Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

14
1 Ang Sikolohikal na Aspekto ng Sakit at ang Faith Healing Marie Agnes Lorenzo Michael Wilson Rosero Linguistics 125 Farah Cunanan Professor 20 May 2010

description

Sa pag-aaral na ito, tatalakayin ang ganitong uri ng panggagamot gamit ang etnolinggwistikong datos na nakalap. Ilalahad sa pag-aaral na ito ang kahulugan ng faith healing at ang kaugnay na konsepto nito na faith ‘sampalataya o pananampalataya.’ Tatalakayin rin ang mga anyo ng pangggagamot sa faith healing, sino at paano nagiging isang faith healer, pati na rin ang mga sakit na nagagamot ng faith healing. Titingnan din ang sikolohikal na aspeto ng sakit.

Transcript of Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

Page 1: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

1

Ang Sikolohikal na Aspekto ng Sakit at ang Faith Healing

Marie Agnes Lorenzo

Michael Wilson Rosero

Linguistics 125

Farah Cunanan

Professor

20 May 2010

Page 2: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

2

1 PANIMULA

1.1. Overvyu

Sa isang bansang balot ang kultura ng ispiritwalidad at relihiyosidad – mga patron,

deboto ng Santo Niño at ng Inang Birhen, mga kababalaghan – at kawilihan at masidhing

paniniwala sa mga supernatural at mistikal na bagay, hindi kataka-takang mamalas ang malaking

impluwensiya ng relihiyon at katutubong ispiritwalidad sa paraan ng panggagamot.

Sa kabila ng patuloy na pag-unlad ng agham ng medisina, hindi pa rin nawawala ang

paglaganap ng mga tradisyonal na alternatibong uri ng panggagamot. Marami pa rin sa mga

Pilipino, lalo na ang mga nasa lalawigan ang kumokonsulta sa mga tradisyonal na manggagamot

tulad ng hilot at albularyo kaysa magpunta sa mga ospital at magpatingin sa doktor kapag may

nararamdamang hindi kaaya-aya sa kanilang katawan. Nariyan ang mga albularyo na may

malawak na kasanayan sa mga halamang-gamot at ang hilot na parehong tumutukoy sa

manghihilot na espesyalista sa pagpapagalin ng mga pilay, nabaling buto at iba pang kondisyong

musculoskeletal at sa magpapaanak ‘midwife’ na siyang nagpapaanak.

Isa rin sa mga popular na tradisyonal na uri ng panggagamot ay ang faith healing. Ito ang

paniniwala na ang pananalig (faith) ay maaaring makapagpagaling ng karamdaman – maaaring

sa pamamagitan ng mga dasal o ritwal na nakakatawag ng divine presence at nakakapagbigay ng

kapangyarihan at kakayahang makapanggamot sa isang indibidwal. Ito ay tumutukoy sa mga

ritwalistikong gawain ng pagpapatong ng kamay na sinasabing nakakapagpagaling ng kahit

anumang sakit.

Hanggang sa kasalukuyan, kahit sa patuloy na pag-unlad ng siyensya, hindi pa rin

nawawala sa sistema ng kultura at lipunang Pilipino ang paniniwala sa mga ganitong tradisyonal

na paraan ng panggagamot. Laganap pa rin sa kanayunan at ilang liblib na lugar ang mga

katutubong manggagamot na dalubhasa sa paggamit ng mga halamang-gamot sa panggagamot at

patuloy pa rin sa pag-usbong sa iba’t ibang panahon ang mga nagsasabing faith healer sila. Sa

pag-aaral na ito, tatalakayin ang ganitong uri ng panggagamot gamit ang etnolinggwistikong

datos na nakalap. Ilalahad sa pag-aaral na ito ang kahulugan ng faith healing at ang kaugnay na

konsepto nito na faith ‘sampalataya o pananampalataya.’ Tatalakayin rin ang mga anyo ng

Page 3: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

3

pangggagamot sa faith healing, sino at paano nagiging isang faith healer, pati na rin ang mga

sakit na nagagamot ng faith healing. Titingnan din ang sikolohikal na aspeto ng sakit.

Mahahati ang papel sa limang pangunahing bahagi. Ang unang bahagi ay ilalaan upang

magbigay ng overvyu tungkol sa paksa, susundan ng metodolohiya at saklaw at limitasyon ng

pag-aaral. Ang ikalawang bahagi ay tatalakay sa katutubong uri ng panggagamot. Sa ikatlong

bahagi, tatalakayin ang faith healing bilang isang uri ng tradisyunal na panggagamot. Matapos

mailahad ang faith healing, tatalakayin ang konsepto ng faith o pananampalataya ayon sa mga

nakalap na datos. Sa bandang huli ay lalagumin ang papel at magbibigay ng rekomendasyon na

maaari pang gawin sa nasabing pag-aaral.

1.2. Metodolohiya

Gaya ng nabanggit sa itaas, ang pag-aaral na ito ay isang preliminaryong pagsusuri ng

faith healing at ang konsepto ng faith sa kultura at lipunang Pilipino. Layunin nito na

makapagbigay ng kongkretong pagsasalarawan at makapagbigay-ideya hinggil sa faith healing

na isang uri ng alternatibong panggagamot.

Dalawa ang naging pangunahing paraan ng mga mananaliksik sa pagkalap ng datos at

impormasyon para sa nasabing pag-aaral na ito. Pagkatapos magsumite ng isang balangkas at

batayang tanong, sinimulan ang pagbabasa ng mga akda at mga nakaraang pag-aaral, maging

mga dokumentaryo at artikulong naisulat tungkol sa paksa.

Sumunod na naging hakbang ay ang paghahanap ng mga informant, mga faith healer

upang kapanayamin. Nagsagawa rin ng mga focus group discussion na kinapalooban ng tatlo na

may tiglimang miyembro. Hinati ang mga grupong ito sa mga: 1) mga naniniwala sa faith

healing; 2) mga skeptik o hindi lubusang naniniwala sa faith healing; 3) mga nagpagamot sa faith

healer.

Para sa mga fatih healers o nagsasagawa ng mga panggagamot, umikot ang panayam sa

limang pangunahing tanong:

a. Anong uri ng manggagamot?

b. Anong mga sakit na ginagamot at napapagaling?

c. Paano ginagamot ang mga sakit? Ano ang mga paraan ng panggagamot?

d. Sinu-sino ang mga madalas magpagamot?

Page 4: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

4

e. Saan at paano natutong magpagamot? Saan at paano nakuha ang kakayahang

manggamot?

Ito naman ang naging katanungan para sa ikalawang pangkat na kinapanayam:

a. Naniniwala ba kayo sa mga faith healer?

b. Bakit kayo nagpapagamot sa faith healer?

Nagsagawa din ng mga informal na panayam sa mga taong may karanasan hinggil sa

faith healing at katutubong panggagamot.

1.2. Saklaw at Limitasyon

Sa pag-aaral na ito, tatalakayin ang pagpapakahulugan sa faith healing bilang isang

alternatibong paraan ng panggagamot. Tutukuyin din ang iba pang konsepto at termino na

pumapaloob dito. Gamit ang etnolinggwistikong datos na nakalap mula sa karanasan ng mga

informant at sa mga kwento ng mga may karanasan sa faith healing, muling susuriin ang ang

konsepto ng faith ‘pananampalataya’ sa kultura at lipunang Pilipino. Maliban pa dito, titingnan

din ang iba’t ibang aspeto ng sakit, at ipapakita na ang faith healingay nakasentro sa sikolohikal

na aspeto ng sakit.

Naging limitasyon ng pag-aaral ang kakulangan sa oras at panahon. Naging salik ang

hirap sa paghahanap ng mga posibleng informant at ng mga tunay na faith healer. Dahil sa

laganap ang mga nagpapanggap na faith healer, tila naging isang misyon din ang maghanap ng

tunay na manggagamot.

2 ANG KATUTUBONG URI NG PANGGAGAMOT

2.1. Uri ng mga Tradisyunal na Panggagamot

Bawat uri ng manggagamot ay may kanya-kanyang paraan ng paggagamot. Karaniwan

ang pagpapangalan sa kanila ay nakabatay sa pamamaraan nila ng paggamot ng sakit. Bagamat

albularyo ang pangkalahatang tawag sa mga katutubong manggagamot, nag-iiba-iba ito sa batay

sa espesyalisasyon nila. Makikita sa ibaba ang iba’t ibang gawain at mga paraan ng panggagamot

ng mga tradisyunal na ma manggagamot mapa-empirikal man o madyiko-relihiyoso na inilista ni

Dr. Michael Tan sa kanyang naging pag-aaral sa mga tradisyunal na manggagamot.

Page 5: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

5

Roles of Traditional Medical Practitioners (Tan, 1992)

Male Female Total

Hilot (massage /bone-setting) 43 61 104

Use of medcinal plants 35 55 90

Birth attendant 8 21 29

Dentistry 5 1 6

Removing fishbones 3 2 5

Removal of foreign objects from the eye 2 1 3

Removing poisons, treating insect andanimal bites 5 3 8

Treating wounds, hemorrhage 1 0 1

Treating skin disease 3 2 5

Ventosa 1 1 2

Using western drugs 3 3 6

Blowing (buga/tuyhop) 3 2 5

Spirit medium 3 3 6

Faith healing 22 21 43

Recalling lost souls 3 5 8

Buyag, usog, fright illness 1 5 6

Encounter with spirits (engkanto, duwende, matanda) 3 4 7

Psychic surgery 2 0 2

Counter sorcery 6 8 14

Diagnosis (tawas, etc) 5 14 19

Fortune telling, looking for lost items 3 13 16

Mapapansin na maraming bilang at mas laganap ang mga hilot at mga albularyo na

gumagamit ng mga halamang-gamot sa panggagamot. Sa ilang probinsiya at maging sa

Kamaynilaan, popular ang paggamit ng pagtatawas upang alamin ang sakit at naging sanhi nito.

Ayon kay Dr. Michael Tan (1992) may dalawang kategorya ang mga tradisyonal na

manggagamot: ang mga empirical at mga magico-religious. Ang empirical ay kinabibilangan ng

paghihilot ‘bone-setting’ at masahe; paggamit ng mga halamang-gamot, pagtatapal sa mga sugat.

Page 6: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

6

Sa kabilang banda, ang mga magico-religious ay kinapapalooban ng mga tungkuling shamanic

(pagiging midyum o tagapamagitan ng mga espiritu); paggamit ng mga orasyon, dasal at mga

alay; paggamit ng mga madyikal na paraan gaya ng panghuhula gamit ang tawas. Ang

pagkakategoryang ito ay nakabatay sa uri at paraan ng panggagamot.

2.1.1 Empirikal na Panggagamot

Sa kanayunan, ang mga albularyo ang karaniwang nilalapitan ng mga tao upang

magpagamot. Ang mga albularyo at hilot ay ‘general practitioner’ na may kakayahang

manggamot ng kahit anong sakit. Kabilang ang mga albularyo at hilot sa mga nanggagamot na

gamit ang mga empirikal na pamamaraan. Ilan sa mga empirikal na pamamaraan ay ang

pagsasaayos ng mga nabaling buto ‘bone-setting’ at therapeutic massage. Kasama rin dito ang

ilan sa mga espesyalisasyon gaya ng pag-aalis ng mga kamandag at agtaklin (paggamot ng

tinatawag na intestinal colic) sa Cagayan Valley (Tan, 1992). Kadalasan sa mga

espesyalisasyong ito ay nakatuon sa partikular na lugar gaya ng mammuling sa Cagayan Valley

at mammuris sa Ifugao a parehong natatanging kakayahan sa pagtanggal ng mga puwing o

anumang dumi sa mata.

Nakapaloob din sa mga empirikal na pamamaraan ay ang kombinasyon ng paghihilot o

pagsasaayos ng nabaling buto at masahe na ginagamitan ng mga halamang-gamot na isinasagawa

ng mga hilot. Isa pa ay ang kombinasyon ng paghihilot at pagpapaanak.

Itinuturing na empirikal ang ganitong panggagamot dahil nakabatay sa karanasan at

obserbasyon ang ginagawang panggagamot sa mga sakit. Ang mga albularyo ay karaniwang may

kasaysayan ang pagiging isang manggagamot. Ang kakayahang manggamot ay maaaring

nagmula sa isang supernatural na nilalang, kadalasan ay ang Banal na Espiritu. At ang

kakayahang ito ay ipinapamana, kasama ang mahabang pag-aaral sa ilalim ng isang lokal na

manggagamot.

Bagama’t may ilang pinaniniwalaang may kakayahang magpagamot ng mga sakit, ang

isang albularyo ay isa lamang manggagamot na bihasa sa paggamit ng mga halamang-gamot.

Siya ang unang nilalapitan ng mga tao sa kanilang pamayanan kapag may nararamdamang di

maganda sa katawan. May kanya-kanyang pamamaraan ang bawat albularyo sa iba’t ibang

Page 7: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

7

rehiyon. Ilan sa mga ritwal na isinagawa ng albularyo ay pagtatawas, pagluluop, tapal,

pangkontra, bulong at orasyon na gamot sa mga na-nuno, namatanda at iba pang lamang-lupa.

Isang maybahay sa Tandang Sora ang na bagama’t nasa gitna ng siyudad ay malakas ang

paniniwala sa mga albularyo at hilot. Agad niyang dinadala ang kanyang mga anak at pamangkin

kapag may lagnat ito. Naniniwala din siya na nagagamot ng albularyo ang mga ganitong sakit at

hindi na niya kailangan magpunta pa sa doktor para magpatingin.

Samantala, malimit ding lapitan ng mga tao sa kanayunan at may iilan sa mga siyudad ang hilot

ay tumutukoy sa parehong manghihilot at magpapaanak. Ang manghihilot ang espesyalista sa

pagsasaayos ng mga napilay na buto at iba pang kaugnay na karamdaman. May kakayahan ang

isang hilot na malaman kung anong ugat o litid ang naiipit.

2.1.2. Madyiko-relihiyosong Panggagamot

Sa kabilang banda naman, nariyan ang mga manggagamot na gumagamit ng mga

orasyon, dasal at iba pang ritwalistikong gawain sa panggagamot. Sila ang mga tinatawag na

mga madyiko-relihiyosong manggagamot.

May pagkakapare-pareho ang ilan sa mga ganitong gawain ng panggagamot. Sa rehiyon

ng Ilokos, may mga taong espesyalista sa pagpapabalik ng mga naliligaw na kaluluwa (agtako,

agalaw, agbisibis) at yaong mga nanggagamot ng sakit gaya ng usog (mangngalaw) na

gumagamit din ng mga dasal at nagbibigay din ng mga alay. Subalit ang mga madyiko-

relihiyosong panggagamot ay isinasagawa sa mga sakit na ang sanhi ay itinuturing na

supernatural o mistikal gaya ng mga kaso ng kulam at barang (Tan, 1992).

Kabilang din sa mga madyiko-relihiyosong paraan ng panggagamot ay ang paggamit ng

spirit communication at dasal. Popular ang tawas ng mga Tagalog pati na rin ang mangngaras ng

mga Ilokano na gumagamit ng tawas na inihahalo sa tubig upang basahin at gabayan sila sa

pagtukoy sa naging sanhi ng sakit. Kaugnay din nito ay ang pagbasa gamit ang pula ng itlog (egg

yolk) o ang paggamit ng kandila (Tan, 1992). Ang mga faith healer ay nabibilang din sa

kategoryang ito.

Bagamat mahalaga ang distinksyon sa pagitan ng empirikal at madyiko-relihiyosong

paraan ng panggagamot, importante pa ring bigyan ng pansin ang kadalasang paghahalo ng

Page 8: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

8

dalawang kategorya. May mga albularyo na gumagamit ng mga dasal at tawas bilang bahagi ng

kanilang panggagamot.

2.3. Pinagmulan ng Kakayahang Manggagamot

Acquisition of Skills (Tan, 1992)

Inheritance 55

Apprenticeship to relatives 48

Apparitions 44

Experience 42

Apprenticeship to other healers 22

Illness 22

Ascribed (suhi or breech birth) 20

Self-taught 11

Ayon sa naging pag-aaral ni Dr. Michael Tan (1992), kadalasang ang mga empirikal na

paraan ng panggagamot ay natutunan sa pamamagitan ng pag-aaral o pagsasanay

‘apprenticeship’sa ilalim ng isang kamag-anak na marunong manggamot. Maaari ding sabihin na

ang kakayahang manggamot ay namana sa paraang biyolohikal na makikita sa kasabihang ‘nasa

lahi namin.’

Kasama din dito ang pagkakaroon ng mga pangitain, aparisyon at iba pang karanasang

mistikal o relihiyoso. Sinasabing sa pamamagitan nito, nagkakaroon ng kapangyarihan o

kakayahang manggamot ang isang tao. Ang pagpapakita umano ng Banal na Espiritu, o ng Inang

Birheng Maria at mga ispritong tagabantay ang nagtutulak sa mga ito na manggamot. Isang faith

healer na nagngangalang ‘Baby’ sa Milagros, ay patuloy na dinadayo ng mga nais magpagamot

sa loob ng siyam na taon. Sinasabing ang engkanto na nagkagusto sa kanya ang nagbigay sa

kanya ng kakayahang manggamot.

Sa isang banda naman, karamihan sa mga hilot ay aksidenteng natuto lamang na

magpaanak. Malaking bilang ng mga lalaking hilot ay natuto lamang magpaanak dahil na rin sa

napilitan silang magpaanak ng kanilang mga asawa (Tan, 1992). Sa pagdaan ng panahon,

nagiging bihasa sila at nakilala sa kanilang lugar bilang mahusay na hilot.

Page 9: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

9

2.4. Paraan ng Panggagamot

Pangunahing paraan ng tradisyunal na panggagamot ang pagtatapal ng mga halamang-

gamot at paghihilot o pagsasaayos ng mga nabaling buto. Subalit ang kakayahan ng isang

albularyo ay hindi lamang nalilimitahan sa paggamit ng mga halamang-gamot upang

magpagaling ng mga sakit. Bahagi na ng kakayahan niya ang iba’t iba pang kasanayan sa

panggagamot.

Nariyan ang panghihila na karaniwang paraan ng pagtukoy sa lugar na kung saan may

‘sala’ muscle strain o pull’ ay ang panghihila. Pagkatapos imasahe ng marahan ng langis ng

niyog ang mga lugar na kung saan may nararamdaman, ang panghihila ay isinasagawa gamit ang

isang salamín, at mahabang piraso ng papel na makintab (papel ng kaha ng sigarilyo). Ang mga

ito ay ipinapadaan sa buong katawan. Kapag ito ay nanatili o dumikit sa isang ispisipikong

bahagi, ang bahagi na ito ay itinuturing na may ‘sala,’ at dito idinidirekta ang pagmamasahe. Isa

ring paraan din ng pagmamasahe ang bintusa na kasalukuyang ginagamitan ng mga halamang-

gamot.

Hindi rin naman nawawala ang pagtatawas na naging pangkalahatang tawag sa paraan ng

panghuhula ng sakit at sanhi nito. Sa kasalukuyan, hindi na lamang tawas ang gamit sa

pagtatawas, ginagamit na rin ang kandila, papel, itlog o pula ng itlog, salamin, at iba.

Sa isang bersyon ng pagtatawas ang naikuwento ng isang kinapanayam. ‘Ayon kay G.

Lim, pagkatapos matawas, kukuha ng tatlong [butil ng] palay tapos bubuksn tapos ihuhulog sa

tasang may tubig. Ihuhulog ito at makikita mo ang butil ng bigas na tatayo [sa ganung may

kuwan]. Pagkatapos ay kukunin yun at gagaling na ang bata.

3 ANG FAITH HEALING

Ang faith healing ay ang paniniwala na ang relihiyoso at ispiritwal na pananalig ay

maaaring makapagpagaling, maaaring sa pamamagitan ng mga dasal at mga ritwal. Ang mga ito

umano ay nakakatawag ng banal na presensya at kapangyarihan na maaaring makapagpagaling

ng mga sakit at kapansanan. Sa matagal na panahon, pinaniniwalaang ang mga dasal, divine

intervention, ay nakakapagpagaling ng mga sakit at iba’t ibang uri ng karamdaman. Ito ang

Page 10: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

10

paraan ng paggamot sa pamamagitan ng mga relihiyosong paniniwala at pagdarasal. Ayon kay

Osler (1910) sa kanyang akdang The Faith That Heals:

Faith healing is the process of preventing and curing illness or disease through a

belief in an omnipotent force or creator (God) of the universe. It is a healing

process that focuses on both the body and the mind. An important foundation for

successful healing in a spiritual context is faith, which has always been at the core

of spirituality and religion. Increasingly, the public health and medical

communities have come to realize the value of faith in the healing process and

have been trying to understand how spiritual and religious factors affect healing.

Indeed, faith is considered to be "one of the miracles of human nature which

science is as ready to accept as it is to study its marvelous effects."

Nabibilang ang faith healing sa tradisyunal na panggagamot. Karaniwang tumutukoy ito

sa mga mahimalang panggagamot at kung susuriin, malawak ang saklaw nito. Kabilang dito ang

pag-oopera gamit lamang ang kamay at mga nakakapagpagaling sa pamamagitan lamang ng

paglalapat ng kamay sa bahagi ng katawan na may sakit.

Isa sa mga gamit ng terminong faith healing ay batay sa paniniwala ng mga Kristiyano na

nagpapagaling ang Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong

ng kamay. Ilan sa mga naging halimbawa nito ay ang naging buhay ni Jesus at ang

pagpapagaling niya sa mga maysakit. Isa dito ay ang paggaling ng isang babaeng matagal ng

dinudugo sa loob ng labindalawang taon na pinagaling ni Jesus.

3.1. Uri ng mga Faith Healer

Ayon sa pag-aaral ni Dr. Michael Tan (2008) hinggil sa tradisyunal na panggagamot,

maaaring hatiin sa apat ang mga uri ang mga faith healer na batay sa paraan ng mga paraan na

ginagamit nila sa panggagamot.

Nariyan ang mga ‘tradisyunal na faith healer na gumagamit ng mga dasal at orasyon

kasabay ng pagmasahe at paggamit ng mga halamang-gamot. Ang mga ito ay ang mga albularyo,

at mga hilot na mga ordinaryong tao lamang at matatagpuan sa kanayunan. Karaniwan silang

Page 11: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

11

nabubuhay sa pagsasaka at naninirahan sa kanilang lugar ng mahabang panahon. Sila ay mga

binyagang Katoliko subalit isinasabuhay nila ang kanilang paniniwala na may kasamang

animismo at pagsamba sa mga ispiritu. Ang mga ispiritung ito, kasama ang mga pinaniniwalaang

santo ng Katolisismo ang tumutulong sa kanila sa panggagamot at nagbigay sa kanila ng

kakayahang manggamot.

Ang ikalawang uri ay ang mga nagmula sa lahi ng mga espiritista. Halos katulad lang sila

ng mga tradisyunal na manggagamot. Nagmula ang mga espiritista ito sa Europa at dumating sa

Pilipinas sa pagdating ng ika-20ng siglo. Ang mga espiritistang ito ay nakikipag-ugnayan sa mga

kaluluwa ng mga namatay at iba pang espiritu.

Sa kasalukuyan, pinakasikat na mga faith healer sina Fr. Corsie Legaspi at

FernandoSuarez na nagsasagawa ng mga healing mass. Sila ay mga alagad ng simbahang

Katoliko na nagsasagawa ng mga pagpapagaling sa pamamagitan ng pagdarasal. Panghuli,

nariyan ang mga klaster ng mga faith healer nagmula sa karismatikong grupo ng mga

Protestante.

3.2. Ang Faith Healing sa Makabagong Panahon

Sa kabila ng laganap na pag-unlad ng agham ng medisina, patuloy pa rin sa pag-usbong

ang mga nagsasabing faith healer sila at may kakayahan silang makapagpagaling ng sakit ng

hindi gumagamit ng kombensyunal na gamot at medisina. Subalit kapansin-pansin na sumasabay

sa pag-unlad ng panahon ang paraan ng panggagamot pati na rin ang mga sakit na nagagamot

nito. Sa isinagawang mga panayam at pananaliksik, lumabas na ilan sa patuloy na ginagamit na

pamamaraan ay ang pagmasahe, paggamot ng mga halamang-medisinal, at paglapat ng kamay.

3.2.1. Pagmasahe o paglapat ng kamay (soft touch)

Ang ganitong paraan ay isinasagawa ng dalawa sa nakapanayam na informant na

nagsasabing sila ay nagsasaawa ng faith healing sa kanilang panggagamot. Karaniwang

ginagamot nito ay ang karamdaman na may kaugnayan sa kalamnan, buto, sa hugpungan o

‘ joints . Ilan sa mga ito ay ang sinusitis, migraine, hika, lupus, Bell’s palsy, scoliosis,

osteoporosis, at sakit sa likod, pilay. Kasama rin dito ang rayuma at carpal tunnel syndrome.

Page 12: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

12

3.2.2. Paggamit ng Halamang-gamot

Hindi pa rin nawawala ang paggamit ng mga halamang-gamot kahit na sa makabagong

panahon ng faith healing. Ilan sa mga kinapanayam ay nagsagawa ng mga pag-aaral sa

tradisyunal na panggagamot ng halamang-gamot upang mas mapalawak pa ang kakayahang

manggamot. Karaniwang ginagamot gamit ang paraang ito ay sakit na gaya ng rayuma, arthritis,

gout, mga sakit sa balat tulad ng psoriasis, altapresyon, diabetes, leukemia, sakit sa bato. Ang

organikong komposisyon ng mga halamang-gamot kasama ng dasal at pananalig ang

nakakapagpagaling ng mga sakit.

4 ANG KONSEPTO NG FAITH SA LIPUNAN AT KULTURANG PILIPINO

Ang paniniwala sa isang supernatural na nilalang, sa isang nakatataas at

makapangyarihang nilalang ang siyang pakahulugan sa faith healing. Sa isinagawang

pananaliksik at panayam, lumabas na tema ang sapat na ang pagtitiwala at pananalig na

gumaling upang gumaling ang isang tao sa kanyang sakit. Ito ang tinukoy ng isa sa informant.

Hindi ang manggagamot ang nagpapagaling sa isang karamdaman kundi ang mismong

panananampalataya mo na gagaling ka sa iyong sakit. Isang midyum lamang ang mga faith

healer at nagsasagawa ng panggagamot.

Sa kultura at lipunang Pilipino, ang pananampalataya o faith ay mas naipapakita sa

pagiging relihiyoso at ispiritwal ng indibidwal. Ito ay ang pagpapaubaya sa kapangyarihan ng

isang nilalang na pinaniniwalang mas nakatataas sa lahat – paniniwala sa Diyos at sa mga

ispiritu. Ito ang paniniwala at pagtitiwala sa isang di nakikitang pwersa. Masasalamin ito sa

pagiging relihiyoso at makulay na isipiritwalidad ng mga Pilipino. Maliban sa relihiyon,

paniniwala sa Diyos at mga santo, nariyan din ang animismo at paniniwala sa mga isipitu at mga

supernatural na nilalang.

Samantala, makikita sa faith healing ang mahalagang aspeto ng sakit, ang sikolohikal na

bahagi nito. Hindi mapagkakailala na may mga gumagaling sa mga nagpapagamot sa mga faith

healer. Subalit ayon nga sa isang kinapanayam, sa isang pagtanaw, ang sakit ay maaaring

sikolohikal lamang. Karaniwang nagpapagagamot sa faith healer ay ang mga taong may tainng

na sa buhay at wala ng pag-asang gagaling pa. Mahalaga sa faith healing ang paniniwala at

lubusang pananalig mo na gagaling ka at paniniwala sa manggagamot. May isang informant na

Page 13: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

13

nagsabing kailangan munang maniwala bago gamutin ang isang indibidwal at kapag hindi, hindi

siya gagamutin. At dahil nga sikolohikal ito at maaaring nakondisyon na ang utak ng isang tao na

gagaling siya kapag nagpatingin siya, may malaking posibilidad na mangyari ito subalit hindi

tiyak ang lubusang paggaling. Maaaring panandalian lamang ang kanyang paggaling dahil na rin

sa paniniwala at kagustuhan niyang gumaling.

May dalawang bahagi ang faith healing: paniniwala ng maysakit na gagaling siya at

paniniwala ng manggagamot na nakakapagpagaling siya. Ang mga faith healer ay nagiging faith

healer dahil naniniwala sila na sila ay pinagkalooban ng kapangyarihang manggamot gaya ng

kwento ni Santino sa palabas na ‘May Bukas Pa’. Ang faith healing ay isng dinamikong

interaksyon sa pagitan ng mga nagpapagamot at nanggagamot. Kailangang parehong naniniwala

ang dalawang sangkot sa proseso ng panggagamot upang masigurado ang paggaling ng sakit.

Maraming dahilan kung bakit sumusubok ang isang tao na magpagamot sa isang faith

healer. Sa mga lalawigan, mas malapit talaga sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao ang mga

albularyo, hilot at iba pa dahil kilala sila sa kanilang lugar at madalas na nakakasalamuha.

Dagdag pa rito ang limitadong akses sa malapit na ospital at ang kakulangan ng kakayahang

magbayad sa anumang gastusin.

Sa kabilang banda, may mga mayayaman din namang nagpapatingin sa mga faith healer.

Ito ay dala na ng desperasyon at matinding kagustuhan na mapagaling ang kanilang karamdaman

na hindi kayang gamutin ng mga doktor kahit na paulit-ulit na silang nagpabalik-balik sa ospital

at sumailalim sa operasyon. Sa puntong ito, hindi lamang limitado sa hanay-mahirap ang

pagpapagamot sa faith healing at makikita ang pagkakapantay-pantay ng mga tao pagdating sa

usapin ng kanilang pananampalataya.

5.0 KONGKLUSYON

Mayaman sa relihiyoso at ispiritwal na aspeto ang kulturang Pilipino. Ang relihiyosidad

na ito ay may malaking impluwensya lahat ng bahagi ng buhay ng isang Pilipino, maging sa

kanyang kalusugan. Dahil dito, bagaman malaki na ang naging pag-unlad ng agham ng medisina,

Page 14: Ang Sikolohikal Na Aspekto Ng Sakit at Ang Faith Healing

14

hindi pa rin nawawala sa lipunan at kulturang Pilipinoang pagkokonsulta sa katutubong

manggagamot upang magpatingin ng kanilang sakit. Maliban sa estadong pinansyal at limitasyon

sa akses sa mga ospital at klinika, mas malapit pa rin sa buhay ng mga Pilipino ang tradisyunal

na panggagamot. Kasama na rin dito ang desperasyon matapos magpatingin sa iba’t ibang

dalubhasa subalit hindi naman gumagaling.

Ang faith healing ay tumutukoy sa paniniwala na ang pananalig ay sapat na upang

gumaling ang isang indibidwal sa kanyang sakit. Subalit lumabas sa pananaliksik na isa itong

dinamikong interaksyon sa pagitan ng nagpapagamot at nanggagamot. At bilang panghuli,

makikita sa proseso ng faith healing ang sikolohikal na aspeto ng sakit na nararamdaman ng

isang tao.

6.0 SANGGUNIAN

Tan, Michael. 1992. Traditional Medical Practitioners in the Philippines. Health Alert. 134.

Tan, Michael. 2008. Pinoy Kasi: Faith Healers. Philippine Daily Inquirer. Retrieved from http://opinion.inquirer.net/inquireropinion/columns/view/20080314-124583/Faith-healers