balagtasan

12
BALAGTASAN

Transcript of balagtasan

Page 1: balagtasan

BALAGTASAN

Page 2: balagtasan

Ang Kahulugan ng Balagtasan Itinuturing na sining ang balagtasan

dahil hindi lamang sining ng pagbigkas ang nabibigyang-pansin ng mga manonood sa mga nagtatalo kundi maging ang kanilang masining na kumpas ng mga kamay at ekspresyon ng mukha. Maging ang paraang kanilang ginagawa habang nagpapalitan ng matuwid ay kakikitaan ng sining.

Isang pagtatalo na ginagamitan ng pamamaraang patula. Ito ang maikling pagpapakahulugan sa balagtasan. Dahil pagtatalo, ang balagtasan ay nangangailangan ng paksang pagtatalunan.

Page 3: balagtasan

Ang Pinagmulan ng Salitang Balagtasan

Nagsimula ang salitang balagtasan sa orihinal na apelyido ni Francisco Baltazar, ang Balagtas dahil nabuo ito sa panahong ipagdiriwang ang anibersaryo ng kanyang kapanganakan. Kung may Bukanegan ang mga Ilocano na hango sa apelyido ni Pedro Bukaneg, ang kilalang makata ng Iloko/Ilocano; at may Crissotan, ang mga Capampangan na hango sa apelyido ni Juan Crisostomo Soto, ang makata ng Capampangan, higit na nauna ang salitang Balagtasan sa dalawang salitang nabanggit

Page 4: balagtasan

Ang Maikling Kasaysayan ng Balagtasan

Isang maikli ngunit makabuluhan at makasaysayan ang pinagmulan ng balagtasan. Nabuo ang balagtasan dahil sa isang pagpupulong ng ilang piling manunulat noong Marso 28, 1924 sa tanggapan ni Rosa Sevilla sa Instituto de Mujeres. Pinag-uusapan nila noon ang gagawin nilang programa bilang pagpupugay sa anibersaryo ng kaarawan ni Balagtas sa Abril 2.

Page 5: balagtasan

Noong Abril 6, 1924 apat na araw pagkatapos ipagdiwang ang Araw ni Balagtas ay ginanap ang kauna-unahang balagtasan. Isang pagtatalong may iskrip na inihanda ang bawat sasabihin ng tagapamagitan at ng dalawang magtatalo. Ito ay nasa paraang patula. Pagkatapos mabuo ng iskrip ay ipinabigkas ito sa ilang piling mambibigkas ng tula. Lubusang hinangaan ng mga tagapakinig sina Jose Corazon de Jesus na lalong kilala sa tawag na Huseng Batute at Florentino Collantes na mas kilala sa bansag na Kuntil-Butil. "Bulalak ng Lahing Kalinis-linisan" ang pamagat ng kanilang paksa na sinulat nilang pareho.

Page 6: balagtasan

Dahil isa lamang sa kanila ang dapat hiranging ”Hari ng Balagtasan,” napagpasyahan ng komite na nagtatag ng balagtasan na magdaos ng isa pang pagtatalong patula nang walang iskrip. Ginanap ito noong Oktubre 18, 1925 sa Olimpikong Istadyum Maynila. Ang naging paksa nila ay "Ang Dalagang Filipina: Noon at Ngayon." Kinuha ni De Jesus ang panig ng kababaihan noon samantalang pinili ni Collantes naman ang kababaihan ngayon. Dahil sa kahusayang humabi ng mga salita, bumigkas nang may hagod at aliw-iw, at pagpili ng mga salitang may sukat at tugma ay napagpasyahang si Jose Corazon de Jesus ang itinanghal na kauna-unahang ”Hari ng Balagtasan.”

Page 7: balagtasan

Pagkatapos ng pagtatanghal nila De Jesus at Collantes noong 1925 hanggang lumipas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging sikat ang balagtasan sa Pilipinas at ninanais ng mga manunula ang titulong Hari ng Balagtasan. Dahil sa kasikatan ng ganitong anyo ng panitikan, nagkaroon ng ibang kahintulad na patulang pagtatalo sa ibang wika mula sa Pilipinas katulad ng Ilokano at Kampampangan maging wikang Ingles o Kastila.

Page 8: balagtasan

Ang Layunin ng Balagtasan

Ang pangunahing layunin ng balagtasan ay makapagbahagi ng kaisipan at makapagbigay-aliw sa mga tagapakinig / manonood. Malimit na gumagamit ng ilang katawa-tawang salita o pahayag ang mga mambibigkas ng balagtasan. Magkagayunman ay hindi nawawala ang kasiningan at kahusayan nila sa pagbigkas kasabay ng talas ng kanilang diwa at maagap na pagtugon sa paraang patula.

Page 9: balagtasan

Ang Paksa ng Balagtasan

Ang mga paksang nauukol sa buhay gaya ng pamilya, pag-ibig, lipunan at politika ang madalas maging paksa ng balagtasan.

Ang dalawang bagay na malimit na pagtalunan sa balagtasan ay ang

(1) tahanan o paaralan,

(2) ina o ama,

(3) dunong o yaman,

(4) pangaral o parusa,

(5) bitay o habambuhay na pagkabilanggo,

(6) guro o sundalo, atb.

Page 10: balagtasan

Ang Bumubuo ng Balagtasan

Ang balagtasan ay binubuo ng isang Lakandiwa at dalawang mambibigkas na pagtatalunan ang isang paksa.

Page 11: balagtasan

Ang Pamamaraan ng Pagtatanghal ng Balagtasan

Bukod sa Lakandiwa at dalawang mambibigkas ang paksang pagtatalunan ay napakahalaga sa pagtatanghal ng balagtasan. Dahil dito, napapanahon at mahalagang paksa lamang ang dapat taglayin ng balagtasan.

Ang Lakandiwa ang nagsisilbing tagapamagitan sa dalawang magtatalo. Siya rin….

(1) ang unang magasasalita at babati sa mga tagapakinig at tagapanood,

(2) ang pormal na magbubukas ng balagtasan,

Page 12: balagtasan

(3) ang magpapakilala sa dalawang magtatalo,

(4) ang magbibigay ng desisyon kung sino sa dalawang nagtatalo ang nagwagi, at

(5) ang magpipinid ng balagtasan.

Samantalang ang dalawang nagtatalo ay kailangang magharap ng mga ebidensya at magpaliwanag nang buong husay upang makumbinsi nila ang Lakandiwa na sa kanila pumanig.