamamagitan ng batas ng mga ninuno; na
kung ang isang Pilipino ay hindi sumunod sa batas na nagpasalin-salin mula sa
mga ninuno ay marapat lamang na siya ay parusahan. Dagdag pa rito, sabi ni
Delbeke, “Not the least clue can be found of a conscience which might have
spoken to the indios in an obliging or in an admonishing tone, or in a manner of
discharge or condemnation. When the indios abstained from an act, this was not
because they received a warning from the interior, or from their own personality,
or because they felt that this act was bad in itself…it was only because they
feared…”36
Sa oryentalismo, ang ganitong mga pahayag ay nagpapakita lamang ng intensyon
at ng pagra-rasyunalisa ng mananakop sa kanyang gagawing pananakop.
Halimbawa, sa pagsabi nito ni Delbeke maaaring mahinuha na tinitingnan niya
lamang ang pangyayaring ito sa Pilipinas sa mata ng kanluraning “may alam” o
“nakakaalam”; walang pagpapahalaga sa konteksto ng Pilipino na kanyang pinag-
aaralan. Nasabi ito ng may-akda sapagkat sa isang banda, maaari namang hindi
lang lubos na naintindihan ni Delbeke ang tunay na disposisyon ng mga Pilipino
noon hinggil sa pagtitimbang ng mga tamang gawain at kilos mula sa mali; at
35 Delbeke, M. Edmunde. Religion and morals of the early Filipinos at the coming of the Spaniards. UST Press, Manila. 192836 Ibid, p. 41
maaari rin na hindi lang niya lubos na nagagap ang nosyon ng pansariling
pagtataya ng isang tao ng tama o mali.37
Bago pa man dumating ang mga Kastila, mayroon nang isang tila code of conduct
na sinusundan ang mga Pilipino na maaaring ituring na kanilang batayan ng
moralidad. Halimbawa, habang pinahihintulutan ang pagpatay at pagsakop ng
ibang tribo, hindi tama ang pumatay ng kamag-anak. Ilan sa mga moral o mga
dapat gawin ng mga Pilipino noon ay ang [mataas na] paggalang sa mga anito,
diwata, at iba pa; paggalang din sa datu at sa babaylan, lalo na sa mga
kababaihan; ipinagbabawal naman ang panggagahasa at ang pag-agaw ng asawa
ng iba.38 Mayroon ding mala-Ten Commandments ang mga naunang Pilipino at
ito raw ang nakasaad sa misteryosong Code of Kalantiaw. Halimbawa, nakasulat
dito na bawal ang pumatay ng kapwa, ang utang na loob ay dapat binabayaran,
dapat ginagalang ang mga ninuno, at bawal ang panggagahasa; nakasulat din sa
Code ang mga kaukulang kaparusahan para sa bawat paglabag sa mga batas na
nakasaad, halimbawa, pagpapakagat sa langgam at paglulublob ng ulo sa ilog ang
nag-aabang na kaparusahan para sa mga hindi nagbabayad ng utang.39 Ngunit,
matagal na ring napabulaanan ang katotohanan sa likod ng Code of Kalantiaw.
37 Nabanggit sa isang klase ng Panitikang Pilipino na kapag ang isang salita ay hindi nasasalaminsa pamamagitan ng panitikan, halimbawa, kung ang isang konsepto ay hindi nababanggit sa anumang bugtong o salawikain, maaaring sabihin na walang kamalayan ang tao hinggil sa konseptong ito; sapagkat ayon din kay Lope K. Santos, ang panitikang oral, na kinabibilangan ng mga bugtong at salawikain ay naglalaman ng mga paniniwalang panlipunan, pilosopiya at mga minanang kapaniwalaan. Kung gayon, maaari rin namang tama si Delbeke na walang konsepto ng konsensya ang mga Pilipino noon, sapagkat kung mayroon man, e di sana ay makikita ito sa panitikan. 38 Scott, William Henry. Barangay: Sixteenth Century Philippine Culture and Society. Quezon City: Ateneo de Manila University Press. 1994. pp. 132-13339 Agoncillo, Teodoro C., History of the Filipino People (8th ed.), Quezon City: Garotech Publishing. 1990
Ayon kay William Henry Scott, ang Code of Kalantiaw ay isang kathang-isip
lamang ng manunulat na si Jose Marco na nilagay niya sa kanyang piksyunal na
akdang Las Antiguas Leyendas de la Isla de Negros.40 Dagdag pa ng tanyag na
historyador na si Teodoro Agoncillo, isang “disputed document” ang Code of
Kalantiaw, at sa kanyang History of the Filipino People, inaanyayahan niya ang
kanyang mga mambabasa na: “[for you] to decide on its veracity and accuracy.”41
Pagdating ng mga Kastila, hindi na kailangan pang sabihin na malaki ang naging
epekto nila sa buhay ng mga Pilipino. Nabago ang struktura ng mga lipunan mula
sa sistemang-datu o sistemang-barangay patungo sa mga sistemang alcaldia at
ayuntamiento kung saan sentro sa mga ito ang pamumuno ng gobernadorcillo at
higit sa lahat, ng mga prayle. Naging masigasig ang kampanya ng Espanya na
binyagang muli ang mga Pilipino at gawin silang Kristyano. Tulad ng karaniwang
pag-isip ng mga mananakop, ang mga Kastila rin ay may messianic complex kung
saan nakita nila ang kanilang mga sarili bilang tagapagligtas ng mga Pilipino mula
sa kanilang pagiging hindi sibilisado; kaya naman inayos nila ang mga sistemang
panlipunan at pang-ekonomiya, at ipinakilala ang Kristyanismo sa mga Pilipino;
sa pag-iisip na malulutas nito ang lahat ng problema ng mga Pilipino. “Krus at
espada” ang naging armas ng mga Kastila upang tuluyang mapasailalim ang mga
Pilipino sa paghahari ng Espanya; espada bilang simbolo ng dahas at krus bilang
simbolo ng Kristyanismo.
40 Scott, William Henry. "Kalintow: The Code That Never Was", Looking for the Prehispanic Filipino and Other Essays in Philippine History: And Other Essays in Philippine History, New Day Publishers. 1992. pp. 159-17041 Ibid, p.26
Maigting ang pagpupumilit at masigasig ang mga Kastila sa pagpapalaganap ng
urbanidad sa mga Pilipino; dahil nga “hindi sibilisado” ang mga Pilipinong
nadatnan ng mga Kastila sa kanilang pagsakop, naging layunin nila ang baguhin,
hindi lamang ang sistema at uri ng pamumuhay ng mga Pilipino, kundi maging
ang buhay mismo ng mga Pilipino. Ang kasigasigang ito ay ramdam sa
pagpopormalisa ng tamang pag-uugali—kung saan ang pananampalataya at
tamang pagkilos ay umiinog sa pagiging masunurin sa simbahan at sa mga utos
ng diyos—sa pamamagitan ng mga librong conduct na ginamit ng mga Kastila
upang ituro sa mga Pilipino ang mga bagay na dapat at hindi dapat gawin.
Matingkad na halimbawa nito ang Pagsusulatan nang Dalauang Binibini na si
Urbana at Feliza na Nagtuturo ng Mabuting Kaugalian ni Modesto de Castro. Sa
librong ito isinulat at ipinahayag ng mga Kastila kung paano ang tamang asal at
pagkilos na dapat sundin ng mga indio. Ang kuwento ay umiinog sa pagsusulatan
ng dalawang magkapatid na nalayo sa isa’t isa—si Urbana, ang nakatatandang
kapatid ay sinusulatan si Feliza, na nasa probinsya, mula sa Maynila kung saan
siya nag-aaral. Ang palitan ng dalawa ay pare-pareho: si Urbana ay susulatan si
Feliza tungkol sa mga bagay na dapat gawin, at mga kilos na tama; halimbawa, sa
isang liham, nagsulat si Urbana ng tungkol sa kung paano dapat naglalakad ang
mga babae sa lansangan, o kung paano ang tamang pagsubo ng pagkain lalo na
kapag may mga bisita.42 Samakatwid, sa pamamagitan ng mga palitan ng
dalawang magkapatid, naipapakita sa mambabasang Pilipino na mayroong mga
42 Mojares, Resil. Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel until 1940. University of the Philippines Press. 1983 pp. 80-81
tila obligasyon o duty ang bawat Pilipino na dapat sundin; at na ang kapalit ng
hindi pagsunod o pagsang-ayon o paniniwala man lang sa katotohanan ng mga ito
ay ang marapat na pagpunta sa kumpisal upang ihingi ng patawad sa diyos ang
pagkakamali sa pag-asal at pagkilos; at kung pati ang pagpunta sa kumpisal ay
hindi gagawin, mapupunta sa impiyerno o sa purgatoryo ang kaluluwa ng isang
tao. Katuwang ng nosyon na may diyos na siyang nagbabantay sa lahat ng mga
ginagawa ng bawat tao, unti-unting nabuo ng mga Pilipino noon ang isang uri ng
pag-iisip at pagtataya ng kung ano ang tama o mali na nakabatay sa pagtingin na
ito ng diyos, sa itinatakda ng naghaharing Espanya, na makikita naman sa mga
librong conduct na naglipana.
Dagdag pa rito, ang mga librong conduct ay nagsilbing mga anatomiya ng mga
dapat na pag-uugali at disposisyon, o mental attitudes43 ng isang tao. Ang mga
tauhan sa mga kwento, tulad nina Urbana at Feliza, ay nagsisilbi namang tila
bibig lamang na nagsasabi ng mga ideya, konsepto at nosyon na nais palaganapin
ng mga Kastila. Dinidetalye, tulad ng sa pagsusulatan ng dalawang magkapatid,
kung paano dapat kumikilos ang isang tao mula sa kanyang pagbangon hanggang
sa kanyang pagtulog; at ang diin ay nasa pagkakaroon at pagpapanatili ng
kalinisan, pagiging masunurin, pagiging kimi, pagiging matapat, at hindi
pagmamalabis. Inaanyayahan din ang tao, sa pamamagitan ng mga librong
conduct, na magkaroon ng moral vigilance44 upang maiwasan ang pagkakasala.
Sa pagkakaroon ng didaktikong katangian ng mga librong conduct makikita ang
43 Ibid, p. 8144 Ibid, p.81
mga “unang” bakas ng pagpapakilala ng konsensya sa mga Pilipino; nakikilala at
nasisimulang malaman ng mambasa ng librong conduct ang kanyang mga
obligasyon o duties, tulad ng ipinahahayag ni Kant, sa kanyang kapwa, pamilya,
sa simbahan at pamahalaan upang mapanatili ang moral at sosyal na kaayusan ng
lipunan.45
Sa panahon ding ito lumitaw ang Confessonario ni Fray Sebastian de Totanes,46
isang aklat na nagsilbing gabay ng mga unang Pilipino upang “malinis” ang
kanilang konsensya. Ang Confessonario ay nagtataglay ng maraming katanungan
hinggil sa kung paano kumilos ang isang tao; mga tanong na tulad ng “tumingin
ka ba sa asawa ng kapitbahay mo?” at ang mga ito ay sasagutin naman sa harap
ng pari sa tuwing mangungumpisal. Sa ganitong paraan, nalilinis ang “konsensya”
sa mga masasamang bagay at ideya na mayroon ang isang tao.
Sa madaling sabi, mahihinuha na ang konsensya, kung gayon ay isang tila lulan
ng mga tamang ugali at kilos ng isang tao. Taglay nito ang pagkilala sa mga
obligasyon ng isang tao at kung paano siya dapat umasal sa lipunan. At kung
gayon, ang kawastuhan o kamalian ng isang kilos ay nakabatay sa kung ang mga
ikinikilos ba ng isang tao ay nasa kanyang konsensya. Sa isang banda, maaari rin
namang itinuro ng mga Kastila sa mga Pilipino na ang konsensya ay isang tinig na
45 Kung maaalala, ang konsepto ni Kant ng Categorical Imperative ay maaaring gamitin na paliwanag sa conscience; kung saan ang isang tao ay may pagkilala at kamalayan sa kanyang conscience sapagkat kinikilala niya ang kanyang mga obligasyon o duty. 46 De Totanes, Sebastian. Manual Tagalog Para Auxilio de los Religiosos. Imprenta de Miguel Sanchez Y C. Binondo. 1865. (Confessonario)
ipinagkaloob ng diyos sa bawat puso ng tao na siyang magsisilbing gabay niya sa
pagkilos at pag-asal nang tama.47
Matagal nang nakalipas ang panahon ng pananakop ng mga Kastila ngunit
hanggang ngayon ay mababakas pa rin ang kanilang epekto at impluwensiya sa
kamalayan at pag-iisip ng mga Pilipino. Naging malalim ang ugat na itinanim ng
mga Kastila sa Pilipino kaya naman hanggang ngayon, nananatili ang mahigpit na
pagkapit sa pananampalataya ng karamihan ng mga Pilipino sa Kristyanismo at
siyempre, kaakibat nito, nananatili ang pagtingin sa konsensya bilang kaloob ng
diyos upang maging gabay ng tao sa kanyang pagkilos sa buhay.
Umiba ang ihip ng hangin sa pagdating ng mga Amerikano. Mula sa pagiging
ultra-relihiyoso ng mga Kastila, bitbit ng mga Amerikano ang pangako ng isang
maaliwalas na bukas para sa kanilang mga kapatid na “little brown Americans.”
Maaliwalas o maliwanag sapagkat mala-enlightenment ang moda ng kanilang
“pagsalba” sa mga Pilipino: dinala nila ang sistema ng pampublikong edukasyon
upang hindi malimitahan sa uring mayaman ang kakayahang makapag-aral at
dinala rin nila ang sistema ng pampublikong kalusugan. Bahagi ng programa ng
mga Amerikano ang pagdadala ng sistemang pampubliko dahil hangga’t maaari
hinangad nilang makarating sa mas malawak na bilang ng mga Pilipino ang
kakayahan upang pagbutihin ang sarili pati ang bayan; bahagi ng misyon ng
47 Ang ganitong pagpapalagay ay nahinuha ng may-akda sa katunayan na ang ganitong ideya ay mula sa mga pantas na sina St. Augustine at St. Thomas na malamang ay pinag-aralan naman ng mga prayleng pumunta sa Pilipinas.
Amerika na ihanda at hubugin ang mga Pilipino sa kanilang kapasidad sa
pagsasarili.
Bitbit ng parehong mga Amerikano at mga Kastila ang mga pagbabago sa
pulitikal, pang-ekonomiko, at panlipunang sistema na humikayat sa mga Pilipino
na magkaroon ng panibagong pananaw hinggil sa kanilang mga sarili. Ang mga
pagbabagong ito naman ay makikita at ipinahahayag sa mga highly regulated at
regimented na mga kautusan at mga pagbabawal na siyang konektado sa
espiritwal (Kastila) at pisikal (Amerikano) na pagkatao. 48 Bukod pa rito,
mahihinuha na ang mga kautusan at mga pagbabawal na ipinataw ng mga Kastila
at mga Amerikano sa mga Pilipino ay maituturing na mga normative ng pag-
uugali na maaaring nag-impluwensiya sa etika ng mga Pilipino noon, hanggang
ngayon.
Ayon kay Marcel Mauss, isang mananaliksik na may kiling kay Foucault at nag-
aral hinggil sa mga galaw ng mga Pilipino, ang katawan daw ng Pilipino ay
maihahalintulad sa isang kambas na maaaring kulayan at pintahan, at bigyan ng
panibagong anyo depende sa kung sino ang magpipinta dito, Kastila man o
Amerikano. Mababakas sa katawan ng Pilipino ang bahid ng impluwensiya ng
sumakop sa kanya: Kastila sa kalooban, Amerikano sa panlabas na
pangangatawan. Mula sa pagtuon ng mga Kastila ng atensyon sa espiritwal at sa
kabutihan at kagandahan ng kalooban ng tao, nakatuon ang mga Amerikano sa
48 Bautista, Julius. "The Sacred and the Sanitary: The Colonial Medicalization of the Filipino Body." The Body in Asia. Bryan S. Turner and Zheng Yangwen Eds. Berghahn Books, 2009.
pagiging mabuti, maayos, at malinis ng katawan. Tulad ng mga librong conduct
na ipinakalat ng mga Kastila, nagpakalat din ng mga pamphlet at mga kasulatan
ang mga Amerikano na naghihikayat at, kahit papaano’y, pinipilit na hubugin ang
kamalayan ng mga Pilipino hinggil sa panibagong konsepto ng pag-aayos at
pagpapabuti ng sarili.49 Mapapansin, kung gayon, na pareho ang layunin ng mga
Kastila at Amerikano sa pagsakop sa Pilipino: linisin ang pagkatao at
pangangatawan sa pamamagitan ng espiritwal na paglilinis, o sa Confessonario, at
sa pamamagitan ng paglilinis ng katawan upang mapigilan ang dumi, bakterya, at
sakit sa pagsira ng katawan. Tila ipinapahiwatig ng mga Kastila at mga
Amerikano na ang katawan ng Pilipino ay nangangailangan ng matinding
paglilinis, at nariyan sila, ang mga mananakop na may messianic complex, upang
linisin ang kabuuang pagkatao ng Pilipino.
Kung susuriin, ang paggamit ng Pilipino sa salitang konsensya, ay may bakas na
na hindi lamang moral, o taga-dikta ng tama o mali, o dapat o hindi dapat gawin,
kundi maging ng pagiging affective. Sa kasaysayan pa lamang mismo ay hayag at
kapansin-pansin ang pag-iiba ng kahulugan at kabuluhan ng konsensya: mula sa
Kastila na ang turing dito ay isang lulan ng kabutihang asal at marapat na
pagkilos, hanggang sa Amerikano na ang kabutihan at pagiging marapat ay
nasusukat sa kalinisan ng katawan. Tulad ng sa pag-unlad ng conscience sa
kanluran, nag-iba rin ang kahulugan ng konsensya lalo sa gamit nito.
49 Bautista, pp. 147-148
Kasalukuyang Gamit at Kahulugan ng Konsensya (Ilang halimbawa)
Sa kontemporaryong panahon, nagkaroon ng bagong hugis at bagong mukha ang
salitang konsensya, at kung gayon ay nagkaroon din ito ng maraming gamit. Dahil
sa pagiging fluid at flexible ng wikang Filipino, naging madali upang baguhin at
gamitin sa bagong konteksto ang konsensya, at bilang salita, maituturing itong
may maraming gamit. Halimbawa, kapag nilagay sa konteksto ng pulitika, may
ibang ibig sabihin ang konsensya, gayundin sa iba pang aspeto ng buhay ng
Pilipino. Ang mga sumusunod ay talaan ng iilan sa kasalukuyang gamit at
kahulugan ng salitang konsensya sa iba’t ibang konteksto.
Pulitikal
Madalas ginagamit ang salitang konsensya ng mga pulitiko lalo na kapag panahon
ng eleksyon, o sa mga pagkakataong kailangan nilang “linisin” ang kanilang
pangalan, sa gitna ng mga kontrobersyang nagdadawit sa kanila. Halimbawa,
kamakailan lamang ay naging headline sa gmanews.tv50 ang sinabi ni dating
pangulong Gloria Arroyo na “I have peace of mind dahil malinis ang aking
konsensya.” Ginamit din ang salitang konsensya sa mga debate hinggil sa
pagpapasa ng RH Bill, at sa marami pang pagkakataon.
Relihiyoso
Hanggang ngayon nararamdaman pa rin ang kamay ng simbahan lalo na sa
pagpapatakbo ng mga palisiya sa bansa. Nito ring kamakailan lamang ay muling
50 http://www.gmanetwork.com/news/video/101704/exclusive-panayam-kay-rep-gloria-macapagalarroyo?utm_source=GMANews&utm_medium=Twitter&utm_campaign=GMANewsTwitter
dinidiin ng simbahan ang kanilang papel bilang “taga-hubog ng konsensya” ng
mga tao. Sa isang panayam sa Catholic Bishops Conference of the Philippines,
sinabi nila na “Ang konsensya natin ang dapat nating sundin. Pero dapat nating
sikapin na ang ating konsensya ay maging right conscience.”51 Makikita na sa
dalawang konteksto, kung tutuusin, iisang kahulugan ng konsensya ang
ginagamit: ang konsensya bilang moral consciousness ng tao.
Kultura
Pansinin ang mga sumusunod na kataga at pangungusap na gumagamit ng
“konsensya:” (1. ang konsensya bilang “tinig sa kalooban” na tumutukoy sa isang
moral consciousness, at 2. ang konsensya bilang salita na tumutukoy sa isang
emosyon)
A.) Binulungan ng konsensya—may tila tinig na naririnig ang isang taong
“binulungan ng konsensya” na nagsasabing huwag niyang gawin ang
isang bagay.
Pinigilan ng konsensya—kadikit ng pagbulong ng konsensya ang
pagpipigil o “pinigilan ng konsensya.” Dahil sa isang mala-tinig ay
napipigilang gumawa ng masama ang isang tao sapagkat kinikilala niya
ang kapangyarihan sa likod ng “tinig” na kanyang naririnig.
51 http://www.gmanetwork.com/news/video/86361/saksi-miriam-konsensya-maaaring-manaig-sa-turo-ng-simbahan
Ginugulo ng konsensya—kapag hindi sinusunod ang bulong ng
konsensya at hindi napigilang gumawa ng masama, pagkatapos ng isang
maling gawain, ang isang tao ay nakararanas ng panggugulo ng
konsensya. Ang isang tao ay nagugulo ng konsensya sapagkat kinikilala
niya na mali ang kanyang ginawa, ngunit ginawa niya pa rin ito.
Mayroong elemento ng pagkatakot at pagkabahala na kaakibat ang
katagang ito.
Hindi kaya [tanggapin] ng konsensya—kapag ang isang tao ay
inuudyok na gumawa ng isang bagay na taliwas sa kanyang nakagisnan, o
taliwas sa kanyang paniniwala ng tama at mali, siya ay makararanas ng
isang hindi pagtanggap ng konsensya, o hindi kakayanin ng konsensya ng
isang tao na gumawa ng isang bagay na sa paniwala niya ay mali o
masama.
Malinis/marumi ang konsensya—tumutukoy naman ito sa kalagayan ng
konsensya, o ng kakayahan niyang alamin at gawin ang tama at mali, ng
isang tao. Masasabing ang taong may malinis na konsensya ay isang tao
na gumagawa ng kilos at ng mga bagay na umaayon hindi lang sa kanyang
sariling paniniwala, kundi maging sa mga batayan ng tama o mali ng
lipunan; samantalang ang taong marumi ang konsensya naman ay isang
tao na may ginawa o ginagawang mali at masama batay sa itinakda ng
lipunan. Ang katagang ito ay maiuugat din sa pagtingin sa konsensya
batay sa epekto ng pagsakop ng mga Kastila at Amerikano na may higit na
pagdiin sa kalinisan ng kalooban at ng katawan.
Kinain ng Konsensya—ang taong kinakain ng konsensya ay isang tao na
umabot na sa sukdulan at hindi na kayang tanggapin ang kamalian ng
kanyang mga ginawa.
B.) Nakonsensya/nakokonsensya—kapag ginagamit ang salitang ito, ibig
sabihin, kinikilala ng isang tao na may nararamdaman siyang emosyon ng
pagiging guilty. “Nakonsensya” o “nakokonsensya” ang isang tao bilang
pagkilala sa emosyon na nararamdaman niya.
Kinonsensya—ginagawa ito sa ibang tao. Kapag kinokonsensya ang isang
tao, ibig sabihin, may isang external na tinig siyang naririnig na nagsasabi
sa kanyang huwag gawin ang isang kilos.
Nangongonsensya—ito ang ginagawa ng isang tao na siyang nagsisilbing
panlabas o external na tinig sa taong kinokonsensya.
Ang mga salitang nakagrupo sa A ay may kinalaman sa paggamit ng konsensya
bilang konsepto ng konsensya na umaayon sa moralidad. Samantalang ang mga
salitang nakagrupo naman sa B ay tumtukoy sa isang pagpapahayag ng
damdamin, at ang damdamin na ito ay maaaring guilt o pagsisisi.
Sa isang lektyur ni Felipe Jocano Jr., Ph.D, kilalang Pilipinong antropologo,
tungkol sa wika, sinabi niya na ang paglalagay ng mga panlapi sa mga salitang
hiram, o mga salitang tumutukoy sa mga pangngalan, ay nagreresulta sa pagiging
pandiwa ng isang salita. Sa pagbabagong ito, nagkakaroon ng ibang hugis at
kahulugan ang salita na siyang nagdudulot at sumususog sa ideya ng pagiging
fluid ng wikang Filipino sa kakayahan nitong mag-angkop ayon sa
pangangailangan ng nagsasalita.
Konsepto ng Moralidad sa Pilipinas
Tulad ng konsensya, pamana rin ng Kastila ang konsepto ng moralidad sa
Pilipinas at dahil dito, Kristyanismo ang naging ugat ng batayan ng moralidad ng
mga Pilipino. Sa tatlong dantaong ipinamalagi ng mga Kastila sa Pilipinas,
nakapagpanday sila ng isang sistema ng moralidad kung saan relihiyon ang
naging pinakabatayan ng kawastuhan at kamalian ng isang kilos.
Sa ating kasalukuyang konteksto, may bilang pa rin ng mga Pilipino na ang
pangunahing ginagamit sa paghusga ng pagiging tama o mali ng isang kilos ay
mga turo at utos pa rin ng simbahan. [Hindi na yata kailangan pang banggitin na]
dahil dito, may ilang mga programa at batas na hindi naipatutupad sa ating bansa
sapagkat kung gagamiting basehan ang Kristyanismo, hindi ito sumasang-ayon
dito o labag ito sa mga paniniwala ng simbahan, halimbawa na lamang ang RH
Bill. Hanggang ngayon ay patuloy pa ring tinututulan ang pagsasabatas ng RH
Bill kahit na may sapat nang katibayan na magiging mainam ito lalo na para sa
mga babaeng Pilipino, sapagkat ang utos daw ng diyos ay “go forth and multiply”
at ang pagkontra rito ay mali at makasalanan.
Bagamat iba’t iba ang batayan o pagtingin ng tao sa moralidad, kinikilala ng
bawat Pilipino kung ano ang “katanggap-tanggap” na kilos at ugali. At bagamat
kinikilala na may iba’t ibang anggulo sa pagsasaalang-alang ng tama at mali,
masasabing may ideya ang isang tao kung ano ang mga konsepto o ideya na moral
sa hindi. ‘Yun nga lang, ang sukatan nito, madalas, ay nakasentro sa
Kristyanismo.
Ngunit para sa iilan, ang konsepto ng moralidad sa Pilipinas ay maaari ring
tukuyin bilang “folk” o tradisyunal sapagkat sumasang-ayon naman ito sa mga
kasabihan at kaugalian ng sinaunang panahon. Natutukoy ang tama at
napaghihiwalay ito sa mali gamit ang mga paniniwalang napagpasa-pasahan na
mula sa mga sinaunang Pilipino. Halimbawa, ang konsepto ng utang na loob:
gagawa ka ng mabuti at tama sa taong pinagkaka-utangan mo ng loob. Sa lente ng
Kanluraning pag-iisip, ang isang tao na ginawan ng kabutihan ay walang moral na
obligasyon na ibalik sa taong gumawa ng mabuti para sa kanya ang pabor,
kumbaga, wala naman talagang utang na naganap. Ngunit sa kulturang Pilipino,
ang pagdulot ng mabuti sa kapwa ay, madalas, tinitingnan bilang isang utang na
loob na kung kinakailangan ay maaaring hingin muli. Dagdag pa rito, batayan pa
rin, para sa iilan, lalo na sa pag-tataya ng tama o mali, ang mga kasabihan o
salawikain na pinamana rin sa atin sa pamamagitan ng oral na tradisyon ng
panitikan. “Ang magandang asal ay kaban ng yaman”, o “Ang mabuting
halimbawa, ay higit na mabisa kaysa pahayag na dakila”52 ay ilan sa mga
salawikain patuloy na tinuturo sa mga bata sa mababang paaralan upang kahit
papaano ay maintindihan nila at magkaroon sila ng ideya ng tama at mabuting
asal.
Ayon kay Feorillo Demetrio, isang propesor ng Pilosopiya sa De La Salle
University Manila, para sa isang Pilipino, [isa pang] ginagamit na sukatan ng
tama o maling pagkilos ang kung ano ang norm sa lipunan.53 Dahil ang mga
values ay nakaugat sa uri ng kultura na mayroon ang isang lugar, maaaring
sabihin na, sa kabuuan, ang pinakapundasyon pa rin ng konsepto ng moralidad ng
Pilipino ay, higit pa sa simbahan, nasa kultura.54 Dagdag pa ni Dionisio Miranda,
SVD, nakaliligtaan umano ng mga tao na ang kultura ay hindi statiko kundi
dinamiko; at kung tutuusin, nasa dinamismong ito ang pagtitiyak na may
pagbabago na siyang magbubunga ng isang tiyak na batayan ng tama o mali para
sa Pilipino. Ngunit, sa pag-usad ng kasaysayan ng Pilipino, walang radikal na
pagbabago ang naganap kung kaya’t ang mga values ng mga Pilipino noon ay
nananatiling values pa rin ng mga Pilipino ngayon. Kung gayon, ang batayan ng
tama o mali ng Pilipino ay nahuhubog ng isang dinamikong kultura.55
52 Mga salawikain mula sa http://www.angelfire.com/hero/iskulbukul/mgasalawikain.html53 Demetrio, Feorillo. The Structure of Filipino Morality. University of Santo Tomas Press. 199254 Sa pagsabi ng kultura, tumutukoy ang may-akda sa isang complex na sistema na binubuo ng mga batas, paniniwala, tradisyon, sining, kaalaman, mga moral, at kung anu-ano pang kakayahan na nakukuha ng tao bilang bahagi ng lipunang kanyang ginagalawan. 55 Demetrio, p. 2
Paglalagom
Bitbit ng mga Kastilang mananakop ang mga ideyang magpasahanggang ngayon
ay nagpapatuloy na umiiral sa kamalayan ng mga Pilipino; at bitbit nila, higit sa
lahat, ang Kristyanismo. Sa pamamagitan ng relihiyon, madali nilang napag-isa at
nasakop ang mga Pilipino, at gamit din ito, naturo at napilit nila ang mga bagay,
ideya, konsepto, at kung ano pa, sa mga Pilipino; relihiyon ang naging behikulo
upang maiparating sa atin ang mga nais nilang mangyari para sa Pilipinas.
Hinubog nila ang kamalayan ng mga tao at lumikha sila ng panibagong lipunan
para sa mga Pilipino.
Kasama sa mga naituro ng mga Kastila ang konsepto ng konsensya at isang uri ng
moralidad. Pagdating ng mga mananakop, saka lamang umano nakilala ng mga
Pilipino ang nosyon ng isang konsensya—isang tinig sa kalooban na nagsasabi ng
kung ano ang dapat o hindi dapat ginagawa o gagawin, at isang sisidlan na lulan
ang mga tama, mabuti, wasto, at dapat na kinikilos at inaasal—at naging malay
sila sa isang obligasyong dapat nilang gampanan sa kanilang pamilya, lipunan, sa
simbahan, at sa pamahalaan. Sa pamamagitan ng mga librong conduct, naipaabot
ng mga Kastila ang mga ugali at kilos na gusto nilang magkaroon ang mga
Pilipino; naging midyum ang pagpapalitan ng liham ng magkapatid na Urbana at
Feliza upang maipaalam sa mga Pilipino kung ano ang tama at dapat, at nang sa
gayon, ang hamak na indio ay marating ang antas ng pagiging “ideyal na
Pilipino”.
Mula sa loob, labas naman ng katawan ng Pilipino ang pinagtuunan ng pansin ng
mga mananakop na Amerikano. Nakatuon ang kanilang pagbabagong-hubog sa
“ideyal na Pilipino” sa paglilinis ng panlabas na katawan. Ipinakilala nila ang
sistema ng public health kung saan kabilang sa mga programa ay mga libreng
pabakuna, pagpapatayo ng mas marami pang ospital, at iba pa; ginawa nila ito
upang masiguro na maging “malinis” ang katawan ng Pilipino bilang paghahanda
sa kanyang pagsasarili. Para sa mga Amerikano, katumbas o tantamount ng
kalinisan ng katawan ang pagiging mabuting tao, ang kakayahang alamin ang
mali sa tama.
Sa parehong kalagayan, mapapansin na ang tutok ng dalawang mananakop ay ang
paglilinis sa Pilipino upang makumpleto at mailapit sa katunayan ang
pagkakaroon ng mabuting mamamayan. Sa pagkakaroon ng messianic complex,
tinanggap ng mga Kastila at mga Amerikano ang kanilang obligasyon na “linisin”
at isalba ang primitibong Pilipino. Ang tuon, kung gayon, ng konsepto ng
konsensya sa kontekstong nabanggit ay nasa pagiging moral nito; sa pagiging
malinis ng isipan, kakayahang mag-isip at gawin ang mga tamang gawain at kilos,
at sa pagiging malinis sa pangangatawan.
Pagdating ng kontemporaryo at makabagong panahon at konteksto, tulad ng sa
kalakaran ng pag-unlad, umunlad at nag-iba rin ang gamit at kahulugan ng
konsensya. Dahil sa fluidity ng wikang Filipino, naging possible ang
pagbabagong-anyo ng salitang konsensya sa pamamagitan ng paglalagay ng mga
panlapi. Mula sa pagiging pangngalan na tumutukoy sa moral na patnubay na
likas sa tao, ang konsensya ay napahintulutan nang maging isang salitang
tumutukoy sa emosyon na guilt. Hindi pa rin naman nakaliligtaan ang gamit sa
salitang konsensya bilang naglululan ng mga values na mayroon ang isang tao
dahil hanggang ngayon, ginagamit pa rin ito sa sense ng pagiging “malinis” o
pagkakaroon ng walang bahid ng malisya at kasamaan, lalo na sa konteksto ng
panlipunang usapin, sa pulitika at sa relihiyoso.
Mula sa pagiging etikal na isyu, ang konsensya ngayon ay nalalagay sa pedestal
ng lingwistikong pagsusuri kung saan ang pangunahing tanong ay: paano at bakit
nagkakaroon ng extra-dimension ang salitang konsensya, lalo na kapag ginagamit
sa pangaraw-araw pag-uusap? Sa susunod na bahagi ng papel na ito, susubukang
sagutin ng may-akda ang katanungan at nawa’y mabigyan na rin ng katapusan ang
pag-aaral na ito hinggil sa relasyon ng conscience at konsensya.
III. Diskurso hinggil sa Conscience at Konsensya
Narating na ng pag-aaral ang punto kung saan kailangan nang isintesis ang
dalawang konsepto: conscience at konsensya. Pagkatapos bigyang-kahulugan ang
dalawang salita, matapos itong ipaliwanag at bigyang saysay—mula sa
pagtatalakay ng kasaysayan ng paggamit at kahulugan hanggang sa
pagpapaliwanag sa moral nitong pahiwatig—napunta na tayo sa bahagi ng pag-
aaral kung saan susubukan nang ipakita ng may-akda ang relasyon ng conscience
at konsensya.
Sa pinakapayak, masasabi na ang relasyon ng conscience sa konsensya ay
nakabatay sa pagiging salin lamang ng isa. Mahalaga at naging imperatibo sa
papel na ito na ipakita muna ang conscience sapagkat dito naman umuugat ang
konsensya; na kung wala ito, malamang ay wala ring konsepto ng konsensya, at
kung gayon ay walang mapag-aaralan ang may-akda. Kinailangang ipakita muna
ang kanluraning konsepto ng conscience bago ipakita ang konsepto ng konsensya
sapagkat malaking bahagdan ng saysay nito ay nanggaling dito; at bilang salin,
mahihinuha na ang pinaka-esensya nito ay nakabatay pa rin sa orihinal na
pinanggalingan.
Kaakibat ng pagiging salin ng konsensya, bitbit nito ang nosyon ng pagiging
bastardized o may lihis na mula sa orihinal na esensya ng pinanggalingan nitong
salita. Sapagkat sa proseso ng pagsasalin, hindi napananatili nang buo ang
esensya at diwa ng isang salita. Madalas, kapag sinasalin ang isang salita, unti-
unti itong nababago at sa huli, ang resulta ay isang tila bagong kahulugan para sa
isang salita na iba sa unang kahulugan.
Taglay ng lahat ng wika at ng lahat ng teksto ang katangian ng iterability o ang
kakayahan ng isang salita, wika, o teksto, na maging repeatable sa mga bagong
sitwasyon at maihanay sa iba’t ibang konteksto.56 Dala ng ganitong katangian ang
pagiging flexible at fluid ng mga salita dahil napahihintulutan ang pagpasok ng
isang salita sa bagong konteksto, pati na rin ang paglalagay ng bagong konteksto
sa isang salita, na siya namang dahilan ng patuloy na pagkakaroon ng mga bagong
kahulugan ng salita na maaaring ibang-iba o maaaring halos katulad ng mga
naunang kahulugan at pag-unawa sa salita. Sa pagkakaintindi ng may-akda sa
teorya ng iterability57 ni Jacques Derida, ang bawat salita, habang ginagamit nang
paulit-ulit sa pangmatagalan, ay nalalagay at nabibigyan ng bagong konteksto at
kung gayon, nabibigyan din ng halos bagong kahulugan. Halimbawa, ang paulit-
ulit na paggamit ng salitang “pulitiko” ay nagbunga ng iba at tila bagong
kahulugan para rito; kung saan dati ang ibig sabihin ng pulitiko ay isang tao na
bahagi ng pamahalaan, ngayon ay may kaakibat ng negatibong konotasyon at
imahe ang salita: ang pulitiko bilang isang mataba na kurakot, o ang pulitiko
bilang buwaya, sa madaling sabi, ang pulitiko bilang isang negatibong salita.
Sa ganitong perpsektib, masasabing ang konsensya, o kahit conscience, dahil sa
pagiging iterable nito ay napahihintulutan ang pagkakaroon ng iba-iba at bagong
56 Mula sa http://www.yale.edu/lawweb/jbalkin/articles/deconessay.pdf57 Derrida, Jacques. "Ltd., Inc. abc....," Glyph Publishing Arts, London. 1977
kahulugan. Napapatunayan ito ng sarbey sa kasaysayan at pag-unlad ng pag-iisip
ng mga tao: kung dati para sa mga Griyego ang conscience ay rasyunal na bahagi
ng pag-iisip, sa kasalukuyan ang conscience ay parang lalagyan na natataglay ng
mga tamang values na mayroon o wala ang isang tao; na kung mayroon kang
[malinis na] conscience ay mabuti kang tao, at kung wala naman ay hindi. Ganito
rin para sa konsensya. Kung dati ang salitang konsensya ay tumutukoy lamang sa
conscience, o diwa ng conscience, ngayon, maaari na itong gamitin upang
magpahayag ng damdamin. Pinakamatingkad ito sa agos ng kasaysayan ng
Pilipinas kung saan kitang-kita ang impluwensya ng mga Kastila at mga
Amerikano sa pag-iisip at pag-hubog ng wika at idyolohiya ng mga Pilipino.
Halimbawa, sa impluwensiya ng Kastila, nakilala ng mga Pilipino ang isang
bahagi ng tao na tinatawag na konsensya na siyang nagtataglay ng mga values at
mga dapat o di dapat gawin ng isang tao. Mayroong paglilinis ng sarili na
nagaganap sa pamamagitan ng Confessonario kung saan nililinis ang konsensya
sa marurumi at maling pag-uugali, gawain, at pag-iisip. Bitbit naman ng mga
Amerikano ang impluwensiya ng paglilinis ng sarili. Nakatuon sila sa paglilinis
ng pisikal na katawan sapagkat ito na ang naging batayan nila ng isang mabuti at
huwarang Pilipino. Sa paglipas ng panahon, nagkaroon na rin ng bagong mukha
ang konsensya; na kapag ang salitang konsensya ay nilagay sa iba at panibagong
konteksto, nagkaroon na rin ito ng iba at bagong kahulugan.
Dagdag pa rito, may sariling katangian ang wikang Filipino kung saan
napahihintulutan ang isang salita na magkaroon ng panibagong gamit at
kahulugan sa pamamagitan ng pagdadagdag ng panlapi dito. Halimabawa, sa
karaniwang gamit ng konsensya, maiintindihan ng nag-uusap kung ano ang
tinutukoy: ang bahagi ng tao na nagtataglay at gumagabay sa isang tao sa pagkilos
nang wasto at tama. Ngunit, oras na lagyan ng gitlaping “in” ang salitang
konsensya, napoprodyus ang panibagong salitang “kinonsensya” kung saan ang
salita ay naging pandiwa at ang ibig sabihin ay naging kilos na ginagawa ng isang
tao upang ang kanyang kasalamuha o kausap ay makaramdam ng guilt. Kapag
naman dinagdagan ng panlaping “na” ang konsensya at nagiging “nakonsensya”,
ibig naman nitong sabihin na ang isang taong nagsabi nito ay nakakaramdam ng
guilt. Ang key term sa mga pagbabagong-anyo ng salitang konsensya ay ramdam.
Ngayon, mula sa pagiging tila rasyunal ng konsensya, bilang tagataya ng tama o
mali, nagkaroon na ito ng panibagong mukha kung saan ang nasa pinakapusod
nito ay damdamin o pandama. Hindi na lamang faculty ng rasyunal na pag-iisip
ang konsensya kundi ngayon, isa na itong bahagi ng apektibo, o affective
faculty—ang bahagi ng tao na may kinalaman sa mga emosyon at damdamin ng
tao. Mapapansin na sa pagbabago ng salita, nalilihis ito sa “pinakadiwa” nito.
Isa pang puntong mainam pag-usapan ang tungkol sa guilt. Makailang-ulit na
itong nabanggit sa papel na ito ngunit ngayon pa lamang ipapaliwanag ng may-
akda ang kahalagahan nito sa buong diskurso ng papel. Tulad nga ng nabanggit
na, oras na magkaroon ng bagong anyo ang salitang konsensya, nag-iiba na rin
ang kahulugan nito at nagkakaroon na ito ng bahid ng emosyon, ng guilt. “Some
cultures train its members to feel guilty at a given stimuli which other cultures
would have shame at its counterpart.”58 May iilang baitang ng kahulugan ang
naintindihan ng may-akda sa sinabing ito ni Leonardo Mercado: una, ang bawat
kultura ay may iba-ibang interpretasyon sa ginagampanan ng konsensya, kung
saan maaaring ang konsensya ang nagdudulot ng response na guilt o pagkahiya;
pangalawa, ang konsensya ay nakikita bilang trigger na nagdudulot sa isang tao
upang makaramdam ng mga emosyong tulad ng guilt o pagkahiya; at pangatlo,
hindi lamang pala takot ang umuudyok upang gamitin ng tao ang kanyang
konsensya. Nakakaramdam ng guilt ang isang tao lalo na kapag alam niyang may
nagawa siyang pagkakamali o pagkukulang. At upang maramdaman o ma-
reinforce ang damdaming ito, inuudyok ang konsensya sapagkat tila dito ito
nagmumula; konsensya ang tila nagsasabi na ang tamang response sa isang
sitwasyon ay guilt.
“Conscience is usually presented as if it were a compartmentalized section of
man. But this is not so for the Filipino.”59 Ibig sabihin, hindi hiwalay at hindi
mahihiwalay ang konsensya sa tao; kung bakit, sasapantahin na lamang ng may-
akda. Sa kanluraning perspektibo, ang conscience ay isang common o kaalamang
mayroon ang lahat ng tao; sa konteksto ng Pilipinas, ang konsensya ay mas
personal kaysa common. Maaaring ito ang ibig sabihin ni Mercado nang sabihin
niya ito. Maaari rin naman na tinutukoy na kapag kasi sa Ingles, ang kadalasang
sasabihin ay: “my conscience says…” o “my conscience is clean”; tila ang
conscience ay isang bagay na hiwalay sa tao, isang pagmamay-ari niya.
58 Mercado, Leonardo N. Elements of Filipino ethics. Divine Word University Publications. 1979. p.3059 Mercado, p.39
Samantalang sa Filipino, ang kadalasang paggamit ay: “nakonsensya ako” o kaya
naman “kinonsensya niya ako”; sa parehong halimbawa, hindi talaga hiwalay ang
konsensya sa bahagi ng tao sapagkat nasa tao ito mismo, hindi bilang isang pag-
aari kundi bilang bahagi ng pagkatao. Sa usapin ng pagiging compartmentalized o
nakabukod na bahagi ng tao, ang conscience ay nagsisilbi at gumagampan bilang
isang hiwalay na bagay o bahagi ng tao, samantalang ang konsensya, dala na rin
ng kakayahan nitong magpalit ng anyo at kahulugan, ay mas maigting na
kabahagi ng pagkatao ng isang tao. Hindi lutang o metapisikal ang konsensya
tulad ng conscience, nakalubog ito sa damdamin at pagkatao.
Paglalagom at Konklusyon
Sa simula ng pag-aaral, sinubukang sagutin ng may-akda ang mga tanong na: a.)
ano ang pag-unlad at galaw sa kasaysayan ng Conscience at Konsensya at paano
nito naapektuhan ang kasalukuyang kahulugan ng salita? b.) ano ang relasyon ng
Konsensya sa Conscience? c.) bakit kaya sa karaniwang paggamit ng salita,
karamihan sa pakahulugan ng Konsensya ay tumutukoy sa guilt, at kung gayon
ba, ang Konsensya ay nangangahulugang guilt at hindi tulad ng Conscience? At
sa wakas ay nasubukan nang linawin ito ng may-akda.
Hinggil sa kasaysayan ng salita, hindi maikakaila na mayroong naging papel ang
mga naghaharing idyolohiya o paradigm ng isang konteksto sa pag-unlad at pag-
iiral ng salitang Conscience at Konsensya; at sa bawat paradigm shift ay may
kaakibat din na pagbabagong-hubog ang mga salita.
At hinggil sa relasyon ng Conscience at Konsensya, una, ang konsensya, bilang
salin ng conscience ay natural lamang na magkaroon ng ibang kahulugan at gamit
sapagkat sa proseso ng pagsasalin, may mga elementong hindi napananatili,
halimbawa, ang buong diwa at esensya ng isang salita ay hindi kayang kulungin o
mahuli sa panibagong anyo nito bilang salin. Lagi’t lagi, lalo na sa mga salin,
nababahiran ito ng bagong elemento na siyang nagbibigay dito ng bagong anyo,
gamit, at kahulugan na siya namang naiaangkop sa bagong setting nito.
Pangalawa, sa pagiging iterable, o pagkakaroon ng katangian ng iterability, ang
isang salita, habang tumatagal ang paggamit at habang kaya itong ipasok sa
bagong konteksto, nagkakaroon din ito ng mala-bagong kahulugan; mala-bago
lamang sapagkat nariyan naman na talaga at maaaring gamiting dahilan ngunit sa
bagong konteksto lamang nagkabuhay. Nagiging posible ang pagbabago ng
dahilan sa iterability ng wika sapagkat hindi naman ito stagnant, nasa flux ito at
kung gayon, nariyan at nariyan lagi ang posibilidad ng pagkakaroon ng bagong
ibig sabihin. Pangatlo, nagkaroon ng ibang kahulugan ang konsensya na kaiba sa
conscience sapagkat pinahihintulutan ng fluidity ng wikang Filipino ang
pagbabagong ito. Oras na lagyan ng panlapi ang isang salita, tulad ng kinonsensya
mula sa konsensya, tiyak na nag-iiba rin ang anyo at ibig sabihin nito.
Nagkakaroon ng extra-dimension ang salita at higit na napatitingkad ang role na
ginagampanan nito sa kamalayan at buhay ng tao. Sa konteksto ng konsensya, ang
extra-dimension nito ay ang pagiging midyum nito upang magpahayag ng
damdamin ng guilt. Hindi tulad ng conscience na compartmentalized sa pagkatao,
ang konsensya ay bahagi ng pagkatao na siyang umuudyok o nagdudulot ng
damdamin; at hindi rin tulad ng conscience na hindi mo maaaring gamiting bilang
pandiwa, sa kaso ng “consciencing”, ang konsensya ay nagiging bahagi ng tao na
hindi maihihiwalay sapagkat maaari kang “makonsensya” at “mangonsensya” at
sa gayon, nakalubog sa buhay at pagkatao.
Mga Sanggunian:(aklat)
Agoncillo, Teodoro C., History of the Filipino People (8th ed.), Quezon City: Garotech Publishing. 1990
Alan Bullock and Stephen Trombley, eds. The New Fontana Dictionary of Modern Thought, Third Edition. 1999
Aronfreed, Justin. Conduct and Conscience, The Socialization of Internalized Control over Behavior. Academic Press, New York, 1968.
Bautista, Julius. "The Sacred and the Sanitary: The Colonial Medicalization of the Filipino Body." The Body in Asia. Bryan S. Turner and Zheng Yangwen Eds. Berghahn Books, 2009.
Conscience: An Interdisciplinary View, Edited by Gerhard Zecha and Paul Weingartner, D. Reidel Publishing Company, Holland, 1986.
De Totanes, Sebastian. Manual Tagalog Para Auxilio de los Religiosos. Imprenta de Miguel Sanchez Y C. Binondo. 1865. (Confessonario)
Delbeke, M. Edmunde. Religion and Morals of the Early Filipinos at the Coming of the Spaniards. UST Press, Manila. 1928
Demetrio, Feorillo. The Structure of Filipino Morality. University of Santo Tomas Press. 1992
Derrida, Jacques. "Ltd., Inc. abc....," Glyph Publishing Arts, London. 1977
George Kateb. Hannah Arendt: politics, conscience, evil. Martin Robertson, Oxford. 1984.
Hobbes, Thomas. Leviathan (Molesworth W ed) J Bohn. London, 1837
Hoose, Jayne. Conscience in World Religions, Leominster [England]: Gracewing ; Notre Dame, IN : University of Notre Dame Press, 1999.
Kant I. "The Doctrine of Virtue" in Metaphyics and Morals. Cambridge University Press. Cambridge. 1991.
Locke, John. An Essay Concerning Human Understanding. Dover Publications. New York. 1959
Marcus Aurelius. Meditations. Gregory Hays (trans). Weidenfeld and & Nicholson. London. 2003
Mercado, Leonardo N. Elements of Filipino ethics. Divine Word University Publications. 1979.
Mill, John Stuart, Utilitarianism, ed. George Sher. 2ndedition. Indianapolis: Hackett, 2001.
Mojares, Resil. Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel until 1940. University of the Philippines Press. 1983
Putnam, Hilary. Mind, language and Reality, Cambridge: Cambridge University Press. 1975
Schinkel, Anders. Conscience and Conscientious Objections, Amsterdam : Pallas, 2007.
Scott, William Henry. "Kalintow: The Code That Never Was", Looking for the Prehispanic Filipino and Other Essays in Philippine History: And Other Essays in Philippine History, New Day Publishers. 1992.
Scott, William Henry. Barangay: Sixteenth Century Philippine Culture and Society. Quezon City: Ateneo de Manila University Press. 1994.
Thomas A Kempis. "The Imitation of Christ". Leo Sherley-Price (trans) Penguin Books. London. 1965
(mula sa Internet)
Psychological Side of Conscience http://www.orthodoxphotos.com/readings/conscience/psychological.shtml. Last visited Jan.17, 2012
Conscience. http://www.rsrevision.com/Alevel/ethics/a2conscience/index.htm. Last visited Jan. 17, 2011
Wood, Allen. Kant on Conscience, http://www.stanford.edu/~allenw/webpapers/KantOnConscience.pdf
http://www.gmanetwork.com/news/video/101704/exclusive-panayam-kay-rep-gloria-macapagalarroyo?utm_source=GMANews&utm_medium=Twitter&utm_campaign=GMANewsTwitter
http://www.gmanetwork.com/news/video/86361/saksi-miriam-konsensya-maaaring-manaig-sa-turo-ng-simbahan
http://www.angelfire.com/hero/iskulbukul/mgasalawikain.html
http://www.yale.edu/lawweb/jbalkin/articles/deconessay.pdf
(artikulo)
With a clean conscience: cleanliness reduces the severity of moral judgments. SchnallS, Benton J, Harvey S. University of Plymouth, School of Psychology, 2008 Dec. 19
May, L. (1983). "On Conscience". American Philosophical Quarterly 20