Pagbuhay Sa Alitaptap

20
Pagbuhay sa Naglahong Kislap ng Mga Alitaptap: Ang Masikhay na Pakikibaka Para sa Wika’t Kalikasan sa Panahon ng Globalisasyon “Aanhin pa ang sosyo-ekonomikong kaunlaran, kung ang kapalit naman nito’y pagkasira o pagkawala ng kalikasan?” (NCSB, “Ang Ekonomiya, Ang Kalikasan at Ang Likas Kayang Kaunlaran,” p. 2-3) Unti-unti nang naglalaho ang mga alitaptap na dati’y nagbibigay-liwanag sa kagubatan. Halos naubos na ang mga punong nagsisilbi nilang tirahan. Ang mga matatayog na punong dantaon nang nakatindig ay isa-isang ibinubuwal ng pagragasa ng tinatawag nilang kaunlaran. Tunay ngang nagbabago ang panahon, at kasabay ng pagbabago ng klima ng mundo ay nagbabago rin ang pagpapahalaga ng tao sa kaniyang sariling wika, kultura at pagkakakilanlan. Nagbabago ang panahon. Nakalulungkot man, kasing-init ng temperaturang dala nito ang isyu ng paghina ng ating pambansang wika, at halos kasinlamig naman ng hanging amihan ang nagiging tugon ng malaking bilang ng mamamayan upang ito ay mapangalagaan. Pag-usbong ng Wikang Filipino mula sa Kuko ng Kolonyalismo Ang wika, katulad din ng kalikasan, ay inaabot ng mahabang panahon upang umusbong at yumabong. Ang butong itinanim mo ngayon ay hindi mo aasahang maging isang matayog na puno paggising mo bukas ng umaga. Kailangan mo itong bigyan ng sapat na pag-aaruga, katulad na lamang ng pagdidilig at pagbabantay upang

description

ang sanaysay na ito ay nagkamit ng Unang Karangalan sa Gawad Surian sa Sanaysay 2010

Transcript of Pagbuhay Sa Alitaptap

Page 1: Pagbuhay Sa Alitaptap

Pagbuhay sa Naglahong Kislap ng Mga Alitaptap:

Ang Masikhay na Pakikibaka Para sa Wika’t Kalikasan

sa Panahon ng Globalisasyon

“Aanhin pa ang sosyo-ekonomikong kaunlaran, kung ang kapalit naman nito’y

pagkasira o pagkawala ng kalikasan?” (NCSB, “Ang Ekonomiya, Ang Kalikasan at

Ang Likas Kayang Kaunlaran,” p. 2-3)

Unti-unti nang naglalaho ang mga alitaptap na dati’y nagbibigay-liwanag sa

kagubatan. Halos naubos na ang mga punong nagsisilbi nilang tirahan. Ang mga

matatayog na punong dantaon nang nakatindig ay isa-isang ibinubuwal ng pagragasa

ng tinatawag nilang kaunlaran. Tunay ngang nagbabago ang panahon, at kasabay ng

pagbabago ng klima ng mundo ay nagbabago rin ang pagpapahalaga ng tao sa

kaniyang sariling wika, kultura at pagkakakilanlan.

Nagbabago ang panahon. Nakalulungkot man, kasing-init ng temperaturang

dala nito ang isyu ng paghina ng ating pambansang wika, at halos kasinlamig naman

ng hanging amihan ang nagiging tugon ng malaking bilang ng mamamayan upang ito

ay mapangalagaan.

Pag-usbong ng Wikang Filipino mula sa Kuko ng Kolonyalismo

Ang wika, katulad din ng kalikasan, ay inaabot ng mahabang panahon upang

umusbong at yumabong. Ang butong itinanim mo ngayon ay hindi mo aasahang

maging isang matayog na puno paggising mo bukas ng umaga. Kailangan mo itong

bigyan ng sapat na pag-aaruga, katulad na lamang ng pagdidilig at pagbabantay upang

Page 2: Pagbuhay Sa Alitaptap

huwag itong kainin ng mga insekto. Ganito rin ang wika. Lubos na pagmamahal at

pagsusumikap ang inalay ng magigiting nating mga kapatid upang magkaroon tayo

ng isang wikang pambansa.

Hindi pa man dumarating ang mga Kastila ay may mga wika o dayalekto nang

ginagamit ang ating mga ninuno, subalit may pagkakaiba-iba ang mga wika o wikain

na matatagpuan sa bawat rehiyon na naging balakid sa pagkakaisa at pagkakabuklod

ng mga mamamayan laban sa pananakop ng dayuhan. Sa simpleng pagtingin, maiisip

natin na marahil ay hindi tumagal ng mahigit tatlong daan at tatlumpung taon ang

pagkakaalipin ng mga Pilipino kung noon pa man ay may iisa nang wikang

nauunawaan at ginagamit ang nakararaming Pilipino (Bisa, et.al., 1983:4)

Sa panahong sakop tayo ng mga dayuhan ay wikang Ingles at Kastila ang

kinikilalang mga pangunahing wika ng kapangyarihan sa bansa kaya’t lahat ng

mahahalagang dokumento ay nakasulat sa mga wikang ito. Pinangibabawan ng Ingles

at Kastila ang mga wikang katutubo sa mga bulwagan ng kapangyarihan kaya

nananatiling mangmang ang mayorya sa mga mamamayan sa mga batas at patakaran

ng gobyernong kolonyal. Naisantabi sa mga aktibidad ng mga sangay ng pamahalaan

ang sambayanang hindi nakapagsasalita ng wika ni Shakespeare at ni Cervantes.

Napanghawakan ng mga Ingleserong elitista ang kapangyarihan ng estado, kasama na

ang Pambansang Asembleya at Korte Suprema. Sa kasamaang-palad, sa mahabang

panahon ay naging sunud-sunuran lamang sa dikta at kumpas ni Uncle Sam ang

marami sa mga elitistang lider ng bansa. Pagpapatunay lamang ito na ang pagkaalipin

ng dila ay nangangahulugan din ng pagkaalipin ng bansa.

Sa kabila ng ganitong katangian ng sistemang sosyo-pulitikal ng bansa, isang

malaking igpaw sa ating kasaysayan ang pagkakatatag ng pamahalaang Komonwelt.

Page 3: Pagbuhay Sa Alitaptap

Ang pagkakaroon ng sariling pamahalaan na pamumunuan ng mga Pilipino ay

sinasabing nagpapakita ng ganap na kalayaan ng Pilipinas mula sa kolonyalismong

Amerikano. Kaalinsabay nito, nagkaroon din ng malaking igpaw ang pagsulong ng

wikang pambansa. Sa Saligang Batas ng 1935, nakasaad na “...ang Kongreso ay

gagawa ng mga hakbang tungo sa pagpapaunlad at pagpapatibay ng wikang

pambansa na batay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika.” (Seksyon 3, Artikulo

XIV). Kinikilala ng probisyong ito na hindi magiging ganap ang kasarinlan ng isang

bansa kung hindi ito magkakaroon ng wikang matatawag niyang kanya.

Wikang Pambansa, Wikang Mapagpalaya: Mula Tagalog Tungong Filipino

Sa layuning mabigyang-katuparan ang isinasaad sa Konstitusyon, pinagtibay

ng Batasang Pambansa noong ika-13 ng Nobyembre 1936 ang Batas Komonwelt

Blg. 184 na lumilikha ng isang Surian ng Wikang Pambansa (SWP), na sa

kasalukuya’y mas kilala bilang Komisyon sa Wikang Filipino. Pangunahing tungkulin

at gawain ng Surian na pag-aralan ang mga katutubong wika sa bansa at pumili mula

rito kung alin ang may pinakamaunlad na panitikan at tinatanggap at ginagamit ng

mas nakararaming Pilipino. Hinirang ni dating Pangulong Manuel L. Quezon ang

mga kagawad na bumuo sa Surian ng Wikang Pambansa, sa pangunguna ni G. Jayme

De Veyra bilang Tagapangulo. Bagamat galing sa iba’t ibang rehiyon at mayorya ng

kasapi ng Surian ay mula sa Kabisayaan, pinili ng SWP ang Tagalog bilang saligan ng

wikang pambansa, na pinagtibay ni Pangulong Quezon noong ika-30 ng Disyembre

1937, alinsunod sa itinadhana ng Batas ng Komonwelt Blg. 184. Tagalog ang wikang

napili ng SWP dahil ito ang wikang ginagamit sa mga sentro ng edukasyon, kalakalan

at pamahalaan, may pinakamaraming aklat at pananaliksik, at gayundin ay may

Page 4: Pagbuhay Sa Alitaptap

pinakamalapit na kaugnayan sa mga wika sa bansa kaya madaling maunawaan at

matutuhan ng mga hindi Tagalog.

Sa proseso pa lamang ng pagpili sa magiging saligan ng ating wikang

pambansa ay inabot ng isang taon ang mga kasapi ng naturang Surian, na

nagpapatunay na pinag-aralan nilang mabuti ang mga dayalekto sa ating bansa bago

sila nakarating sa isang mahalagang pagpapasya.

Patuloy sa pagyabong ang wikang pambansa at matapos ang diktaduryang

Marcos, naitala sa Artikulo XIV, Sekyon 6 ng Saligang Batas ng 1987 na “ang wikang

pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat pagyabungin

at pagyamanin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang wika.” Nilinaw sa

Resolusyon Blg 96-1 ng Komisyon sa Wikang Filipino ang pormal na deskripsyon ng

wikang Filipino, kung saan nakasaad na “Ang Wikang Filipino ay ang katutubong

wika na ginagamit sa buong Pilipinas bilang wika ng komunikasyon ng mga etnikong

grupo. Katulad ng iba pang wikang buhay, ang Filipino ay dumaraan sa proseso ng

paglinang sa pamamagitan ng mga panghihiram sa mga wika sa Pilipinas at mga di-

katutubong wika at ebolusyon ng iba’t ibang barayti ng wika para sa iba’t ibang

saligang sosyal, at para sa mga paksa ng talakayan at iskolarling pagpapahayag.”

Marami pang kapasyahan at kautusan ang inilabas ng iba’t ibang sangay ng

pamahalaan upang tiyakin ang pagpapaunlad sa ating sariling wika, kabilang ang pag-

uutos sa paggamit ng Filipino bilang wikang panturo sa lahat ng antas sa mga

paaralan, kaalinsabay ng paggamit ng Ingles na nakatakda sa patakarang edukasyong

bilinggwal. Sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Fidel Ramos, nilagdaan niya

at ipinalabas ang Proklamasyon Blg. 1041 na nagtatakda na ang buwan ng Agosto

taun-taon ay magiging Buwan ng Wikang Filipino at nagtatagubilin sa iba’t ibang

Page 5: Pagbuhay Sa Alitaptap

sangay/tanggapan ng pamahalaan at sa mga paaralan na magsagawa ng mga gawain

kaugnay sa taunang pagdiriwang. Isa itong makabuluhang hakbang sa

institusyunalisasyon at nasyunalisasyon ng pagpapalaganap ng wikang Filipino.

Sa kabila ng pagsisikap ng ating mga ninuno para lamang magkaroon tayo ng

isang wikang pambansa, tila unti-unti nang nalalanta ang dati’y yumayabong na

wikang Filipino dahil sa mga mapaminsalang daluyong na dala ng globalisasyon.

Daluyong ng De-Filipinisasyon sa Panahon ng Globalisasyon

Hindi lamang naging matagumpay ang Estados Unidos sa pagsakop sa bansa.

Maging ang ating mga kaisipan ay matagumpay na nasakop ng tila mahikerong si

Uncle Sam. Animo’y mga karilyong sunud-sunuran tayo sa maton ng mahikerong

Amerikano at kung tutuusin ay higit pa sa cultural colonization ang naganap – sa halip

ay mas matagalan, mas komprehensibo at mas masaklaw na cultural hypnotism na

hanggang ngayon ay nakakaapekto sa kung paano nag-iisip ang sambayanang

Pilipino. Nanatili sa ating kultura ang inferiority complex na dulot ng mala-aliping

pagtrato sa atin ng kolonyalismong Kastila at ang modang civilization hype ng Amerika

na nagturo sa atin na ang pagiging sibilisado ay ang pagkopya sa imahe, kultura, wika,

gawi at maging ang pagkonsumo ng mga produktong likha nila. Dahil dito, bagamat

wala na ang mga base ni Joe sa ating bansa, nananatili pa ring malakas ang

impluwensya ng kulturang Amerikano at ng wikang Ingles sa ating bansa, lalo na sa

pinakamatataas na antas sa ating lipunan.

Sa panahon ng nakaraang administrasyong Macapagal-Arroyo, nilagdaan ang

Executive Order 210 na nag-aatas sa paggamit ng Ingles bilang pangunahing wikang

panturo. Samu’t saring batas din na sumususog sa E.O. 210 ang tinangkang ipasa sa

Page 6: Pagbuhay Sa Alitaptap

panahong iyon. Hindi man nagtagumpay ang mga promotor ng Ingles sa usaping

lehislatibo, malaki ang naging epekto ng kanilang mga kampanya kontra-Filipino

upang pahinain ang paggamit ng wikang pambansa sa larangan ng pamahalaan at

edukasyon.

Sa kabila ng kapuri-puring pagkiling sa Filipino ni Pangulong Benigno

Simeon “Noynoy” Aquino III na ipinakita niya sa pagpapahayag ng kanyang

talumpating pang-inagurasyon at State of the Nation Address (SONA) sa wikang

pambansa, nananatiling Ingles ang pangunahing wika sa Senado, sa Kongreso, sa

mga korte at sa iba pang ahensya ng gobyerno. Mabibilang sa daliri ang mga

panukalang-batas na nakasulat sa Filipino at halos wala pa nga yatang desisyon ang

alinmang korte na orihinal na isinulat sa Filipino. Hindi pa tumatalab sa pamahalaan

at mga paaralan ang magandang panimulang pabor sa Filipinisasyon ng bagong

pangulo.

Maraming mga unibersidad sa Pilipinas ang gumagamit pa rin ng Ingles sa

pagtuturo ng mga asignaturang dapat ay itinuturo sa wikang pambansa alinsunod sa

itinatakda ng batas. Kakatwang ang “Kasaysayan ng Pilipinas,” na inaasahang

bubuhay sa diwa ng nasyonalismo, ay karaniwang itinuturo sa Ingles sa mga

malalaking unibersidad. Gayundin, di hamak na mas maraming sangguniang aklat sa

Kasaysayan ng Pilipinas na nakasulat sa Ingles, kumpara sa mga tekstong nakasulat sa

wikang pambansa. Karamihan sa mga academic journal sa Pilipinas ay nakasulat pa rin

sa Ingles. Nakalulungkot na kahit ang mga journal na Filipino ang pamagat ay

nakasulat naman sa Ingles ang mga artikulo. Nananatili ang nakababagabag na

trahedya, aminin man at hindi ng mga akademista, na ang Ingles ay nananatiling

nangingibabaw na wika sa akademya kaya naman hindi rin makalahok sa mga

Page 7: Pagbuhay Sa Alitaptap

akademikong diskurso ang mga simpleng mamamayan. Walang nagaganap na

paglaganap ng kaalaman dahil Ingles ang nangingibabaw na wika sa akademya.

Palasak sa maraming kampus ang pagkakaroon ng mga higanteng billboard na

tila mga dambuhalang insulto sa wikang pambansa: THIS IS AN ENGLISH-

SPEAKING ZONE; SPEAK ENGLISH: THE LANGUAGE OF LEADERS;

SPEAK ENGLISH, SPEAK TO THE WORLD. Kagimbal-gimbal na maging ang

Unibersidad ng Pilipinas ay nakisakay na sa mapanlinlang na trend pabor sa Ingles sa

pamamagitan ng pagpasok sa kasunduan sa mga malalaking korporasyong

nakipagsosyo sa pagtatayo ng UP-Ayala Land Techno Hub, na walang iba kundi

isang dambuhalang call center – isang pabrika ng mga estudyante at propesyunal na

Inglesero na unti-unting napapahiwalay sa sambayanang may bukod na wika at

kultura. Sa halip na gamitin ang kanilang mga talino at talento sa pagpapaunlad ng

bayan, ang kanilang mga kasanayan ay nababansot sa huwad na halinang hatid ng

malaki-laking kita sa mga call center.

Hindi natin dapat sisihin ang mga nag-aaral ng wikang banyaga o

naghahanapbuhay sa mga Business Process Outsourcing (BPO) o call center, dahil

itinulak lamang sila ng malalang sitwasyon ng kawalan ng hanapbuhay sa bansa.

Karaniwan ding kasama sa requirement at standards ng mga kumpanya ang fluency sa

wikang Ingles sa pagpili nito ng mga aplikante sa isang trabaho. Marami rin ang nag-

aaral ng wikang Ingles sa layuning makapasa sa mga pagsusulit para sa pangingibang-

bansa. Dahil sa prestihiyo na kakabit ng wikang banyaga, nagiging sukatan na rin ng

talino ang kakayahang makapagsalita sa wikang Ingles.

Kabi-kabilang nagsulputan din ang mga diumano’y English Tutorial Centers

at Call Center Training Institutes sa mga paaralan sa Pilipinas, samantalang hindi

Page 8: Pagbuhay Sa Alitaptap

lahat ng mga paaralan ay may Kagawaran o Departamento ng Filipino. Nilalayon ng

mga English Tutorial Centers na makaakit ng maraming dayuhang mag-aaral gaya ng

mga Koreano, nang hindi isinasaalang-alang ang kakulangan sa pasilidad ng paaralan

para sa mga Pilipinong mag-aaral. Bunsod ng pangingibabaw ng Ingles, wala nang

ibang iniisip ang maraming pribadong paaralan kundi ang salaping kikitain sa

hungkag na paggamit ng banyagang wika, hindi man makasunod ang mga Pilipinong

mag-aaral sa talakayan.

Marahil, iilan na lamang sa atin ang nakakaalala sa mga pang-edukasyong

palabas sa telebisyon na nagsusulong ng wikang Filipino, katulad na lamang ng

Pahina, Hiraya-Manawari at Bayani. Tinatalakay sa mga palabas na ito ang panitikang

Filipino at buhay ng ating mga bayani, na nakatulong sa pag-unlad ng pagpapahalaga

ng henerasyong nakapanood nito, kabilang na ang pagpapahalaga sa ating sariling

wika. Katulad ng sinapit ng Batibot, nawala na lamang parang bula ang mga

programang ito, na para bang may isang makapangyarihang kamay na nagdikta upang

itigil ang mga ganitong uri ng palabas sa telebisyon.

Tila isang matayog na puno na bigla na lamang tinamaan ng hagupit ng

malakas na bagyo at tinangay patungo sa malawak na kawalan at kadiliman ang

wikang Filipino. Ganito rin ang nangyayari sa ating kalikasan, isang yamang unti-unti

ng napapabayaan at nilalamon ng tinatawag nilang industriyalisasyo’t kaunlaran.

Nagbabagong Panahon, Signos ng Pagkawasak ng Mundo

Ang naganap na trahedya sa pagdaan ng bagyong Ondoy at Pepeng noong

nakaraang taon, na kumitil sa buhay ng hindi iilan nating kababayan, ay higit pa sa

Page 9: Pagbuhay Sa Alitaptap

sapat na dahilan upang tayo ay mamulat at kumilos para harapin ang nagbabagong

panahon o climate change.

Ang climate change ay ang makabuluhang pagbabago sa mga sukatan ng klima

(temperatura, hangin o pag-ulan) sa buong daigdig o klima sa mga rehiyon ng daigdig

na magtatagal ng ilang dekada o maging milyong taon. (Kalikasan-PNE, Pagbabago

ng Klima, 2009.) Ito ay isang pagbabagong maaaring bunga ng mga natural na salik o

mga prosesong likha mismo ng tao. Sa kasaysayan, may ilang beses nang nabago ang

klima ng daigdig sa halos limang bilyong taon na pag-iral nito, partikular ang apat na

beses na natabunan ang kalakhan ng mundo ng yelo (glaciation o ice age) at natunaw ito

(interglacial period), na naganap sa huling dalawang milyong taon ng mundo.

Bagamat masasabi natin na normal na ang pagbabago ng klima, may mga

aktibidad ang tao na nakapagpapabilis at/o nagpapatagal ng epekto ng pagbabago ng

klima. Halimbawa rito ang mga aktibidad na lumilikha ng labis-labis na green-house-

gases (GHGs) sa atmospera, kabilang ang carbon dioxide (CO2), methane (CH4),

Nitrous Oxide (N20) at halocarbons, na nagkukulong sa mas maraming radiation o

init ng araw sa halip na lumabas ito sa kalawakan at nagbunga ng relatibong pagtaas

sa temperatura ng hangin at karagatan.

Paggahasa sa Likas na Yaman ng Bansa

Sa kasong ito, hindi natin maisasantabi ang Pilipnas sa usapin ng mga

bansang may kontribusyon sa at lubos na apektado climate change, lalo pa at patuloy at

mabilisang nauubos ang ating kagubatan. Sa istorikal na pagtaya, nagsimula ang

mabilis na pagkalbo sa mga kagubatan noong panahon ng pananakop ng Estados

Unidos sa bansa, kung saan naging laganap ang komersyal at malakihang pagtrotroso

Page 10: Pagbuhay Sa Alitaptap

sa bansa. Patuloy na nauubos ang mga punong dapat sana ay humihigop ng carbon

dioxide mula sa atmospera, nag-iimbak ng tubig at nagpapatibay ng kapit ng lupa.

Bunga nito, lumala rin ang kaso ng mabilisang pagbaha, pagguho ng lupa at tagtuyot.

Mauugat ang masamang epekto ng komersyal na pagtrotroso, pagmimina at

pagtatayo ng naglalakihang dam sa sistemang pang-ekonomiya ng bansa, kung saan

nakabatay tayo sa pagluluwas ng hilaw na materyales at nakasandig sa dayuhang

kapital at produkto.

Batay sa datos ng Center for Environmental Concerns (CECs), tinatayang

nasa mahigit 93% ng kagubatan ang nawala sa Pilipinas. Mahigit 12.3 milyong ektarya

nito ay nawala sa loob lamang ng 50 taon, isa sa pinakamabilis at malawakan sa

buong mundo. Sa kabuuan, mula sa dating 270,000 kilometro kwadrado sa

pagtatapos ng pangongolonya ng Kastila noong 1898 ay tinatayang nasa 8,000

kilometro kwadrado na lamang ang nalalabing sinaunang kagubatan at dalawang katlo

nito ay sira na. Sa halip na protektahan ang kagubatan sa pamamagitan ng pagkansela

sa permiso sa komersyal na pagtrotroso ay patuloy ang pamamahagi ng pamahalaan

ng kontrata sa timber licensing agreement (TLA) at Integrated Forest Management

Agreeement (IFMA), na nagbibigay-kalayaan sa mga kumpanya na magtroso at

gamitin ang lahat ng produkto mula sa kalikasan sa sakop ng kanilang concession area.

Hinukay na Libingan ng Sambayanang Walang Laban

Samantala, ang labinlimang (15) taon ng RA 7942 o Mining Act of 1995 ay

nagdulot ng pagkasira sa kagubatan, pagpatag sa mga bundok, pagkalason ng yamang

tubig at pagkasira sa buhay at kabuhayan ng mamamayan. Sa panahong ipinasa ito,

halos ipangako sa mamamayan ang langit at lupa, at nagbigay ng ilusyon na

Page 11: Pagbuhay Sa Alitaptap

magbibigay-daan ito sa industriyalisasyon ng pagmimina sa bansa at pag-angat ng

kabuhayan ng mga mamamayan malapit sa minahan. Sa likod ng magandang

panaginip na ito, bangungot ang naranasan ng mamamayan dahil sa bukod sa wala

namang relatibong pag-unlad sa industriya ng pagmimina sa bansa, lalo lamang

nalugmok sa kumunoy ng kahirapan ang mga nakatira malapit sa pinagkukuhanan ng

ating likas na yaman.

Sa pagpapatupad ng patakarang liberalisasyon sa ilalim ng Mining Act of

1995, nagbigay laya ito upang higit na pagsamantalahan ng mga dayuhan ang yaman

ng bansa, lalo pa at pinapahintulutan nito ang 100% pagmamay-ari ng lupa ng mga

dayuhang kapitalista at sa ilalim ng Mining Revitalization Program ay inilaan ang 30%

ng bansa para sa pagmimina.

Malinaw rin na hindi nito naiangat ang antas ng kabuhayan ng mga residente

sa mga lugar na may operasyon ng mina. Halimbawa, nananatiling isa sa

pinakamahirap na lalawigan sa bansa ang Masbate, samantalang dekada na ang

pagmimina rito, partikular sa mga bayan ng Aroroy at Rapu - Rapu. Resulta ito ng

patakarang Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) kung saan binibigyan ng

limang taong tax holidays o legal na hindi pagbabayad ng buwis ang mga dayuhang

kapitalista at maaari pang dagdagan ng dalawang taong ekstensyon. Sa kinikita ng

mga dayuhan mula sa pagmimina, dalawang porsyento lamang ang napupunta sa

ating kabang bayan sa anyo ng excise tax. Ang masakit pa rito, direktang nakalalabas

ang mga namiminang mineral na hindi man lamang iniinspeksyon ng pamahalaan.

Lubos ring nakapipinsala ang pagsasagawa ng open-pit mining sa ating mga

kabundukan. May mga bansa na ipinagbawal na ang ganitong paraan ng pagmimina,

kabilang ang mga industriyalisadong bansa, katulad ng Estados Unidos at Canada,

Page 12: Pagbuhay Sa Alitaptap

dahil sa masamang epekto nito sa kalikasan. Karaniwang nasa 2.5 kilometro ang

lawak habang 0.5 kilometro ang lalim ng isang open pit at tinatayang nasa tatlong

tonelada ng mineral waste ang nalilikha para lamang makagawa ng isang gintong

singsing. Ang mga nakakalasong kemikal na nagmumula dito, katulad na lamang ng

cadium, mercury, cyanide at zinc, ay maaaring sumira at makapagdulot ng matinding

polusyon sa mga yamang tubig na pinagkukunan natin ng ating pang-araw-araw na

pangangailangan at makalason sa lupa, hayop at maging sa mga taong naninirahan sa

paligid ng mga yamang tubig na ito.

Trahedyang Dulot ay Kamatayan, Ganting-Tugon ng Kalikasan

Hindi isang pananakot ang nabanggit na senaryo sa itaas. Sa kasalukuyan,

marami ng naitalang kaso ng pagkalason ng kailugan dulot ng magmimina at pagguho

ng lupa bunsod ng walang habas na pagkalbo sa mga kabundukan.

Naging labis na mapagbiro ang tadhana sa mga mamamayan ng Leyte na

sinalanta ng hindi na mabilang na pagguho ng lupa at kumitil sa buhay ng libu-libong

mamamayan nito. Noon lamang taong 2006 ay isang buong komunidad ang nilamon

ng rumaragasang putik, kung saan tinatayang humigit-kumulang 2,000 katao ang

namatay at nawala. Nakapanlulumo na hindi na bago ang ganitong kalagim na

trahedya para sa mga taga-Leyte, dahil noong 1991 ay 6,000 ang nagbuwis ng buhay

dahil sa mabilis na pagbaha at pagguho ng lupa, subalit tila walang aksyon na

naisagawa ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang mapatigil ang patuloy

na pagkalbo ng kagubatan doon na siyang pangunahing dahilan ng mga nabanggit na

sakuna. Kulang ang espasyo ng sanaysay na ito upang bilangin ang mga bangkay na

Page 13: Pagbuhay Sa Alitaptap

inanod na lamang o nalibing ng buhay at talakayin ang lahat ng ganting-tugon ng

kalikasan sa pagkawasak niya sa kamay ng sangkatauhan.

Sa mga trahedyang bunga ng pagmimina, pinakamalala ang nangyaring

trahedyang Marcopper, na nagdala ng 1.5 hanggang 3 milyong metro kubiko ng

sulfudic tailing slurry sa Ilog Boac at Makulapnit sa Marinduque na nagdulot ng

pagkamatay nito at pagkabaog ng hindi bababa sa 823 ektarya ng dati ay matabang

lupain. Nasalanta nito ang kabuhayan at kalusugan ng mahigit sa 20 libong pamilya

na nakatira sa 42 komunidad na dinadaanan ng nasabing mga ilog. Hanggang sa

kasalukuyan, hindi pa nabibigyan ng katarungan ang mga biktima na nangyaring

trahedya, at patuloy pa ring dumudulog sa tanggapan ng Kataas-tasang Hukuman

upang gumawa ng aksyon hinggil dito.

Lupang Uhaw sa Pag-ibig

Hindi lamang pagbaha at pagguho ng lupa ang epekto ng pagkalbo sa mga

kagubatan. Maging ang suplay ng malinis na tubig sa bansa ay apektado na rin, bunga

ng pagkaubos ng mga puno na dapat sana’y nagiging imbakan ng tubig. Sa pagbawas

ng Maynilad sa suplay ng tubig, naging regular na lamang na tanawin sa ating bansa

ang libu-libo nating kababayan na nagtitiis sa napakahabang pila para lamang

makapag-igib ng tubig.

Dahil sa hindi rin pinatawad ng mga nagtotroso ang mga water shed sa bansa,

karaniwang umaapaw ang dam sa tuwing tag-ulan na nagreresulta ng pagpapakawala

ng tubig mula rito na nagpapalala sa pagbaha, o kung hindi man ay nasa critical level sa

panahon ng tag-araw. Sa panahon na napakainit at kailangan ng magsasaka ng tubig

para sa kanilang pananim, walang silang makuha mula sa Angat Dam. Kung kailan

Page 14: Pagbuhay Sa Alitaptap

naman binabaha na ang kanilang sakahan, saka sila bibigyan ng rumaragasang tubig

galing dito. Ang resulta, lalong nasira at hindi napakinabangan ang kanilang pananim.

Sa kabila ng halos panlilimos na ng tubig ng maliliit nating kababayan,

kalakhan ng alokasyon sa tubig ay napupunta lamang sa malalaking kumpanya ng

pagmimina at kuryente. Awtomatikong nagkakaroon ng karapatan sa tubig ang mga

kumpanya ng pagmimina batay sa patakarang liberalisasyon ng pamahalaan, kung

saan maaari nilang gamitin ang lahat ng pagkukunan ng tubig na nakapaloob sa

saklaw ng kanilang operasyon. Sa kabilang banda, umaabot sa 57% ng kabuuang

permiso sa paggamit ng tubig ang napunta sa mga kumpanyang lumilikha ng

kuryente, kumpara sa 35 % lamang para sa irigasyon at 3% para sa pangdomestikong

paggamit nito. Sa lalawigan ng Bukidnon, mahigit sa 98% ng tubig na inilaan mula sa

surface water ang kontrolado at pinapakinabangan ng iilang kumpanya ng kuryente.

(Water for the People Network 2009).

Ang sektor ng kuryente ang nakakuha sa pinakamalaking bahagdan ng tubig

na ipinamahagi ng pamahalaan kahit pa mayroon lamang itong 235 na permit o 1%

lamang ng kabuuang bilang ng nabigyan ng karapatan sa paggamit ng yamang tubig.

Lubhang mababa ito kung ikukumpara sa bilang ng mga nabigyan ng permit para sa

irigasyon (10,329 o 52%), pangdomestiko (6,477 o 33%), industriyal (1,403),

pangisdaan (482) at komersyo (343). Sa aktwal, ang sinasabing kritikal na lebel sa mga

Dam ay hindi nangangahulugan na malapit ng kapusin ang suplay ng tubig na

magagamit ng mamamayan, kundi nakabatay lamang sa pangangailangan ng mga

planta upang makalikha ng kuryente.

Sa kabila ng katotohanan na nasa bingit ng kakapusan ng suplay ng tubig ang

ating bansa, hindi maisasantabi na ang maling pamamahagi nito pabor sa malalaking

Page 15: Pagbuhay Sa Alitaptap

kumpanya ang siyang pangunahing dahilan kung bakit ang taumbayan pa ang

nagmumukhang pulubing namamalimos para sa batayang pangangailangang ito.

Halimaw na Industriyalisasyon, Pasang-Krus ng Kalikasan

Alinsunod sa dikta ng globalisasyon o malayang pamilihan, ibinubukas ang

bawat bansa sa pakikipagkalakan sa iba pang bansa sa buong daigdig. Sa ilalim nito ay

ang patakarang liberalisasyon ng pamumuhunan at kalakal, pribatisasyon ng mga

tungkulin at pag-aari ng pamahalaan, deregulasyon sa presyo ng mga bilihin, at gayon

rin ang denasyunalisasyon ng ekonomiya ng isang bansa.

Ang paggamit sa likas na yaman ng Pilipinas ay hindi lamang nakabatay sa

personal na pangangailangan nito, bagkus ay nagsisilbi tayong pangunahing

tagasuplay ng mga hilaw na materyal na kailangan ng ibang bansa, habang patuloy na

bansot ang ating ekonomiya sa kadahilanang wala tayong sariling industriya. Sa

madaling pagsusuma, nananatiling import-dependent, export-oriented ang katangian ng

ating ekonomiya.

Dahil sa nakabatay sa pakikipagkalakalan o negosyo ang paggamit sa likas na

yaman, lansakan at walang habas na pinuputol ang ating mga puno at kinukuha ang

ating mga mineral ng mga malalaking dayuhang kumpanya kasosyo ang ilang

malalaking negosyante sa bansa. Kasabay ng panggagahasa nila sa ating kalikasan,

tinatamasa pa nila ang mga mga benepisyong galing sa pamahalaan katulad ng

subsidyo, seguro sa pamumuhunan at eksempsyon sa buwis.

Sa ilalim ng Medium Term Philippine Development Program (MTPDP),

isang programang pang-ekonomiya na sinimulan noon pang panahon ng

administrasyong Ramos, naging sistematisado ang pagbuyangyang sa likas na yaman

Page 16: Pagbuhay Sa Alitaptap

ng bansa sa pamamagitan ng pag-aalis ng restriksyon sa dayuhang pamumuhunan sa

pagmimina, agrikultura at iba pang tipo ng empresa. Isinakripisyo ang dilag ng

kalikasan sa altar ng dayuhang kapital. Sa panahong ito naisabatas ang Mining Act of

1995 at naisapribado ang Manila Water and Sewerage System, kung saan ang

Maynilad ay naging pag-aari ng mga Lopez at ang TNC Suez ng mga Pranses habang

ang Manila Water ay naging pag-aari naman ng mga Ayala at ng TNC United Utilities

ng Britanya. Mahihinuha na natin mula rito na ang tunguhin ng pang-ekonomiyang

programang ito ay ang pagbebenta o pag-iindustriyalisa ng mga yamang dapat ay

tayong mga Pilipino lamang ang nakikinabang.

Sanlibo’t Isang Titis ng Pakikibakang Pangkalikasan

Sa kabila ng walang habas na pananalasa ng industriyalisasyon sa kalikasan,

nananatiling buhay ang mga pakikibakang naglalayong isalba ang kalikasan mula sa

tuluyang pagkawasak. Sa buong daigdig, pinakamalawak at pinakatanyag ang network

ng Greenpeace, isang internasyunal na organisasyong pangkalikasan na may

presensya sa mahigit 40 bansa. Isinilang ang Greenpeace noong 1971 sa kasagsagan

ng kampanya ng mga mamamayan laban sa mga mapaminsalang nuclear tests na

isinasagawa noon ng gobyerno ng Estados Unidos sa Alaska. Sa kasalukuyan,

nilalayon ng Greenpeace na pangalagaan ang kapaligiran at kalikasan sa

pamamagitan ng: paglulunsad ng “rebolusyon sa enerhiya” upang malutas ang

polusyong dulot ng mga fossil fuel na gaya ng petrolyo at uling o coal, sa pamamagitan

ng paghahanap ng mga alternatibong pagkukunan ng enerhiya; pangangalaga sa ating

mga karagatan sa pamamagitan ng paglaban sa mga mapamuksang paraan ng

pangingisda at paglikha ng pandaigdigang reserba ng mga yamang-dagat;

Page 17: Pagbuhay Sa Alitaptap

pangangalaga sa mga kagubatan at sa mga hayop, halaman at mga taong nakadepende

sa kanila; pagtataguyod ng kapayapaan sa pamamagitan ng pagtutol sa mga armas

nukleyar na mapaminsala sa kalikasan at mapamuksa sa sangkatauhan; paglikha ng

kapaligirang walang lason at pagsusulong ng agrikulturang nagpapanatili sa kalusugan

ng kalikasan. Sa kasalukuyan ay may humigit-kumulang 3 milyong kasapi ang

Greenpeace sa buong mundo na matibay ang paninindigang pangalagaan ang

kalikasan sa pamamagitan ng iba’t ibang porma ng pagkilos gaya ng pagpirma sa

petisyon, paglahok sa mga dayalogo, paglalabas ng mga ulat at dokumentaryo

hanggang sa pagsasampa ng kaso laban sa mga “kriminal na lumalapastangan sa

kalikasan.”

Nagbibigay-inspirasyon sa mga lokal na grupong makakalikasan ang mga

matatagumpay na pagkilos ng Greenpeace. Taong 1997 nang magsagawa ng

pambansang kumbensyon sa Pilipinas ang iba’t ibang kinatawan mula sa mga

organisasyon ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, kababaihan, katutubo,

maralitang tagalunsod at iba pang mga indibidwal na kasapi upang talakayin ang

lumalalang sitwasyon ng kalikasan sa bansa. Ang kanilang pulong ang nagluwal sa

KALIKASAN-People's Network for the Environment o KALIKASAN-PNE. Sa

kasalukuyan ay may mahigit 30 kasaping organisasyon mula sa iba’t ibang sektor ang

KALIKASAN-PNE, patunay lamang na ang pakikibakang pangkalikasan sa bansa ay

nananatiling matatag. Matagumpay na napagsama ng KALIKASAN-PNE ang

pakikibakang pangwika at pangkalikasan sa pamamagitan ng regular na paglalabas ng

mga praymer hinggil sa mga isyung pangkalikasan gamit ang wikang Filipino. Isang

halimbawa nito ang Praymer Hinggil sa Pagbabago ng Klima (2008) na detalyadong

tumatalakay sa mahahalagang aspekto ng climate change at ng mga pamamaraan upang

Page 18: Pagbuhay Sa Alitaptap

matugunan ito sa antas-lokal. Ito na marahil ang pinakakomprehensibong praymer

ukol sa climate change na nakasulat sa wikang pambansa. Kapuri-puri rin ang madalas

na pagsasagawa ng KALIKASAN-PNE ng mga forum at talakayan hinggil sa mga

usaping pangkalikasan na ang midyum ng komunikasyon ay Filipino. Malaki ang

ambag ng organisasyong ito sa pagmumulat at pagpapakilos sa sambayanan upang

tugunan ang mga hamon ng nagbabagong panahon.

Hindi rin natin dapat isantabi ang pagbubuwis ng buhay ng di iilang aktibista

para lamang maipagtanggol ang ating mga likas na yaman. Dapat nating kilalanin at

gunitain ang mga bayaning tulad ni Macli’ing Dulag na nag-alay ng kanyang buhay

para sa pagtatanggol ng kalikasan at karapatan sa lupang ninuno laban sa pagtatayo

ng Chico Dam sa panahon ng rehimeng Marcos.

Pakislapin ang ningning ng mumunting liwanag sa gitna ng takipsilim

“Kapag naputol na ang pinakahuling puno, nalason ang pinakahuling ilog, at

ang huling isda’y lumutang na lamang nang walang buhay, matutuklasan natin na

hindi natin kailanman makakain ang salapi.” Ito ay isang tanyag na kasabihan mula sa

isang tribo ng mga American-Indian na nagbabala laban sa lansakang pagkasira ng

kalikasan sa Hilagang Amerika sa panahon ng okupasyon ng mga puting Amerikano

sa lupang ninuno nila. Isang makapanindig-balahibong kasabihan na lalong nagiging

mabisa sa paglipas ng bawat araw.

Ang kalikasan, gaya rin ng wikang Filipino ay humaharap sa isang

napakalaking hamon. Mahabang panahon nang nagaganap ang pagwasak sa

kalikasan, samantalang ang mahabang panahon ng pagkaka-alipin ng sambayanang

Pilipino ay patuloy na nagpapahina sa pundasyon ng ating wikang pambansa. Patuloy

Page 19: Pagbuhay Sa Alitaptap

na niraragasa ng mga ganid na pwersa ng komersyalisasyon at walang rendang

globalisasyon ang ating mga likas na yaman kasabay ng pangingibabaw ng mga

dayuhan sa ating sistemang sosyo-ekonomiko na may negatibong epekto sa ating

wikang pambansa. Salapi at tubo ang pangunahing konsiderasyon ng mga

dambuhalang korporasyon sa lansakang environmental leveling – ang malawakang

pagkawasak ng mga likas na yaman ng daigdig, mula sa mga dagat at katubigan

hanggang sa mga dati’y makakapal na kagubatan, sa ngalan ng pagkakamal ng tubo

ng iilang tao. Ang ganitong mentalidad din ang salarin sa ipinipilit na paggamit ng

Ingles sa mga paaralan, sa panahon ng globalisasyong nakakiling sa Kanluran.

Dahil dito, mahabang panahon din ang kailangan upang maibalik natin ang

dating mayamang kalikasan at matibay na wikang pambansa ng Pilipinas. Para

maisakatuparan ito, kailangan ang ating wagas na pagmamahal at pagsisikhay – ang

ganap at bukal sa loob na pagyakap sa dakilang misyong nakaatang sa ating mga

balikat. Mahigpit ang pangangailangan na maging bahagi tayo ng pagpapalaganap ng

mga talakayan hinggil sa pagbabago ng klima at mga pamamaraan kung paano

makatutulong ang ating mga kababayan upang mabawasan at/o mapabagal ang

epekto nito. Wala nang ibang wikang mas mabisang gamitin sa mga nasabing

aktibidad kundi ang wikang Filipino sapagkat ito ang wikang higit na nauunawaan ng

sambayanan. Ito lamang ang wikang makahihikayat sa bawat mamamayan na

makilahok sa diskursong ukol sa pagbabago ng klima at mapalalim pa ang kanilang

pag-unawa sa mga tunay na sanhi ng penomenong ito, at makalikha ng mga

alternatibo at pangmatagalang lunas sa mga problemang dinaranas ng kalikasan at iba

pang mga suliraning kakabit nito.

Page 20: Pagbuhay Sa Alitaptap

Umaalingawngaw sa Hilaga, Timog, Kanluran at Silangan ang panawagan ng

panibagong sigla sa mga pakikibakang nagtataguyod sa pagsasalba sa naghihingalong

daigdig. Tinatawagan ang bawat mamamayan na mag-ambag, munti man, sa dakilang

misyon ng pagliligtas sa ating mga likas na yaman habang isinusulong ang

pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng pagbuo ng ating pambansang identidad at

pagkakaisa na bibigkisin ng ating wikang pambansa.

Maaaring ituring natin ang ating mga sarili na mga maliliit na tuldok lamang

sa isang napakalaking daigdig at marahil ay marami ang nag-iisip na wala tayong

magagawa upang isalba ang ating wika’t likas na yaman. Subalit kung ang bawat isa sa

atin ay magiging katulad ng mga munting alitaptap na nakapagbibigay ng liwanag sa

gitna ng isang mapanglaw na gabi, kaya nating lumikha ng sapat na ningas na

magsisilbing gabay at liwanag sa madilim na takipsilim ng kalikasan at wikang Filipino

sa gitna ng daluyong ng maka-Kanlurang globalisasyon.

MGA SANGGUNIAN:

Saving Our Future: A Situationer on the Philippine Environment and Struggles. Center for Environmental Concerns-Philippines, 2004. www.cecphils.org

Higit Pang Pandarambong at Pandarahas: Kalagayan ng Pagmimina sa Pilipinas, 2007. Kalikasan PNE. www.kalikasan.org

Krisis sa Kalikasan (lathalain). Pinoy Weekly, 2009. http://pinoyweekly.org/new/2009/04/krisis-sa-kalikasan/

Mining Act of 1995 “13 years of people’s suffering and environmental destruction” (pahayag). Bicol Today, 2008. http://bicoltoday.wordpress.com/2008/03/03/mining-act-of-1995-13th-year-of-peoples-suffering-and-environmental-desctruction/

Ang Ekonomiya, Ang Kalikasan at Ang Likas Kayang Kaunlaran. National Statistical Coordination Board (NSCB). http://www.senate.gov.ph/publications/PI%202005-11%20-%20Extracting%20Growth%20from%20Mining.pdf

Marcopper tragedy victims seek Supreme Court intervention. Manila Times, 07 March 2010.