Lapis lazuli healing meaningAbout Lapis Lazuli Healing Crystals
Lapis sa Kalye Online Magazine issue no 9
-
Upload
lapis-sa-kalye -
Category
Documents
-
view
282 -
download
7
description
Transcript of Lapis sa Kalye Online Magazine issue no 9
Sa unang pagkakataon, ngayon lamang akong
nabigyan ng pagkakataon na maging isang Ulong Patnugot ng
isang online magazine. Ngayon pa lamang, nais kong ipahatid
ang aking taos-pusong pasasalamat sa pamunuan ng Lapis sa
Kalye Publishing dahil sa pagbibigay-pagkakataon nila upang
maging kabahagi ako ng kanilang pamilya sa pagsusulat.
Para sa buwan ng Hunyo, nais kong pasimulan ang
aking tudling sa isang kaisipan na laging pinapaalala sa akin ng
aking ama: "Hindi lahat ng karunungan ay makikita sa silid-
aklatan. Mas marami kang matutuhan sa iyong kapaligiran."
Maituturing ang paaralan bilang ikalawang tahanan ng bawat
isa sa atin. Dito natin nailinang ang ating kakayanan,
karunungan at maging ang pakikipagkapwa-tao. Pero hanggang
saan nga ba ang nararating ng iyong karunungan?
Masasabi ko na sa 18 taon kong pamamalagi sa lupa,
ang karunungan na nakuha ko sa aking paaralan ay malugod
ko nang naibabahagi sa iba –sa pamamagitan ng aking pluma’t
papel, na siyang naipaparating na sa iba’t-ibang lupalop ng
Pilipinas. Hindi dahil lamang ito sa aking pagiging edukado,
mas higit dito ang aking pagiging dedikado.
Mahalin mo ang iyong gawain sa pang-araw-araw at
aaraw-arawin ka rin niyang mamahalin.
Maglayag. Maglinang. Magmulat.
Bb. Maria Kristelle Castillo Jimenez
(“Binibining_K” at “Luz V. Minda”)
Ulong Patnugot, Lapis sa Kalye Magasin
Panulat at Disenyo || Binibining_K
Larawan || Google Images
sa nang palasak sa pandinig ang kataga sa isang guro bilang isang ‘marangal at dakila na Ipropesyon’. Kaya kung ikaw ay isa sa mga nagnanais na mapabilang sa hanay nila, isang malaking
responsibilidad ang naka-atang sa iyong mumunting paglalakbay. Ang pag-abot sa propesyon bilang
isang guro ay hindi isang gawang biro, kaibigan. Datapwat ang pagkamit sa mithiin na iyon ay
maituturing na pribilehiyo na hindi dapat pakawalan. Magiging guro ka, darating ang panahon na
kung saan ang bagay na iyong pinag-aralan at pinaghirapan sa loob ng mahabang panahon ay siyang
isasalin mo sa iyong magiging estudyante. Kapag narating mo na iyon, doon mo higit na
mauunawaan na ikaw ang nagsisilbing pananggal-piring sa mga kabataan na minsan na ding
nangarap sa kanilang ambisyon.
Kapag guro ka na, doon mo
makikita ang bawat pagkakamali mo
noong estudyante ka pa lamang.
Kulang ang daliri sa paa’t kamay sa dami ng
pagkakamali mong nagawa’t nabitawan. Nariyan
ang talamak na pangongopya, ang minsanang
pagliban sa klase, at kahit ang simpleng hindi
pagbigay-pansin sa inyong talakayan. Makikita mo
ang repleksyon mo sa iyong sarili kapag
nakasalamuha mo na ang mga estudyante mo.
Mapapansin mo ang mga nakakairitang gawain nila
na kung tutuusin, isa lamang sa mga bagay na iyo
ding ginawa. Higit sa lahat, mapagsisisihan mo ang
mga bagay na sana ay naiayos mo habang may oras
ka pa.
Kapag guro ka na, natututo
kang itama ang sadyang mali.
May mga bagay na kahit mabigat man sa
iyong kalooban ay kailangan mong gawan ng
paraan. Merong mga pagkakataon kang mararanasan
na kung saan ‘literal’ na may gagawin kang
‘maneobra’. Sa madaling sabi, matuto kang mandaya
kahit alam mo sa sarili mo na talagang hindi iyon
tama. Mababang marka ang nakuha ng estudyante
mo, at magiging pasanin mo ang sitwasyon na iyon.
Hindi maiiwasan na madismaya ka sa sarili mo, lalo
na sa mga panimulang taon mo sa pagtuturo…
normal lang naman iyan. Mas nauuna ang awa kesa
sa tamang gawa, ganyan talaga ang payak na tao.
Kapag guro ka na, natututo
kang magpanggap.
Nakakainis ang ilang estudyante, at ilan sa
mga iyon ay magdadala sa iyo ng init ng ulo.
Kadalasan, sa umpisa’t sapul ng iyong araw ay
darating ang panahon na kung saan ikaw ay
mapupuno at halos madadala ka na ng iyong
emosyon. Ang isang epektibong guro ay hindi
nadadarang ng negatibong disposisyon, datapwat
sila ay nagmimistulang mga maskaradong nilalang
na kung saan ang iyong tunay na nararamdaman ay
tago… tanging sila lamang ang may alam.
Kapag guro ka na, mamahalin
mo ang magturo; pati na rin ang
matuto.
Nanaisin mo ang magturo sa loob ng
mahabang oras sa halip na magpahinga na lamang.
Iindahin mo ang init ng panahon, ang ingay mula sa
mga di-gaanong interesadong estudyante, pati ang
mga distraksyon na ibabato nila sa iyo. Dahil dito,
mas mamahalin mo ang iyong propesyon… wika nga
nila’y mas mamahalin mo ang mga taong
pinaglalaanan mo ng matinding oras at panahon.
Hindi mo maituturing na kabagutan ang pagtuturo,
hindi dahil sa mga benepisyong iyong nakukuha
mula sa iyon kundi dahil ikaw mismo ang may gusto
nito. At isa pa, mas nahahasa mo ang iyong sarili sa
propesyong pinasok mo. Sa madaling sabi, ikaw rin
mismo ang siyang natututo.
5
Kapag guro ka na, gumagawa ka ng
pagbabago hindi lamang para sa iyo kundi lalong
higit para sa kanila.
Ikaw ang primadong tao na magbibigay sa kanila ng inspirasyon
upang magbago sa mas mabuting aspeto. Dahil sa iyo, ang mga
estudyante ay magkakaroon ng mga matibay na pundasyon na
magagamit nila bilang gabay sa propesyong nais nilang tahakin.
Marahil, matuwa sila sa angking galing mo sa Matematika kung kaya’t
pinangarap nilang maging inhinyero; nakuha mo ang kanilang interes
sa pagguhit kaya nagustuhan nilang maging pintor; lalong higit ang
nahikayat sila na sundan ang yapak mo bilang isang guro. Sadyang
nagbabago ang lahat, at nasa iyong mga kamay kung paano mo
gagawing kapaki-pakinabang ang pagbabago ng mundo mo.
Kapag guro ka na, ang bawat minuto sa
. iyo ay maituturing na napakahalaga
Patuloy kang maghahatid ng kaalaman sa iyong estudyante
upang sa ganon ay mayroon silang maibabaon na kaalaman na
magagamit nila sa kanilang pagkatuto. Minsan pa nga, hindi mo
mamamalayan kung gaano kabilis tumakbo ang panahon dahil
‘napapasarap’ ka na sa pagtuturo. Masarap sa pakiramdam na iyong
nagamit ang buong minuto mo ng tama; na ang mga estudyante mo ay
may kinapulutan na aral mula sa iyo.
Ilan lamang iyan sa mga bagay na mararanasan mo KAPAG GURO KA NA. Nakakatuwang
malaman na ganito ang naibabato mong aral at prinsipyo mula sa kanila, hindi ba? Pero hindi ba’t
lalong nakakatuwa kung ang mga prinsipyong iyan ay iyong isinasabuhay HABANG ESTUDYANTE
KA PA LAMANG? Hindi pa huli para isakilos ang wastong disposisyon mo sa larangan ng pagtuturo.
Hindi dahil ikaw ay hindi ka nag-aaral para maging guro ay hindi mo na isasabuhay ang gawain mo
bilang estudyante. Tandaan, ang pagiging isang guro ay hindi lamang isang propesyon, ito ay
maituturing na pagkilos mo bilang isang tao na magturo at magpakatuto. Tandaan, mas mabuti pa ang
magpakatino HABANG ESTUDYANTE KA PA LAMANG, at hindi KAPAG GURO KA NA.
6
Ang buhay ay pag-ibig, ang pag-ibig ay buhay.
Kasing rikit ng langit tuwing bukang-liwayway,
Kasing puti ng sampaguita kapag dalisay,
Kasing tamis yaong asukal kung sadyang tunay.
Sumisibol sa puso ng sinumang nilalang,
Sapagkat sapul pa lamang noong pagkasilang,
Ipinadama na sa'tin ng ating mga magulang,
Kanilang mga pakahulugang hindi mabilang.
Habang unti-unting yumayabong yaring musmos,
Pangaral at gabay nyaring kanyang Ina'y lubos.
Sa pag-ibig ay wag munang magpadalus-dalos,
Subalit ito'y hindi nya gaanong natalos.
Panaho'y napakatuling umusad talaga,
Dekada'y lumipas at musmos ay nagdalaga.
Naitaguyod ng Ina sa pagtitiyaga,
Kahit Ama'y lumisa'y nabusog sa aruga.
Masisilayan ang mga pagbabago sa dilag,
Kanyang mala-adang rikit ay nakakabihag,
Datapwat sa kanya'y balana ang lumiliyag,
Puso'y nakalaan daw sa isa't parang bulag.
At sya nga'y napagtuunang pansin ng binata,
Kanilang landas ay pinagtagpo sa Luneta,
Parang prinsipe raw ang kanyang nakita,
Damdami'y lumundag sa sayang animo'y bata.
Kanilang mata'y nagtama nang di sinasadya,
Mga ngiti sa bawat labi nila'y nagbabadya,
Mauuliniga'y huni ng iilang maya,
Hindi madalumat ang nag-ugat na ligaya.
At sila'y muling nagkita sa isang bulwagan,
Kanya-kanyang gayak itong mga kababaihan,
Baka sakaling isa sa mga kalalakihan,
Ang maaaring makapareha sa sayawan.
Musika ay nagsimula nang tumugtog agad,
Makukulay na pangdiskong ilaw ay tumambad.
Bailehan lang kaibigan, wala namang bayad.
Tugtuging humahataw maya-maya'y kumupad.
Panulat || Coleen Magtibay
Disenyo|| Binibining_K
Larawan || Google Images
Malulumanay na awitin ang syang narinig,
Mga lirikong tagos sa puso't nakakakilig.
Dilaw, pula't puting ilaw sa gitna'y nanaig,
Isabay pa ang likhang ingay ng mga kuliglig.
Sa kanyang relos ay alas onse na nang gabi,
'Sang oras na lang ang palugit na nalalabi.
Pagbaling sa kaliwa'y may binatang katabi,
"Maaari ba kitang maisayaw?" kanyang sabi.
Hindi maipaliwanag ang kabang nadama,
Tatanggihan kaya niya o s'ya ba'y sasama?
Pumikit at sa isip ay bumilang ng lima,
Sya'y bahagyang tumango sa binatang maporma
Siya ay tumayo't iniabot kanyang kamay,
Mga kamay ng binata'y sa bewang nya lumagay,
Sa saliw ng awiting "Pag-ibig" nagkakulay,
Ang malamlam na gabi't unang sayaw na alay.
8
Oras di alintana, alas dose na pala.
Buwan ay malawak na liwanag yaring dala,
Sa ilalim ng sanlaksang bituin at tala,
Mga anino sa paligid, isa-isang nawala.
Maya-maya dalaga'y nag-aya nang umuwi,
Bago pa ang madilim na mga ulap mahawi.
Inihatid sya ng binata nang makabawi,
Naglakad na't sa tagong eskinita nagawi.
Ilang oras ba ng pagkakakilala'y sapat?
Kamay magkahawak, nadama ba'y nararapat?
Puso ba kaya ng kasamang binata'y tapat?
At kanilang mga labi'y bigla na lang naglapat.
Saglit na pagdadaop ng mga labi'y tumagal,
Bumilis ang tibok ng mga puso't nagpapagal.
Kahit natanto ng mga isipang ito'y bawal,
Mapusok na pag-ibig ay di na maiduwal.
Bawat pag-ibo'y parang batang sabik na sabik,
Kanilang damdami'y nag-aalsa nang tahimik.
Kakaibang init ang syang dulot ng mga halik,
Nang madama ang langit, katinua'y bumalik.
Napatunghay sa kalangitan at natanaw,
Sa eskinita'y naglagos ang sinag ng araw.
Umaga na pala't kapwa sila ay nasilaw,
Kaninang malalim na emosyon ay bumabaw.
Ginawa'y dahil sa marubdob daw na pagsuyo,
Nadiligan kanilang pusong tulog at tuyo.
Namulaklak, gumarbo parang Flores de Mayo,
Nangakong magiging tapat kahit magkalayo.
Binata'y naipakilala sa kanyang Ina,
Mala-nobelang sermon ay di nya alintana,
Ano pa nga bang magagawa kundi wala na,
Nang unang pag-ibig dumantay at nanagana.
At dumatal nga ang araw kung kailan lilisan,
Ang kanyang irog ay tutungo na sa silangan,
Pagkat doo'y mamamalagi ng ilang buwan,
Puso'y namanglaw, nakadama ng kahinaan.
'Sang matamis na halik at mahigpit na yapos,
Sa mga bisig ng binata'y nais magpagapos,
Bakit nga ba panahong nakasama'y kinapos,
Parehong nangakong di pa dito matatapos.
Pag-ibig ng binatang sundalo ay magiting,
Pagsusulatan nilang lagi ay pinaigting,
Kabuwanan ng pagluluwal ay paparating,
Makasama yaring tanging irog kanyang hiling.
Ilang linggo nang di nakakatanggap ng sulat,
Natakot sa narinig ng balitang kumalat,
May ingkwentro't may mga nakitil ayon sa ulat,
Puso nya'y nagpuyos sa kaba't animo'y malat.
Ito na rin ang panahon ng kanyang pagluluwal,
Pag-iri'y mahirap, ngalan ng binata'y usal.
Saglit lang nasilayan bunga ng pagmamahal,
Bago mawala'ng ulirat, taimtim ang dasal.
Irog ay dumating, kanyang dasal ay dininig,
Subalit huli na't nilisan yaring daigdig,
Anong rupok ng naipundar nilang pag-ibig,
Kailangang labanan buhay na may ligalig.
O tadhana nilang dalawa'y sadyang kaylupit,
Sa Panginoo'y patuloy ang tanong kung bakit,
Kuko ng kamataya'y sa mahal niya dumalit,
Binuo nilang banig ng pangarap, napunit!
Matamlay nyang iginala ang kanyang paningin,
Ilang baldeng luha pa ba kanyang gugugulin?
Suyuan ng piling ibig nais apuhapin,
Kinuyom sa pusong pagal noo'y tagubilin.
Ang buhay pag-ibig nila'y pag-ibig ang buhay,
Nahihimbing nilang mga puso ay nagkamalay,
Malamlam nilang mga larawan ay nagkakulay,
Pinangarap nilang sana'y panghabambuhay.
Ako nga po pala ang siyang bunga ng kwento,
Saling gunita ng aking Ama ang mga ito,
Wagas na pagliyag sa'king Ina'y di nahinto, Isang marikit na ala-alang parang ginto.
9
Panulat || Reniel Gallardo
Disenyo|| Binibining_K
Larawan || Google Images
Dugo na nabuo sa sinapupunan,
Ika'y iningatan hanggang maging laman,
Layuning ibigay itong kasiyahan
Sa magkasintahan na nagmamahalan.
Sa mundong ito ay iyong nasilayan
Yaong mukha ng iyong mga magulang,
Masasalamin tunay na kasiyahan,
Dulot sa kanila ng iyong pagsilang.
Sa bawat iyak na iyong malilikha,
Iyong ina'y hindi magkandaugaga,
Hindi malaman dahilan ng pagluha
Kaya't nakabantay upang mag-aruga.
Puyat at pagod ang kanilang puhunan,
Pag-ibig nila'y sa iyo inilaan,
Iniisip lagi iyong kapakanan
Kaya kahit gabi ika'y binantayan.
Sa bawat araw na dumadaan,
Iyong paglaki ay sinusubaybayan,
Bugbog sa pangaral na dapat tandaan
At disiplina pinunla sa isipan.
Sa pagpasok mo sa iyong bagong mundo
Tila ngayon ikaw naman ay nagbago,
Mas sinunod mo payo ng ibang tao
At magulang mo wari'y binibigo.
Ikaw ay pantas sa sariling isipan,
Payo ng magulang hindi pinakinggan
At sila ngayon ay handa mong labanan
Alang-alang sa bagong kaibigan.
Tanging pagtangis nagawa ng 'yong ina
At nasaktan ka ngayon ng iyong ama,
Kaya desisyon mo nama'y lalayas na
At sa kaibigan ikaw ay sasama.
Tila nagtagumpay ang iyong pag-alis,
Ngunit kasama ay hindi kinilatis,
Ika'y nagtiwala naman ng kay bilis
At ngayo'y nahulog sa bisyo ng labis.
Ang alak at sugal iyong sinubukan
At itong droga hindi nakaligtaan,
Sayo'y tinuro ng bagong kaibigan
At sila nama'y hindi mo matanggihan.
Ngayo'y nanariwa sa iyong isipan,
Araw na nilisan ang inyong tahanan,
Mga mata mo'y nabasa ng tuluyan
Kaya napagtanto mga kasalanan.
Nagdesisyon ka na umuwi na lamang
Dahil sa sabik sa yakap ng magulang,
Pagkakita palang sa inyong tahanan,
Iyong mga luha'y dumaloy nang tuluyan.
Pagpasok mo palang iyo nang natikman
Ang yakap na iyong pinananabikan,
Salitang patawad ang iyong tinuran
At napaluhod sa kanilang harapan.
Ang iyong ina ikaw ay hinalikan
At iyong ama habag ang naramdaman,
"Ayos lang iyan" ang kanilang tinuran,
"Narito kami ikaw ay gagabayan."
Kinalimutan mo iyong nakaraan,
Binaon sa limot katampalasanan
At itinuwid mga kasalanan,
Iyong pangarap ngayo'y pinagtuunan.
10
Tunay na nagbalik mabuti mong asal,
Dahil din sa mga mabuting pangaral,
Ikaw ay natapos na ng pag-aaral
At magulang mo ikaw ay kinarangal.
Ang iyong pag-ibig ngayo'y natagpuan,
Puso't panahon sa kanya inilaan,
Siya lang naman ang iyong pinakasalan
At bubuo ng iyong bagong tahanan.
Nang isinilang na ang iyong panganay,
Luha sa mukha mo ngayon ay namaybay
Mga kamay mo sa kanya ay nag-aantay
Upang ibigay yakap ng isang tatay.
At ngayon ay iyo na ding nadarama
Ang pakiramdam ng iyong ama't ina,
Pagkat ikaw ngayo'y isang magulang na
Laking pasalamat sa paggabay nila.
Ika'y nangako na pangangalagaan
At buong buhay sa anak ilalaan,
Mabuting asal siya'y tuturuan
Na sa ‘yong magulang mo din natutunan.
11
Panulat || Marc Arayan
Disenyo|| Binibining_K
Larawan || Google Images
Paggising sa umaga ikaw agad ang nakikita
Higpit ng yakap mo magmumulat sa aking mata
Wala pang sipilyo'y hinahalikan mo na
At ibubulong mong minamahal mo akong sobra
Ipinaghahanda mo ng masarap na almusal
May kape, keso at tustadong pandesal
Bago kumain sabay tayong magdarasal
Magpapasalamat sa Poong Maykapal
Aking naaalala ang mga gabi
Sa dilim maglalapat ating mga labi
Bago mahimbing maghaharutan pa ng kaunti
Hanggang sa makatulog tayong magkatabi
Ang ating pagiisang-dibdib ay 'di ko
malilimutan
Isa sa mga araw na aking pinahahalagahan
Nangako sa isa't-isa at ito'y paninindigan
Na magmamahalan tayo magpa sa walang hanggan
Hindi mawala sa isip ko, una nating anibersaryo
Ang unang beses na nagkatampuhan tayo
Buong akala mo kasi ay nakalimutan ko
Ang 'di mo alam may sorpresa ako para sa 'yo
Labis ang tuwa sa iyong mga mukha
Dahil sa galak mata mo'y lumuluha
Nasambit mong wala ka nang maihihiling pa
Makatuwang lang ako'y iyo nang ikaliligaya
Dumating ang araw na ating pinakahihintay
Nang sabihin mo sa akin na ako'y magiging tatay
Labis-labis ang tuwa p'wede na akong mamatay
Madaragdagan na ang makakatuwang ko sa buhay
Siyam na buwan mong dinala sa iyong sinapupunan
Ang bunga ng ating wagas na pagmamahalan
Sa araw na ating kinasasabikan
Hatid niya ay walang katumbas na kaligayahan
Buong pamilya lahat sa kanya ang tuon
Pinapaliguan ni Inay ng mababangong mga sabon
Binibihisan ni Itay ng damit na pang poon
Kinagigiliwang talaga ang anak nating si Aron
Sa kanyang kaarawan may kaunting salo-salo
Pamilya't mga kaibigan ay nagsipag-dalo
Ang wagas na kaligayahan ay bakas sa mukha mo
Nang magsayaw na ang anak nating mabibo
12
Ang mga taon na iyon ay tunay na maligaya
Ang puso ko'y pinupunuan niyo ng sigla
Ngunit isang unos pala ang sati'y nagbabadya
Isang unos na wawakas sa kaligayahang ating
tinatamasa
Isang hindi inaasahang pangyayari
Malubhang sakit ang sa 'yo ay gumapi
Sa Diyos Ama ako'y dumudulog palagi
Dumadalangin na sana'y sakit mo'y iwaksi
Ngunit tadhana'y sadyang kaylupit sa akin
Kahit anong dalangin ay kinuha ka parin
Sa kadalamhatiang sa aki'y umalipin
Hindi na napigilan pa bugso ng damdamin
Katas ng kalungkutan sa mata ko'y dumaloy
Napuwing sa unos na sa aki'y isinaboy
Kahit na ganoo'y aking ipagpapatuloy
Malamig man o maiinit hanging sumisimoy
Pangakong pagsasama sa pang habang buhay
Isa na lamang bang pangarap na malulumbay?
Saan ka man naroroon ikaw sana'y gumabay
Sa aming mag-amang nilisan mong tunay
Sa iyong pagkawala nalugmok man ako
May isang tao pang pakamamahalin ko
Isang tao na wala pang muwang sa mundo
Iniwan mo sa aking magpapa-alala sa iyo
Sa kanyang paglaki pangakong 'di ka malilimutan
Sa mga larawan mong kupas kanya kang
masisilayan
Busilak mong kalooban kanyang matututuhan
Iyong sakripisyo'y kanya ring malalaman
Ilang taon din ang lumipas matapos ang unos
Kadalamhatian sa puso ko'y 'di pa naaalis ng
lubos
Nananabik parin sa iyong halik, yakap at haplos
Pagmamahal sa iyo'y wagas parin at umaagos
Hawak ang isang larawang nangungupas
Nananariwa ang ating mga nakalipas
Pagmamahal na 'di magwawakas
Sa puso't damdamin ko'y tunay at likas
Sa isang kupas na larawan na lamang natatanglaw
Mga kislap ng iyong ngiting nakasisilaw
Sa gabing kaylungkot at kaypanglaw
Nagsusumamong puso'y umaalingawngaw
Mga larawang kupas iniwan mong alaala
Higit pa rito ang aking nadarama
Mga nakalipas nating sa litrato itinala
Pakahahalagahan at iingatang nawa
Sa paggunita sa araw ng iyong pagkawala
Kasama ang anak mo na pilit umaalala
Mga magulang na patuloy sa pagluha
Isa lamang ang nasambit nitong yaring diwa:
Ano't-ano pa man daranasing unos
Wasakin ka man at mag-iwan ng mga galos
May mga tao parin ang sayo'y hahaplos
At sasabihing minamahal ka naming lubos
13
Kabataan, ako’y nagalak ng tayo’y nagtagpo
Kahit na sa kalagitnaan na ito ng Agosto.
Sa unang araw pa lamang ng rehistro,
Ang suporta n’yo ay todo-todo.
Maging sa ikalawang araw, kayo ay aktibo. Tumulong sa bawat nangangailangang miyembro.
Tumugon sa bawat tanong na ibinato sa inyo.
Sadyang maasikaso ang inyong grupo.
Sa ikatlong araw, mas lalo ko kayong hinangaaan.
Pagsasalita sa wikang filipino ,inyong pinatupad sa paaralan.
Hindi inalintana ang maaring mangyari,
Maisabuhay lamang ang wikang itinatangi.
Sa pagsapit ng ika-apat at ika-limang araw,
Masidhing pagmamahal ang aking natanaw.
Sa tula, nobela at paskil na inyong ginawa,
Naipakita ninyo ang inyong pagdakila sa sariling wika.
Sa ika-anim na araw, inanunsiyo n’yo ang mga nagwagi.
Ang iba ay tumangis, ang iba ay ngumiti.
Napakasakit nito sa mga taong nabigo
Ngunit wala ng sasakit pa sa ginawa ninyong pagbabalik-anyo.
Sa ika-pitong araw, bumalik na kayo sa dati
Tila ba walang man lang nangyari.
Paksang pangungusap o paggamit ng tamang bantas man,
O maging ang simpleng pagsalita ng sariling wika ay inyong
kinalimutan.
Kabataan, bakit tuwing Linggo ng wika lamang kayo nagiging
Filipino?
Napakasakit dahil napakagaling n’yong magbalat-kayo.
Kung gaano n’yo kabilis ang wika ay itinangi,
Ganoon n’yo rin kabilis iniwaksi.
Panulat || Eveask Evangelista
Disenyo || Binibining_K
14
Panulat || Dudong Daga
Disenyo || Binibining_K
T: "Paano po ba nagsimula ang Km64?"
S: "Nag-umpisa ang KM64 bilang isang mailing
list 12 years ago. Nung una, isa lang siyang
school based organization na binuo ko.
Pangconsolidate yung simula ng grupo, ito yung
paraan ko para kulumpunin yung mga kasama kong
nagkaproblema at hindi tinanggap nung
enrollment sa dati naming eskwelahan sa
Maynila. Kaya gumawa ako ng mailing list para
magkaroon kami ng patuloy na komunikasyon at
interaksyon kahit nagkahiwa-hiwalay na kami
(marami ay lumipat ng ibang eskwelahan at ang
iba ay tumigil na sa pag-aaral) at dun nga kami
nagsimula, sa simpleng mailing list na parang
bulletin board na pwedeng magshare ng maaring
pag-usapan at magkumustahan. At sa daloy ng
panahon ay naisip naming mas maganda siguro
kung magkaroon kami ng common interes na pwede
naming pagkaisahan at yun nga, yung mag-
appreciate ng mga tula. Nung umpisa
nagpapalitan lang kami ng mga paborito naming
tula nila Pete Lacaba, Maningning Miclat at iba
pang paborito naming manunulat na makata. At
dahil sa pagkahilig namin sa pagbabasa ng mga
likha ng ibang makata at manunulat ay natuto na
rin kaming gumawa ng mga orihinal na tula at
dun na nga kami nagsimula. Nagkaroon kami ng
pagkakataon ng magtipon-tipon para magpalitan
ng mga tula, gumawa ng mga renga at magkaroon
ng poetry reading na ginaganap namin sa pader
ng Intramuros hanggang sa napunta at tumambay
kami sa mga coffee shop at mga bar. Ganun, dun
nag-umpisa ang regular poetry night ng KM64.
T: "Bakit tula ang napili at ginamit ninyong
sandata?"
S: "Simple lang kasi ang disiplina ng tula
hindi katulad ng awit na kailangan mong
matutong gumawa ng melody or music. Sa simpleng
pagko-compose ng salita at ng mga imahen ay
makakagawa na tayo ng akda. Tinuturing din
naming napakahalaga ng papel ng tula at sining
para magmulat o mag-educate ng mga tao.Kaya sa
pamamagitan ng tula at ng aming mga
pagtatanghal ay naipapahayag namin ang suporta
at pagtutol namin sa isang issue o partikular
na usapin."
15
T: "Naintriga ako sa pangalan niyo. Bakit Km64?
Nasabi niyo nga kanina ay Kilometer 64? Bakit
yun ang naisip niyong pangalan?"
S: "Ah.... Una sa lahat ay yung pangalang Km64
ay isang simpleng tribute sa isang organisasyon
ng mga kabataan na itinatag nuong 1964 ito yung
"Mga Kabataang Makabayan". Pag dinaglat mo ang
kilometer- KM, tapos 1964. Bihira na siyang
mabanggit sa history kasi kadalasan iniuugnay
siya sa mga underground movement ng mga
kabataan pero ang hindi nababanggit,
napakahalaga ng naging papel na ginampanan ng
Kabataang Makabayan sa paglaban sa diktaduryang
Marcos. Wala pang naglalakas loob na mga tao o
politiko na labanan yung pandarahas ni
Ferdinand Marcos nandoon na ang Kabataang
Makabayan na isa sa nagungunang tumutuligsa sa
mga paglabag sa karapatang pantao na ginagawa
ni Marcos. Ganundin, sabi nga natin, sa
Pilipinas kadalasan ipinapangalan natin ang mga
anak natin sa mga paborito nating artista o
kadalasan sa mga paborito nating banda, so
ganun din ako, ganun din kasimple kung gaano ko
tinitingala yung Kabataang Makabayan. Dagdag
pa, nag-aral din kasi ako ng Architecture at
bahagi ng isang quiz ay itinanong kung "Ano ang
sentro ng Pilipinas? Ang sagot dun ay Km0 na
matatagpuan sa Luneta, na ibig sabihin ay si
Jose Rizal o ang rebulto niya sa Luneta.
Naintriga ako, ano ba itong Km0? Paano ba
isinusukat yung layo ng isang lugar sa
Pilipinas? Sabay nakita ko yung mga dilaw na
poste sa kalsada na may nakalagay na km1, km2
at km3 na ibig sabihin ay bilang ng kilometrong
layo sa Km0. Ganun pala, nalaman ko kung paano
sinusukat ang layo ng isang lugar o partikular
na kilometro sa Pilipinas. Gaano kaya kalayo
ang km64? Naisip ko na napakalayong paglalakbay
siguro para marating ang km64, at maraming
kwentong madadaanan at mga issue na
makakasalubong sa daan na makabuluhang ikwento
sa pamamagitan ng tula.”
T: "Sino-sino ang mga nagmulat sa inyo o
tinatawag ninyong bayaning manunulat o sabihin
na nating, sino ang mga idolo ninyo?"
S: "Minsan din kaming tinawag na mga anak ni
Gelacio Guillermo. At mapalad kami na nabigyan
kami ng pagkakataon na personal siyang
makilala. Si Gelacio Guillermo ay isang bantog
at premyadong manunulat na makata na nagmulat
sa aming gamitin ang sining hindi lang sa mga
simpleng bagay at pag-express ng sarili. Palagi
niya kaming tinatanong "Para kanino kayo
nagsusulat?" Ito ang tanong na lagi naming
iniisip pag gumagawa kami ng tula. Para kanino
ba ang aming mga tula? Masasabi naming si
Gelacio Guillermo ang isa sa mga tinitingala
naming manunulat na palaging nagpapaalala sa
aming gamitin ang tula sa pagmumulat at pag-
eeducate sa mas malawak na bilang ng mamamayan.
At siyempre nandiyan din sila Pete Lacaba,
Emmanuel Lacaba at iba pang manunulat at makata
tulad nila Ericson Acosta, Kerima Tariman,
Richard Gappi, Axel Pinpin at iba pang
mahuhusay at nakikisangkot na makata."
* * *
T: "Sinabi niyo kanina na 12 years na ang Km64,
tama po ba? Sa nakikita niyong daan, ano pa ba
ang mga gusto niyong marating ng grupo? Ano pa
ba ang mga layunin inihahanda o programa para
sa mga kabataan?"
S: "Ganun pa rin naman, kung ano yung ginagawa
namin ngayon gusto naming pagbutihin pa at
palawakin pa ang mas naabot namin. Ito nga at
nagpapasalamat kami sa social media.
Napapabilis ang pagpapakalat ng mga tula, isang
click lang at mababasa na kahit sa malalayong
bansa o sa mga malayong parte o probinsiya sa
Pilipinas. Pwede rin silang mag-contribute. Mas
gusto naming mapalawak pa ang naabot ng aming
mga tula at makapagsilbi siya sa mga interes ng
mamamayan. Ito naman talaga yung gustong-gusto
naming gawin yung magamit ang tula para
magmulat at makatulong sa pamamagitan ng mga
tula at sa pagsuporta sa mga issue halimbawa na
lang ay yung issue ni Mary Jane Veloso. Bagamat
sabihin nating maliit na bahagi lang o maliit
na ambag lamang yung mga tula pero sa nakita
natin at sa daming nag-ambag ng tula ay marami
tayong naimulat na kailangan talagang
suportahan ang kampanya kay MJV."
16
6
T: "Proud ka bang maging Pinoy?"
S: "Siyempre naman proud talaga tayo kaya ganito yung mga ginagawa natin at patuloy tayong
nagmumulat ng mga kapwa nating pilipino dahil gusto natin mapaunlad ang bansa. Para pantay -
pantay nating maranasan ang biyaya at opportunities na dapat tinatamasa ng mga pilipino kasi
deserve naman nating lahat at hindi naman pwe-pwedeng iilan lang na pamilya o iilang grupo
lamang yung nagtatamasa ng kanilang yaman o karangyaan sa Pilipinas. Kaya ito yung paraan
namin ng pagpapakita na mahal namin ang bansang ito at proud kami at gusto namin magkaroon ng
pagbabago sa bansa natin at gusto naming maging bahagi sa pamamagitan ng sining na aming
nalalaman."
* * *
T: "Anong masasabi niyo sa mga kabataang manunulat?"
S: "Palagi nating sinasabi pag may nakakasalubong tayong bagong manunulat na gamitin natin ang
ating sining sa mas makabuluhang bagay. Gamitin natin para magmulat at wag tayong mahihiya
dahil sa panahon ngayon ay kailangan natin yung mga tulang at mga akdang nakikisangkot. Huwag
na tayong mag-ambag pa sa ikahihimbing ng tulog ng mga kababayan natin."
* * *
T: "Huling tanong Sir, Bonifacio o Rizal?" S: "Bonifacio, Siyempre."
Maaring antabayanan ang KM64 sa
kanilang opisyal na Facebook Page:
https://www.facebook.com/KM64.Web
17
Bilang pagtatampok ng Lapis sa Kalye sa mga natatanging alagad ng sining,
inihahatid namin sa inyo ang interbyu na isinagawa ni Dudong Daga kay
Andoy, ang komikero ng “Andoy Komiks”.
T: Kailan ka unang nagsimulang gumuhit at gumawa ng
komiks?
S: Pinakamaagang naaalala ko ay noong kinder pa ako.
Noong ikalimang baitang naman ako unang sumubok lumikha
ng komiks.
T: Kalapis, naalala mo pa ba ang unang komiks na
ginawa mo?
S: "The Adventures of Elmo" ang pamagat ng unang
komiks na ginawa ko. Tungkol ito sa isang stick figure at
isang bampira na hindi naman nakita sa kwento. Sa
kwaderno ko lang ito ginawa.
T: Anong masasabi mo sa comics industry sa Pilipinas?
S: Napakaraming komiks at dumarami na rin ang
naglilimbag ng komiks. Masaya ang ganitong estado kung
ako ang tatanungin. Konting push pa at tiyaga para puwede
nang pambuhay ng pamilya ang komiks tulad noon.
T: Sa makabagong panahon natin ngayon, paano mo
masasabi na umunlad na ang pagkokomiks sa ating bansa?
S: Sa ngayon, hindi pa nito naaabot ang "Golden Age of
Philippine Comics" dati pero malaki na ang inilaki at
inilawak nito kumpara noong panahon pagkatapos mawala
ang mga malalaking tagapaglimbag ng komiks.
T: Andoy, maari ba naming malaman kung sino o sino-
sino ang mga taong tumulak sayong pumasok sa mundo ng
komiks?
S: Wala. Ako lang. At mga nabasang Shogun Komiks.
T: Andoy, maari ba naming malaman kung sino o sino-
sino ang mga taong tumulak sayong pumasok sa mundo ng
komiks?
S: Wala. Ako lang. At mga nabasang Shogun Komiks.
Panulat || Dudong Daga
Disenyo || Binibining_K
18
T: Sino-sino ang iyong mga idolo?
S: Masyadong marami. Siguro ang Top 5 sa mga iniidolo
ko ay sina: Francisco Coching, Alfredo Alcala, Arnold Arre,
Pol Medina, at Manix Abrera.
T: Ano-ano na ang mga achievements na iyong nakukuha
sa larangan ng pagkokomiks?
S: Wala. Haha. Tagumpay na sa akin na naka-collaborate
ko ang isang magaling na doktor at manunulat at nagustuhan
ng isa pang hinahangaan kong manunulat ang mga komiks
ko. Siyempre ganoon din kapag nasisiyahan ang mambabasa
ng mga gawa ko.
T: Sa mga nagnanais na pumasok sa mundo ng
pagkokomiks, anong payo ang ibibigay mo?
S: Huwag na pasukin ang pagkokomiks. Napakahirap, e.
Biro lamang.
T: Saan nila maaring makuha ang mga gawa mo?
S: Puwede nilang mabasa online ang mga gawa ko. Pero
mas maganda kung bibili sila ng mga komiks ko sa Filbar's sa
Megamall, Comic Odyssey sa Robinson's, at tuwing
Komikon bilang pagpapakita ng suporta. Tapos ikalat nila sa
social media. Nag-promote pa ako, 'no? Hahaha.
Maaring subaybayan ang
paglalakbay ni Andoy sa mga
sumusunod na social media sites:
-Facebook, Twitter, Instagram,
WordPress, Tumblr (@andoyman)
- Facebook Page: “Ang Sumpa”
19
Panulat || Silent Sakura
Larawan || Deviantart
Disenyo || Binibining_K
M araming sitwasyon dito sa mundo
ang dapat isaalang-alang mga bagay o sitwasyon
na minsan hindi na natin nabibigyan ng pansin at
mapapansin na lamang natin sa oras na dumating
na ito sa ating buhay. Gusto kong tukuyin sa
artikulong ito ang mga bagay na minsan ay hindi
na sumasagi sa isip natin. Sa panahon ngayon
marami ng aksidente ang nangyayari sa ating
paligid, saan man tayo magpunta may piligro sa
ating buhay o sa buhay ng iba. Paano kung
dumating na yung hindi mo inaasahang
mangyari? Mga sakuna na hindi mo inaakala na
bigla na lamang susulpot? Katulad na lamang ng
lindol, tsunami, sunog, pagkalunod, banggaan,
barilan at kung ano-ano pa at ikaw na isang
ordinaryong tao ay nasaksihan kung paano
itinumba ang mga tao sa iyong harapan? Handa
ka ba? Handa ka bang tumulong? Sapat ba ang
iyong kaalaman para tumulong?
Sa aking karanasan bilang isang
ordinaryong tao ay minsan na rin akong humarap
kay kamatayan mabuti na lamang at may mga
anghel dito sa lupa na handang magligtas ng
buhay at handa silang ibuwis ang kanilang buhay
para sa iba. Nasabi ko sa aking sarili na hindi pa
pala akong handa at kung sakaling dumating man
sa puntong naroon ako sa lugar kung saan may
sakuna baka mag-panic lang ako.
Nitong nakaraang araw ay may nakilala
akong mga tao, mga tunay na palaban pagdating
sa sakuna, kung tawagin sila ay isang rescuer o
mga tagasagip sa oras ng sakuna. Humanga ako
kung paano sila sumabak sa sitwasyong
karamihan sa ibang tao ay aatras. Iba-iba man
ang kanila estado sa buhay o agwat ng edad pero
isa lang ang kanilang layunin ang siguraduhing
mailigtas ang buhay ng tao. Sila yung mga taong
handang suungin ang kahit na anong piligro
mailigtas lang ang isang tao. Nakaka-inspire di
ba? Pero hindi pala madali ang kanilang
pinagdaanan kailangan nilang mag-training para
sa panahon ng sakuna handa sila. Disiplina sa
sarili ang numero unong sangkap para maging
rescuer. Isa sa mga rescuer na nakilala ko ay
isang vegetarian sa loob ng 15 taon. Sa totoo
lang namangha ako sa kanya sa hindi niya
pagkain ng karne, grabe ang disiplinang
pinapakita niya, talagang tunay.
Sa telebisyon parang ang dali lang, hindi
ba? Aakyat ng bukid, building, sa kahoy, tatawid
ng lubid, lalanguyin ang rumaragasang tubig –sa
telebisyon madalas nating makita, simple lang
tignan pero ang hirap gawin, mahirap maging
rescuer sabi nga ng isang rescuer na nakilala ko,
“Dadaan ka talaga sa butas ng karayom.”
Nariyang ang almusal ay alas tres na ng hapon,
20
nariyang pupunta ka ng bukid at kutsilyo lang
ang dala mo kailangan mong mabuhay doon
gamit lamang ang kutsilyo. Dumaan sa iba’t
ibang training ang mga rescuer upang
masiguradong sapat ang kanilang kaalaman at
kakayahin upang sumagip ng tao. Sa ilang araw
na kasama ko sila ang sarap sa pakiramdam na
ligtas ka. Sa pananatili ko sa kanila ay marami
akong natutunang mga bagay, mga bagay na
akala ko noon tama dahil yon ang nakasanayan
pero ito’y mali pala. Minsan napapanganga na
lamang ako, napapa-AH GANUN PALA na
lamang ako. Dumaan din pala sila sa hirap bago
maging rescuer lalo na ang malayo sa kanilang
pamilya.
Sabi nila tayong lahat ay puwedeng
maging rescuer kung sapat lang ang ating
kaalaman para tumulong dahil minsan sa ating
pagtulong napapasama pa lalo ang kondisyon ng
taong ating tinutulungan kaya kailan wasto ang
bawat galaw natin bago tayo tumulong dahil
kung hindi mapapahamak lang lalo yung taong
ating tinutulungan. Sabi ng isa sa mga rescuer
bago ka tumulong siguraduhin mo munang safe
ka at dapat kalmado ka lang hindi ka dapat
magpanic. Mga ordinaryong tao din pala sila
kagaya natin at minsan nakakalungkot dahil sa
pagtulong nila minsan sila pa ang napapasama,
kagaya ng isang volunteer rescuer na nawalan
daw ng trabaho dahil tumulong mag-rescue ng
mga tao sa ibang lugar. Hindi madali maging
rescuer, kailangan talagang mag-take ng risk
pero kahit na anong bunga ng kanilang ginawa
kahit mawalan pa sila ng trabaho walang bahid
ng pagsisisi dahil sa puso nila, bukal sa kanila
ang pagtulong. Adventurous nga ang kanilang
propisyon pero yung isang paa naman nila
nakatungtong sa isang bangin at anumang oras
baka mamatay sila. Nakakamangha na meron
pang mga taong katulad nila na hindi sumusuko
sa pagtulong sa ibang tao.
Isa silang bayani at dapat lang tayong
magpasalamat dahil may mga taong katulad nila
na dedicated sa kanilang propesyon. Sana ay
hindi natin makalimutan ang kanilang
kontribusyon dito sa ating lipunan, hindi man sila
madalas makita sa telebisyon, hindi man sila
madalas marinig sa radyo pero nariyan lang sila
sa tabi-tabi mga simpleng tao na handang
sumagip sa oras ng pangangailangan. Salamat sa
mga taong tulad nila dahil sa kanila may mga
taong hanggang ngayon ay buhay pa. Iniaalay ko
sa kanila ang artikulong ito.
Mabuhay kayo, mga rescuer! Sana
dumami pa ang tulad niyong may mabuting
hangarin sa ibang tao!
21
Ang “Eskwela” ay ang ika-walong buwanang
edisyon ng Lapis sa Kalye Magasin, ang opisyal na Online
Magazine ng Lapis sa Kalye Publishing. Ito ay inilimbag sa
Issuu account ng Lapis sa Kalye.
Ang anomang puna, pahatid, at mga kontribusyong
pampanitikan ay maaring ipadala sa ilan sa mga manunulat
ng Lapis sa Kalye. Maari ring makipag-ugnayan sa
Maari ninyong subaybayan ang mga akdang likha
ng LSK sa mga sumusunod na mga account:
Weebly: www.lapissakalye.weebly.com
Facebook Page: www.facebook.com/LAPISSAKALYE
Wattpad: http://www.wattpad.com/user/lapissakalye
Instagram: https://instagram.com/lapissakalye/
Twitter: https://twitter.com/lapissakalye
Issuu: http://issuu.com/lapissakalye
Larawan || Cindz Dela Cruz
Dibuho || Binibining_K